2017
At Ito ang Buhay na Walang Hanggan
May 2017


At Ito ang Buhay na Walang Hanggan

Kilala kayo ng Diyos at inaanyayahan Niya kayong kilalanin Siya.

Nagsasalita ako sa inyo, na bagong henerasyon—mga kabataan at young adult, single o may-asawa—kayo na mga magiging lider ng Simbahang ito. Sa kabila ng lahat ng kasamaan, kaguluhan, takot, at kalituhan sa daigdig ngayon, nagsasalita ako sa inyo ngayon tungkol sa karingalan at pagpapala ng pagkakilala sa Diyos.

Maraming itinurong katotohanan si Jesucristo na nagpapaliwanag sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa inyong lugar dito. Magpopokus ako sa dalawa sa mga ito para tulungan kayong maunawaan ang inyong identidad bilang anak ng Diyos at malaman ang inyong layunin sa buhay.

Una: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.”1

Pangalawa: “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”2

Mangyaring tandaan ninyo ang mga katotohanang ito—itinuturo ng mga ito kung bakithabang sinisikap kong ilarawan kung paano ninyo at nating lahat, makikilala ang Diyos.

Kilalanin Siya sa Pamamagitan ng Panalangin

Mga batang kaibigan, masisimulan nating makilala ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Noong Abril 7, 1829, ang 22-taong-gulang na si Oliver Cowdery ay nagsimulang maging tagasulat para sa 23-taong-gulang na si Joseph Smith. Bata sila noon—gaya ninyo. Humiling si Oliver ng katibayan mula sa Diyos tungkol sa Panunumbalik at sa kanyang gawain dito. Bilang sagot, natanggap niya ang sumusunod na paghahayag:

“Masdan, iyong nalalaman na ikaw ay nagtanong sa akin at aking nilinaw ang iyong pag-iisip. …

“Oo, sinasabi ko sa iyo, upang iyong malaman na wala nang iba pa kundi Diyos lamang ang nakaaalam ng iyong mga saloobin at hangarin ng iyong puso. …

“… Kung nagnanais ka ng karagdagang katibayan, ipako mo ang isipan sa gabing ikaw ay nagsumamo sa akin sa iyong puso. …

“Hindi nga ba’t ako ay nangusap ng kapayapaan sa iyong isipan … ? Ano pang mas higit na katibayan ang iyong matatamo kundi ang mula sa Diyos?”3

Kapag nagdarasal kayo nang may pananampalataya, madarama ninyo ang pagmamahal ng Diyos dahil nangungusap ang Kanyang Espiritu sa inyong kaluluwa. Kahit pakiramdam ninyo ay nag-iisa kayo o hindi kayo nakakatitiyak, kayo ay hindi nag-iisa sa mundong ito. Kilala kayo ng Diyos, nang personal. Sa inyong pagdarasal, Siya ay makikilala ninyo.

Kilalanin Siya sa Pamamagitan ng Pag-aaral ng Banal na Kasulatan

Sa pag-aaral ninyo ng banal na kasulatan, hindi lamang ninyo nalalaman ang tungkol sa Tagapagligtas, kundi talagang makikilala ninyo Siya.

Noong Abril 1985, si Elder Bruce R. McConkie ay nagsalita sa pangkalahatang kumperensya—13 araw lang bago siya namatay. Nagtapos siya sa ganitong patotoo:

“Isa ako sa Kanyang mga saksi, at darating ang araw na dadamhin ko ang mga marka ng pako sa Kanyang mga kamay at paa at babasain ng aking mga luha ang Kanyang mga paa.

“Ngunit pagdating ng araw na iyon ay hindi madaragdagan ang alam ko ngayon na Siya ang Makapangyarihang Anak ng Diyos, na Siya ang ating Tagapagligtas at Manunubos, at na dumarating ang kaligtasan sa at sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang dugo at sa wala nang iba pang paraan.”4

Ang mga nakarinig sa pagsasalita ni Elder McConkie noong araw na iyon ay hindi kailan man nalimutan ang nadama namin noon. Nang simulan niya ang kanyang mensahe, inihayag niya kung bakit napakamakapangyarihan ng kanyang patotoo. Sabi niya:

“Tungkol sa kamangha-manghang mga bagay na ito, gagamitin ko ang sarili kong mga salita, bagama’t maaari ninyong isipin na ito ay mga salita sa banal na kasulatan. …

“Totoo na unang ipinahayag ng iba ang mga ito, ngunit sa akin na ang mga ito ngayon, sapagkat ang Banal na Espiritu ng Diyos ay nagpatotoo sa akin na ang mga ito ay totoo, at ngayon ay parang inihayag na sa akin ng Panginoon ang mga ito sa unang pagkakataon. Kung kaya’t narinig ko na ang Kanyang tinig at alam ko na ang Kanyang salita.”5

Habang inaaral at pinagninilayan ninyo ang mga banal na kasulatan, maririnig din ninyo ang tinig ng Diyos, malalaman ang Kanyang mga salita, at makikila Siya. Ihahayag ng Diyos ang Kanyang walang hanggang mga katotohanan sa iyo. Ang mga doktrina at alituntuning ito ay magiging bahagi ng kung sino kayo at mababanaag sa mismong kaluluwa ninyo.

