2017
Reyna I. Aburto
May 2017


Reyna I. Aburto

Pangalawang Tagapayo, Relief Society General Presidency

Reyna I. Aburto

Isinilang si Sister Reyna I. Aburto sa Managua, Nicaragua, kina Noel Blanco at Delbi Cardoza noong 1963. “Palaging masigasig sa pagtatrabaho ang mga magulang ko para matustusan ang mga pangangailangan namin,” sabi ni Sister Aburto. “Napakasaya ng kabataan ko.”

Lagpas ng hatinggabi noong Disyembre 23, 1972, noong siya ay siyam na taong gulang, isang lindol ang tumama sa Managua. “Nakaligtas ako dahil may isang piraso ng muwebles sa likuran ko, pero naipit ang mga binti ko.” Nang marinig ang sigaw niya at ng kanyang ina, nagdatingan ang mga kapitbahay para hilahin sila palabas mula sa gumuhong bahay na yari sa adobe. Sa guho, natagpuan nila ang bangkay ng kanyang kuya sa kamang katabi ng kanya. “Ang materyal na mga pag-aari ay pansamantala lamang, pero ang mahalaga ay ang ating pamilya,” wika niya.

Noong siya ay 21 anyos, nandayuhan si Sister Aburto sa Estados Unidos kasama ang kanyang pamilya. Habang naninirahan sa San Francisco, California, ipinakilala siya sa mga missionary at nagpasiya siyang magsimba. “Pagpasok na pagpasok ko sa gusaling iyon, nadama ko ang Espiritu. Stake conference noon, at nadama ko na ang bawat mensahe ay para sa akin,” wika niya. Nabinyagan siya noong 1989.

Sa panahong ito nakilala niya si Carlos Aburto, at naging magkaibigan sila. Patuloy silang nagsulatan, kahit noong lumipat na si Sister Aburto sa Orem, Utah. Nakasal sila noong Mayo 8, 1993, sa Jordan River Utah Temple. Tatlo ang anak nila.

Si Sister Aburto, na sinang-ayunan noong Abril 1, 2017, sa Relief Society General Presidency, ay nagtrabaho sa industriya ng pagsasalin nang mahigit 25 taon, pati na sa Novell Inc. at Lemoine International. Silang mag-asawa ay may sarili na ngayong maliit na translation agency. Nag-aral siya ng industrial engineering sa Central American University sa Managua, Nicaragua, nang apat na taon at nagtamo ng associate degree sa computer science mula sa Utah Valley State College noong 1997.

Si Sister Aburto ay naglingkod sa iba’t ibang tungkulin sa Simbahan, kabilang na ang pagiging miyembro ng Primary general board mula 2012 hanggang 2016.