Elder Joni L. Koch
General Authority Seventy
Si Elder Joni Luiz Koch ay ikalawang henerasyong miyembro ng Simbahan mula sa Brazil. Binisita ng kanyang mga magulang na sina Luiz at Etelca Gascho Koch ang iba’t ibang lokal na simbahan noong mga unang taon ng kanilang pagsasama para maghanap ng espirituwal na katotohanan.
Ilang oras matapos mag-alay ng taos-pusong panalangin ang kanyang ina at mangakong sundin ang Diyos, dumating ang mga missionary sa pintuan ng kanyang mga magulang. Wala pang anim na buwan, nabinyagan sila.
Isinilang noong 1962, lumaki si Elder Koch sa Joinville, Santa Catarina, Brazil. Ang impluwensya ng mga pinuno ng Simbahan, tulad ng isang masigasig na Primary teacher, isang bishop na parang ama sa mga miyembro, at isang magiting na stake president, ay nakatulong sa kanya na tapat na mangakong ipamuhay ang ebanghelyo.
Pagkatapos ng kanyang full-time mission sa Brazil São Paulo North Mission, nag-aral ng statistics si Elder Koch sa Brigham Young University sa Provo, Utah, USA. “Sa isang biyahe pabalik sa Brazil, binisita ko ang ward ng isang kaibigan, kung saan ko nakilala ang mapapangasawa ko,” sabi ni Elder Koch. “Nilapitan niya ako at tinanong kung may asawa na ako.” Pagkaraan ng walong buwang malayuang ligawan—at 15 araw lamang aktuwal na nagkasama—pinakasalan niya si Liliane Michele Ludwig noong Abril 26, 1988, sa São Paulo Brazil Temple. Sila ay may dalawang anak.
Nang makatapos ng pag-aaral sa BYU at magtamo ng executive master of business administration degree, nagtrabaho si Elder Koch sa international logistics. Sa loob ng 25 taon, nagtrabaho siya sa iba’t ibang kumpanya hanggang sa tawagin siyang maglingkod nang full-time para sa Simbahan.
Si Elder Koch ay naglingkod bilang bishop, stake president, at Area Seventy. Naglilingkod siya bilang pangulo ng Mozambique Maputo Mission nang tawagin siya bilang General Authority Seventy.
“Ang aking patotoo ay unti-unting tumatag sa paglipas ng panahon sa pamamagitan ng espirituwal na mga karanasan na natanggap ko sa pamamagitan ng pamumuhay ayon sa ebanghelyo,” sabi ni Elder Koch. “Ang Aklat ni Mormon ay isa sa mga pangunahing elemento sa lakas ng aking patotoo tungkol sa Panginoong Jesucristo, sa Kanyang Simbahan, at kay Propetang Joseph Smith.”