2017
Ang Tinig ng Babala
May 2017


Ang Tinig ng Babala

Bagama’t damang-dama ng mga propeta ang tungkuling magbabala, tungkulin din ito ng iba.

Ang propetang si Ezekiel ay isinilang mga dalawang dekada bago nilisan ni Lehi at ng kanyang pamilya ang Jerusalem. Noong 597 BC, sa edad na 25, isa si Ezekiel sa maraming bihag na dinala ni Nabucodonosor sa Babilonia, at maaaring masabi nating ginugol niya ang nalalabi niyang buhay doon.1 Nasa angkan siya ng mga maytaglay ng Aaronic priesthood, at sa edad na 30, siya ay naging isang propeta.2

Sa pag-aatas kay Ezekiel, ginamit ni Jehova ang metapora ng isang bantay.

“Kung pagkakita [ng bantay] ng tabak na dumarating sa lupain, kaniyang hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan;

“Sinoman ngang makarinig ng tunog ng pakakak, at hindi pinansin kung ang tabak ay dumating at dalhin siya, ang kaniyang dugo ay mapapasa kaniyang sariling ulo.”3

Sa kabilang dako, “kung makita ng bantay na dumarating ang tabak, at hindi humihip ng pakakak, at ang bayan ay hindi napagbigyang alam, at ang tabak ay dumating, at maghiwalay ng sinoman mula sa gitna nila, … ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa kamay ng bantay.”4

Pagkatapos ay tuwirang sinabi ni Jehova kay Ezekiel, “Sa gayo’y ikaw, anak ng tao, ay inilagay ko na bantay sa sangbahayan ni Israel; kaya’t dinggin mo ang salita sa aking bibig, at magbigay alam ka sa kanila [para sa] akin.”5 Ang babala ay ang talikuran ang kanilang kasalanan.

“Pagka aking sinabi sa masama, Oh masamang tao, ikaw ay walang pagsalang mamamatay, at ikaw ay hindi nagsasalita upang magbigay alam sa masama ng kaniyang lakad: ang masamang yaon ay mamamatay sa kaniyang kasamaan, nguni’t ang kaniyang dugo ay sisiyasatin ko sa iyong kamay.

“Gayon ma’y kung iyong bigyang alam ang masama ng kaniyang lakad upang humiwalay, at hindi niya hiniwalayan ang kaniyang lakad; mamamatay siya sa kaniyang kasamaan, nguni’t iniligtas mo ang iyong kaluluwa. …

“Muli, pagka aking sinabi sa masama, Ikaw ay walang pagsalang mamamatay; kung kaniyang iwan ang kaniyang kasalanan, at gawin ang tapat at matuwid; …

“Wala sa kaniyang mga kasalanan na kaniyang nagawa na aalalahanin laban sa kaniya; kaniyang ginawa ang tapat at matuwid; siya’y walang pagsalang mabubuhay.”6

Mahalagang pansinin na ang babalang ito ay angkop din sa mabubuti. “Pagka aking sasabihin sa matuwid na siya’y walang pagsalang mabubuhay; kung siya’y tumiwala sa kaniyang katuwiran, at gumawa ng kasamaan, anoman sa kaniyang mga matuwid na gawa ay hindi aalalahanin; kundi sa kaniyang kasamaan na kaniyang nagawa doon siya mamamatay.”7

Sa pagsusumamo sa Kanyang mga anak, sinabi ng Diyos kay Ezekiel, “Sabihin mo sa kanila, Buhay ako, sabi ng Panginoong Dios, wala akong kasayahan sa kamatayan ng masama; kundi ang masama ay humiwalay sa kaniyang lakad at mabuhay: manumbalik kayo, manumbalik kayo na mula sa inyong masasamang lakad; sapagka’t bakit kayo mangamamatay, Oh sangbahayan ni Israel?”8

Malayo sa pagiging sabik magparusa, hangad ng ating Ama sa Langit at ng ating Tagapagligtas ang ating kaligayahan at nagsusumamong magsisi tayo, lubos na nababatid na “ang kasamaan ay hindi kailanman [naging at magiging] kaligayahan.”9 Kaya si Ezekiel at ang bawat propeta bago at simula noon, na nagpahayag ng salita ng Diyos nang buong puso, ay nagbabala sa lahat ng may kalooban na tumalikod kay Satanas, ang kaaway ng kanilang kaluluwa, at “[piliin ang] kalayaan at buhay na walang hanggan, sa pamamagitan ng dakilang Tagapamagitan ng lahat ng tao.”10

