Sharon Eubank
Unang Tagapayo, Relief Society General Presidency
Bilang bagong empleyado sa LDS Humanitarian Services, nasaksihan ni Sharon Eubank ang hirap, lungkot, at dalamhati kaya nahirapan siyang kumilos. Sa pamamagitan ng panalangin, naunawaan niya na bagama’t matutulungan niya ang Panginoon na pangalagaan ang Kanyang mga anak, hindi niya kayang pigilan ang kalungkutan. “Si Jesucristo ang namamahala. Siya ang magpapasan nito. Sila ay Kanyang mga tao, at dinidinig at sinasagot Niya ang kanilang mga dalangin.” Ang sagot na iyon ang nagpabago sa kakayahan niyang tumulong at maglingkod.
Makalipas ang mga taon, si Sister Eubank, bilang direktor ng LDS Charities—ang organisasyong pangkawanggawa ng Simbahan—ay naghatid ng tulong at nagtaguyod ng pag-asa sa sarili sa mga taong nangangailangan sa buong mundo.
Sinang-ayunan noong Abril 1, 2017, sa Relief Society General Presidency, magpapatuloy siya sa kanyang tungkulin bilang direktor ng LDS Charities. May “malaking ugnayan” ang LDS Charities sa Relief Society, kung saan ang mga miyembro ng Relief Society General Presidency ay umuupo sa board of directors para sa LDS Charities, paliwanag niya. Palalakasin ng kanyang mga responsibilidad sa dalawang organisasyong iyon ang ugnayang iyon.
Isinilang noong 1963 sa Redding, California, USA, si Sharon ang panganay sa pitong anak nina Mark at Jean Eubank. Lumaki sa Bountiful, Utah, USA, si Sister Eubank ay tumira sa isang 10-akreng (4 ha) lupain kung saan namitas ang mga bata sa pamilya Eubank ng apricots, nagkumpuni ng mga pandilig, at nagkaroon ng malapit na access sa kabundukan ng Utah.
Natanggap ni Sister Eubank ang kanyang bachelor‘s degree sa English at history mula sa Brigham Young University sa Provo, Utah, at naglingkod siya sa Finland Helsinki Mission.
Bukod sa trabaho niya sa Welfare Department ng Simbahan, nagtrabaho si Sister Eubank sa Capitol Hill sa Washington, D.C., USA, naging kasosyo sa isang maliit na negosyo, at tumira sa ibang bansa sa Japan at France.
Bawat pagkakataon ay isang “hakbang ng pananampalataya” na tumulong sa kanya na matutuhan ang mga kasanayang ginagamit niya ngayon, nagtulot na makilala niya ang mababait na tao sa loob at labas ng Simbahan, at nagpadama sa kanya ng pagmamahal at pagpapahalaga sa maraming kultura, wika, at pagkain sa mundo.