2017
Ang Paputok
December 2017


Ang Paputok

Noong si Elder Dale G. Renlund ay edad 12, nanirahan ang kanyang pamilya sa Sweden. Isang araw ng Linggo, nagdala ng isang malaking paputok at ilang posporo ang kaibigan ni Dale na si Steffan sa gusali ng Simbahan. Tuwang-tuwa si Dale. Kinuha ni Dale ang paputok at sinindihan ang mitsa. Papatayin sana niya ang sindi ng mitsa, pero nasunog niya ang kanyang mga daliri sa kamay at nalaglag ang paputok! Takot na takot na nakamasid sina Dale at Steffan habang patuloy na nag-aapoy ang mitsa.

Sumabog ang paputok! Napuno ng nakakasulasok na amoy ang chapel. Dinampot kaagad nina Dale at Steffan ang nagkapira-pirasong paputok at binuksan ang mga bintana para palabasin ang amoy. Inasahan nila na walang makakapansin dito.

Nang magpasukan ang mga tao sa sacrament meeting, napansin nga nila ito. Napakalakas ng amoy kaya hindi makapagpokus ang mga tao sa miting. Hiyang-hiya si Dale. Alam niya na hindi ikinatuwa ng Ama sa Langit ang ginawa niya.

Pagkatapos ng simba, tinawag ni President Lindberg, ang branch president, si Dale na pumunta sa kanyang opisina dahil halata niya na may hindi magandang nangyari. Sinabi ni Dale kay President Lindberg na sising-sisi siya tungkol sa paputok.

Mabait si President Lindberg. Binuklat niya ang mga banal na kasulatan at pinabasa kay Dale ang ilan sa ginuhitang mga talata roon. Binasa ni Dale, “Masdan, siya na nagsisi ng kanyang mga kasalanan, ay siya ring patatawarin, at ako, ang Panginoon, ay hindi na naaalaala ang mga ito. Sa pamamagitan nito inyong malalaman kung ang isang tao ay nagsisi ng kanyang mga kasalanan—masdan, kanyang aaminin ang mga yaon at tatalikdan ang mga yaon” (D at T 58:42–43).

Pagkatapos magbasa ni Dale, nakita niyang ngumiti si President Lindberg Nadama niya na napatawad na siya. Nang lumabas si Dale sa opisina, masaya na siya.

Natutuhan ni Elder Renlund na mapapatawad siya kapag may nagawa siyang mali. Maaari siyang maging masaya kapag nagsisi at sumunod siya sa mga utos ng Ama sa Langit.