Bagama’t damang-dama ng mga propeta ang tungkuling magbabala, tungkulin din ito ng iba. Katunayan, “nababagay lamang sa bawat tao na nabigyang-babala na balaan ang kanyang kapwa.”11 Tayo na nakakaalam na ng dakilang plano ng kaligayahan—at ng kaugnay nitong mga kautusan—ay dapat magkaroon ng hangaring ibahagi ang kaalamang iyan dahil gumagawa ito ng malaking kaibhan dito at sa kawalang-hanggan. At kung itatanong natin, “Sino ang aking kapwa na dapat kong balaan?” tiyak na ang sagot ay matatagpuan sa isang talinghagang nagsisimula sa, “Isang tao’y bumababa sa Jerico na mula sa Jerusalem, at siya’y nahulog sa kamay ng mga tulisan,”12 at sinundan ito ng iba pa.

Ang pag-iisip sa talinghaga ng mabuting Samaritano sa kontekstong ito ay nagpapaalala sa atin na ang tanong na “Sino ang aking kapwa?” ay naukaugnay sa dalawang dakilang utos: “Iibigin mo ang Panginoon mong Dios ng buong puso mo, at ng buong kaluluwa mo, at ng buong lakas mo, at ng buong pagiisip mo; at ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili.”13 Ang humihikayat na itaas ang tinig ng babala ay pag-ibig—pag-ibig sa Diyos at sa kapwa-tao. Ang magbabala ay ang magmalasakit. Iniutos ng Panginoon na dapat itong gawin “sa kahinahunan at kaamuan”14 at “sa pamamagitan … ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan … , at ng hindi pakunwaring pag-ibig.”15 Maaaring agaran ito, katulad ng kapag binalaan natin ang isang bata na huwag isalang sa apoy ang kanyang kamay. Kailangan ay malinaw ito at kung minsan ay may mariing paninindigan. Paminsan-minsan, ang babala ay nagiging isang pagtatama “kapag pinakikilos [tayo] ng Espiritu Santo,”16 ngunit palaging dahil sa pagmamahal. Saksihan, halimbawa, ang pagmamahal na naghihikayat ng paglilingkod at mga sakripisyo ng ating mga missionary.

Tunay ngang pakikilusin ng pagmamahal ang mga magulang para balaan ang pinakamalalapit nilang “kapwa,”—ang sarili nilang mga anak. Ang ibig sabihin nito ay ituro at patotohanan ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Nangangahulugan ito na turuan ang mga bata ng doktrina ni Cristo: pananampalataya, pagsisisi, binyag, at ang kaloob na Espiritu Santo.17 Nagpaalala ang Panginoon sa mga magulang, “Ipinag-utos ko sa inyo na palakihin ang inyong mga anak sa liwanag at katotohanan.”18

Ang isang mahalagang elemento ng tungkuling magbabala ng mga magulang ay hindi lamang ang ilarawan ang nakalulungkot na bunga ng kasalanan kundi maging ang kagalakan sa pagsunod sa mga kautusan. Alalahanin ang sinabi ni Enos tungkol sa kung ano ang nag-akay sa kanya na hanapin ang Diyos, tanggapin ang kapatawaran ng mga kasalanan, at magbalik-loob:

“Masdan, ako ay humayo upang mangaso sa mga kagubatan; at ang mga salitang madalas kong marinig na sinasabi ng aking ama hinggil sa buhay na walang hanggan, at ang kagalakan ng mga banal, ay tumimo nang malalim sa aking puso.

“At ang aking kaluluwa ay nagutom; at ako ay lumuhod sa harapan ng aking Lumikha, at ako ay nagsumamo sa kanya sa mataimtim na panalangin at hinaing.”19

Dahil sa Kanyang walang kapantay na pag-ibig at malasakit sa iba at sa kanilang kaligayahan, hindi nag-atubili si Jesus na magbabala. Sa pagsisimula ng Kanyang ministeryo, “nagpasimulang mangaral si Jesus, at magsabi, Mangagsisi kayo; sapagka’t malapit na ang kaharian ng langit.”20 Dahil alam Niyang hindi paakyat sa langit ang lahat ng landas, iniutos Niya:

“Kayo’y magsipasok sa makipot na pintuan: sapagka’t maluwang ang pintuan, at malapad ang daang patungo sa pagkapahamak, at marami ang doo’y nagsisipasok:

“Sapagka’t makipot ang pasukan, at makitid ang daan, patungo sa buhay, at kakaunti ang nakasusumpong nito.”21

Naglaan Siya ng panahon sa mga makasalanan, at sinabi, “Hindi ako pumarito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan sa pagsisisi.”22