Bukod pa sa ating personal na pag-aaral, ang pag-aaral ng mga banal na kasulatan bilang pamilya ay mahalaga.

Sa aming tahanan nais naming matutuhan ng aming mga anak na makilala ang tinig ng Espiritu. Naniniwala kaming nangyari iyan nang pag-aralan namin ang Aklat ni Mormon araw-araw bilang pamilya. Napalakas ang aming patotoo nang pag-usapan namin ang mga sagradong katotohanang ito.

Ang pag-aaral ng banal na kasulatan ang nagiging daluyan ng Espiritu para personal kaming maturuan. Sa pag-aaral ninyo ng mga banal na kasulatan araw-araw, nang nag-iisa at kasama ang inyong pamilya, matututuhan ninyong makilala ang tinig ng Espiritu at makikilala ninyo ang Diyos.

Kilalanin Siya sa Pamamagitan ng Pagsunod sa Kanyang Kalooban

Bukod sa ating pagdarasal at pag-aaral ng mga banal na kasulatan, kailangan nating sundin ang kalooban ng Diyos.

Ang Tagapagligtas ang ating perpektong halimbawa. Sinabi Niya, “Bumaba akong mula sa langit, hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin.”6

Nang magpakita ang nabuhay na mag-uling Tagapagligtas sa mga Nephita, sinabi Niya, “Masdan, ako ang ilaw at ang buhay ng sanlibutan; at ako ay uminom sa mapait na sarong ibinigay ng Ama sa akin, at niluwalhati ang Ama sa pagdadala ko ng mga kasalanan ng sanlibutan, na kung saan aking binata ang kalooban ng Ama sa lahat ng bagay magbuhat pa sa simula.”7

Ginagawa natin ang kalooban ng Ama sa paggalang sa ating mga tipan, pagsunod sa mga kautusan, at paglilingkod sa Diyos at sa ating kapwa-tao.

Kami ng asawa kong si Rhonda, ay may mga magulang na karaniwang tao lamang—malamang katulad ng inyong mga magulang. Ngunit ang isang bagay na gustung-gusto ko sa mga magulang namin ay ang inilaan nila ang kanilang buhay sa paglilingkod sa Diyos, at tinuruan nila kaming gayon din ang gawin.

Noong ilang taon pa lang nakakasal ang mga magulang ni Rhonda, ang kanyang 23-taong-gulang na ama ay tinawag na maglingkod sa full-time mission. Iniwan niya ang kanyang bata pang asawa at kanilang 2-taong-gulang na anak na babae. Pagkatapos ay tinawag ang kanyang asawa na maglingkod na kasama niya sa huling pitong buwan ng kanyang misyon—at naiwan ang kanilang anak sa pangangalaga ng mga kamag-anak.

Makalipas ang ilang taon, at may apat nang anak, lumipat sila sa Missoula, Montana, para makapag-aral sa unibersidad ang kanyang ama. Gayunman, ilang buwan pa lang sila doon nang tawagin nina Pangulong Spencer W. Kimball at Elder Mark E. Petersen ang aking biyenan na maging unang pangulo ng bagong likhang Missoula stake. Siya ay 34 anyos lamang noon. Isinantabi muna niya ang pag-aaral sa unibersidad nang hangarin niyang gawin ang kalooban ng Panginoon —hindi ang kanyang sariling kalooban.

Ang aking mga magulang ay naglingkod din sa templo nang higit sa 30 taon—si Itay ay isang sealer, si Inay ay isang ordinance worker. Naglingkod din silang magkasama sa limang full-time mission—sa Riverside, California; Ulaanbaatar, Mongolia; Nairobi, Kenya; Nauvoo Illinois Temple; at sa Monterrey Mexico Temple. Sa Mexico ay nagsikap silang mabuti na pag-aralan ang bagong wika, na hindi madali para sa edad na 80 anyos. Ngunit hinangad nilang gawin ang kalooban ng Panginoon sa halip na gawin ang mga nais nila sa buhay.

Para sa kanila, at sa lahat ng mga Banal sa mga Huling Araw sa buong mundo na may dedikasyon, inuulit ko ang mga salita ng Panginoon kay propetang Nephi, na anak ni Helaman: “Pinagpala ka, … sa yaong mga bagay na ginawa mo … nang walang kapaguran … , [dahil] hindi mo inalintana ang sarili mong buhay, kundi sinunod ang aking kalooban, at sinunod ang aking mga kautusan.”8

Sa hangarin nating gawin ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng matapat na paglilingkod sa Kanya at sa ating kapwa-tao, nadarama natin ang Kanyang pagsang-ayon at tunay na nakikilala natin Siya.