Tungkol sa mga eskriba, Fariseo, at Saduceo, matigas si Jesus sa pagsumpa sa kanilang pagkukunwari. Tuwiran ang Kanyang mga babala at utos: “Sa aba ninyo, mga eskriba at mga Fariseo, mga [mapagpanggap]! sapagka’t nangagbibigay kayo ng sa ikapu ng yerbabuena, at ng anis at ng komino, at inyong pinababayaang di ginagawa ang lalong mahahalagang bagay ng kautusan, na dili iba’t ang katarungan, at ang pagkahabag, at ang pananampalataya: datapuwa’t dapat sana ninyong gawin ang mga ito, at huwag pabayaang di gawin yaong iba.”23 Tiyak na hindi pararatangan ninuman ang Tagapagligtas na hindi Niya minahal ang mga eskriba at Fariseo—dahil sa kabila ng lahat, Siya ay nagdusa at namatay upang iligtas din sila. Ngunit dahil mahal Niya sila, ayaw Niyang hayaan silang patuloy na magkasala nang hindi sila malinaw na itinatama. Pagpuna ng isang nagmamasid, “Tinuruan ni Jesus ang kanyang mga alagad na gawin ang kanyang ginawa: na tanggapin ang lahat ngunit turuan din sila tungkol sa kasalanan, dahil kung mahal nila ang mga tao, kailangan silang balaan sa mga makasasakit sa kanila.”24

Kung minsan, ang mga nagtataas ng tinig ng babala ay itinuturing na mapanghusga. Gayunman, isang kabalintunaan na kadalasan, ang mga nagsasabing ang katotohanan ay depende sa pananaw ng tao at ang mga pamantayang moral ay depende sa gusto ng tao ay sila mismong mga sobra kung mamintas sa mga taong ayaw tanggapin ang kasalukuyang itinuturing ng lipunan na “tamang pag-iisip.” Tinukoy ito ng isang manunulat na “kultura ng hiya”:

“Sa kultura ng pagkakonsensya, alam mong mabuti o masama kang tao batay sa dikta ng iyong konsiyensya. Sa kultura ng hiya, alam mong mabuti o masama kang tao batay sa sinasabi ng mga tao tungkol sa iyo, kung ito ay ikararangal mo o kung itatakwil ka dahil dito. … [Sa kultura ng hiya,] ang moralidad ay hindi batay sa mga alituntunin ng tama at mali; batay ito sa pagiging katanggap-tanggap at pagiging katakwil-takwil. …

“… Lahat ng tao ay patuloy na nangangamba sa isang sistema ng moralidad na batay sa pagtanggap o pagtatakwil. Walang permanenteng mga pamantayan, maliban sa pabagu-bagong pagpapasiya ng mga tao. Ito ay isang kultura ng pagiging sobrang maramdamin, ng pagbibigay ng labis na reaksyon at pagkalito sa kung ano ang tama o mali, kung saan napipilitan ang lahat na magpatangay. … 

“Ang kultura ng pagkakonsensya ay maaaring malupit, ngunit maaari mo namang kamuhian ang kasalanan at mahalin pa rin ang nagkasala. Pinahahalagahan di-umano sa makabagong kultura ng hiya ang pagtanggap at pagpaparaya, ngunit maaaring walang-awa ito sa mga hindi sang-ayon at sa mga hindi napapabibilang.”25

Kasalungat nito ang “bato na ating Manunubos,”26 isang matatag at permanenteng pundasyon ng katarungan at kabutihan. Mas mabuting magkaroon ng di-nagbabagong batas ng Diyos kung saan maaari nating piliin ang ating tadhana kaysa mabihag sa pabagu-bagong mga patakaran at poot ng mga nagkakagulong tao sa social media. Mas mabuting malaman ang katotohanan kaysa “napapahapay dito’t doon at dinadala sa magkabikabila ng lahat ng hangin ng aral.”27 Mas mabuting magsisi at mamuhay ayon sa pamantayan ng ebanghelyo kaysa magkunwaring walang tama o mali at manghina sa kasalanan at panghihinayang.

Ipinahayag ng Panginoon, “Ang tinig ng babala ay mapapasalahat ng tao, sa pamamagitan ng mga bibig ng aking mga disipulo, na aking mga pinili sa mga huling araw na ito.”28 Bilang mga bantay at disipulo, hindi tayo maaaring walang kilingan sa “[higit na mabuting paraan].”29 Tulad ni Ezekiel, hindi natin maaaring makita ang pagdating ng espada sa lupain nang “hindi humi[hi]hip ng pakakak.”30 Hindi ito nangangahulugang kakalampagin natin ang pinto ng ating kapitbahay o tatayo tayo sa plasa at sisigaw ng, “Magsisi!” Ang totoo, kapag inisip ninyo ito, nasa atin sa ipinanumbalik na ebanghelyo ang talagang gusto ng mga tao. Kaya ang tinig ng babala ay karaniwang hindi lamang magalang, kundi sabi nga ng Mang-aawit, iyo’y “ingay ng kagalakan.”31