Kilalanin Siya sa Pamamagitan ng Pagiging Tulad Niya

Sinasabi sa atin ng Tagapagligtas na ang pinakamainam na paraan para makilala ang Diyos ay sa pagiging tulad Niya. Itinuro niya: “Kung gayon, maging anong uri ng mga tao ba nararapat kayo? Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maging katulad ko.”9

Ang pagiging marapat ay kailangan sa pagiging katulad Niya. Iniutos ng Tagapagligtas, “Pabanalin ang inyong sarili; oo, dalisayin ang inyong mga puso, at linisin ang inyong mga kamay … upang akin kayong gawing malinis.”10 Sa simula ng pagtahak sa landas ng pagiging tulad Niya, nagsisisi tayo at natatanggap ang Kanyang pagpapatawad, at nililinis Niya ang ating kaluluwa.

Para tulungan tayo sa pagprogreso natin tungo sa Ama, ibinigay ng Panginoon sa atin ang pangakong ito: “Bawat kaluluwa na tatalikod sa kanyang mga kasalanan at lalapit sa akin, at mananawagan sa aking pangalan, at susunod sa aking tinig, at susunod sa aking mga kautusan, ay makikita ang aking mukha at malalaman na ako na nga.”11

Sa ating pananalig sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nililinis tayo ng Tagapagligtas, pinagagaling tayo, at binibigyan tayo ng kakayahang makilala Siya at maging tulad Niya. Itinuro ni Mormon na, “Manalangin sa Ama nang buong lakas ng puso, … upang kayo ay maging mga anak ng Diyos; na kung siya ay magpapakita tayo ay magiging katulad niya.”12 Sa pagsisikap nating maging katulad ng Diyos, magagawa Niya sa atin ang higit pa sa magagawa natin sa ating sarili.

Kilalanin Siya sa Pamamagitan ng Pagsunod sa mga Guro

Para matulungan tayo sa ating pagsisikap, binigyan Niya tayo ng mga huwaran at mentor o guro. Nais kong ibahagi ang nadama ko minsan sa isa sa aking mga guro na si Elder Neal A. Maxwell. Palagi niyang hinahangad na sundin ang kalooban ng Ama sa kanyang pagsisikap na maging katulad ng Diyos.

Mahigit 20 taon na ang nakalipas, ibinahagi niya sa akin ang damdamin niya matapos malaman na may kanser siya. Sabi niya sa akin, “Gusto kong makasama sa team, sa panig na ito [ng tabing] o sa kabila. Ayaw kong basta nakaupo lang. Gusto kong makipaglaro.”13

Nang sumunod na ilang linggo, atubili siyang humiling sa Diyos na pagalingin siya; gusto lang niyang gawin ang kalooban ng Diyos. Ipinaliwanag ng kanyang asawang si Colleen na ang unang daing ni Jesus sa Getsemani ay, “Kung baga maaari, ay lumampas sa akin ang sarong ito.” Noon lamang sinabi ng Tagapagligtas na, “Gayon may huwag ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.14 Hinikayat niya si Elder Maxwell na tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas, na humingi ng kaginhawahan at pagkatapos ay pasakop sa kalooban ng Diyos, na siya namang ginawa niya.15

Matapos magdusa sa matindihan at nakapanghihinang gamutan sa loob halos ng isang taon, lubos at ganap siyang nabalik sa “pakikipaglaro.” Naglingkod pa siya nang mahigit sa pitong taon.

Nagkaroon ako ng ilang assignment na kasama siya sa mga sumunod na taong iyon. Nadama ko ang kanyang kabaitan, awa, at pagmamahal. Nasaksihan ko ang dagdag na espirituwal na pagdadalisay sa kanyang patuloy na pagdurusa at paglilingkod sa pagsisikap niyang maging katulad ng Tagapagligtas.

Ang pinakamabuting huwaran at mentor o guro, na mapamamarisan nating lahat, ay ang ating Panginoon at Tagapagligtas na si Jesucristo, na nagsabing, “Ako ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay: sinoman ay di makaparoroon sa Ama, kundi sa pamamagitan ko.”16 “Pumarito ka, sumunod ka sa akin.”17

Mga bata kong kapatid, ang pagkilala sa Diyos ay panghabambuhay na mithiin. “At ito ang buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala [namin] na iisang Dios na tunay, at siyang iyong sinugo, sa makatuwid baga’y si Jesucristo.”18

“Hindi ba tayo magpapatuloy sa isang napakadakilang adhikain? … Lakas-ng-loob, mga [bata kong kaibigan]; at, humayo sa pananagumpay!”19

Kilala kayo ng Diyos at inaanyayahan Niya kayong kilalanin Siya. Manalangin sa Ama, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, sikaping maging katulad ng Tagapagligtas, at sundin ang mga matuwid na guro. Sa paggawa nito, makikilala ninyo ang Diyos at si Jesucristo, at magmamana kayo ng buhay na walang hanggan. Ito ang imbitasyon ko sa inyo bilang inorden na saksi Nila. Sila ay buhay. Mahal Nila kayo. Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.