Bumanggit ang opinion editor ng Deseret News na si Hal Boyd ng isang halimbawa ng masamang paglilingkod na likas sa pananatiling tahimik. Sinabi niya na samantalang nagkakaroon pa rin ng mga “intelektwal na pagtatalo” ang mayayaman sa lipunan ng Amerika tungkol sa ideya ng pagpapakasal, hindi ang mismong pagpapakasal ang pinagtatalunan nila sa kanilang pamumuhay. “‘Nagpapakasal at nananatiling kasal ang mayayaman at tinitiyak nila na natatamasa ng kanilang mga anak ang mga pakinabang ng matatag na pagsasama ng mag-asawa.’ … Gayunman, ang problema ay parang ayaw [nilang] ipangaral ang ginagawa nila.” Ayaw nilang “pilitin” ang mga taong talagang nagagamit ang kanilang moral na pamumuno, ngunit “marahil ay panahon na para tumigil ang mga may pinag-aralan at matatatag na pamilya sa pagkukunwaring wala silang pinapanigan at simulang ipangaral kung ano ang ginagawa nila na may kinalaman sa pag-aasawa at pagiging magulang … [at] tulungan ang kapwa nila Amerikano na tanggapin ito.”32

Tiwala kami lalo sa inyo na bagong henerasyon, mga kabataan at young adult na kailangang asahan ng Panginoon para sa tagumpay ng Kanyang gawain sa darating na mga taon, na susuportahan ninyo ang mga turo ng ebanghelyo at mga pamantayan ng Simbahan sa publiko at nang pribado. Huwag pabayaan ang mga tao na tatanggap sa katotohanan na mahirapan at mabigo dahil wala silang alam tungkol dito. Huwag tayong magpadala sa maling paniniwala na tama lang na hayaan na lang natin sila o matakot—matakot na maabala, tanggihan, at kahit na magdusa. Alalahanin ang pangako ng Tagapagligtas:

“Mapapalad kayo pagka kayo’y inaalimura, at kayo’y pinaguusig, at kayo’y pinagwiwikaan ng sarisaring masama na pawang kasinungalingan, dahil sa akin.

“Mangagalak kayo, at mangagsayang totoo: sapagka’t malaki ang ganti sa inyo sa langit: sapagka’t gayon din ang kanilang pagkausig sa mga propeta na nangauna sa inyo.”33

Sa huli, pananagutan nating lahat sa Diyos ang ating mga pagpapasiya at pamumuhay. Ipinahayag ng Tagapagligtas: “Isinugo ako ng aking Ama upang ako ay ipako sa krus; at matapos na ako ay maipako sa krus, upang mahikayat ko ang lahat ng tao na lumapit sa akin, at katulad ng pagtataas sa akin ng mga tao gayundin ang mga tao ay ibabangon ng aking Ama, upang tumayo sa harapan ko, upang hatulan sa kanilang mga gawa, kung ang mga yaon ay mabuti o kung ang mga yaon ay masama.”34

Dahil kinikilala ko ang kapangyarihan ng Panginoon, sumasamo ako sa mga salita ni Alma:

“At ngayon, mga kapatid ko [na lalaki at babae], hinihiling ko mula sa kaibuturan ng aking puso, oo, lakip ang labis na pagkabahala maging sa pasakit, na [inyong] … iwaksi ang inyong mga kasalanan, at huwag ipagpaliban ang araw ng inyong pagsisisi;

“Kundi ang kayo ay magpakumbaba ng inyong sarili sa harapan ng Panginoon, at manawagan sa kanyang banal na pangalan, at magbantay at patuloy na manalangin, upang kayo ay hindi matukso nang higit sa inyong makakaya, at sa gayon ay akayin ng Banal na Espiritu … ;

“May pananampalataya sa Panginoon; may pag-asa na kayo ay makatatanggap ng buhay na walang hanggan; may pag-ibig sa Diyos tuwina sa inyong mga puso, upang kayo ay dakilain sa huling araw at makapasok sa kanyang kapahingahan.”35

Nawa’y masabi nating lahat sa Panginoon tulad ni David, “Hindi ko ikinubli ang iyong katuwiran sa … aking puso; aking ibinalita ang iyong pagtatapat, at ang iyong pagliligtas: Hindi ko inilihim ang iyong kagandahang-loob at ang iyong katotohanan sa dakilang kapisanan. Huwag mong pigilin sa akin ang iyong mga malumanay na kaawaan, Oh Panginoon.”36 Sa pangalan ni Jesucristo, amen.