2018
Makapaglilingkod Ba Ako Doon?
August 2018


Makapaglilingkod Ba Ako Doon?

Sister Fletcher on her mission

Mula sa mga unang barya na inilagay ko sa aking alkansyang pang-misyon, alam ko na gusto kong maglingkod. Nakapag-ipon na ako ng pera sa loob ng 12 taon nang dumating ang anunsiyo na makapaglilingkod na ang mga kababaihan sa edad na 19 na taon. Bagama’t hindi ako sigurado kung ito na ang tamang panahon para sa akin, tinugon ng Panginoon ang mga panalangin ko, at nagkaroon ako ng inspirasyon na simulan ang mga papeles ko para sa misyon.

Nais kong maging tama para sa akin ang pagkakahirang sa akin sa misyon at alam ko na ang pagiging tapat sa mga lider ko sa Simbahan, lalo na tungkol sa aking kalusugan, ang tanging paraan upang mapanatag ako. May epilepsy ako, isang kondisyon na nagdudulot ng hindi mahulaang pangingisay. Mabuti na lang, ganap na nakokontrol ng mga gamot ang kondisyon ko. Gayunpaman, posible na ang pagdepende ko rito ay magbigay ng limitasyon kung saan ako maaatasang maglingkod.

Isipin na lang ang pagkagulat ko nang tawagin akong maglingkod sa Dominican Republic Santo Domingo East Mission! Subalit may problema: nalaman ko na walang mabibilhan ng gamot ko sa Dominican Republic. Naguluhan ako. Bakit bibigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga lider ng Simbahan na ipadala ako sa isang lugar kung saan wala ang aking gamot?

Nanalangin ako at ang pamilya ko para malaman ang sagot dito. Nadama ko ang malakas na pagpapatibay na talagang nais ng Panginoong maglingkod ako sa Dominican Republic, kung kaya’t nagsimula kaming maghanda. Binigyan ako ng doktor ko ng reseta para sa 18 buwan, ngunit babayaran lamang ng aming insurance ang halaga ng gamot para sa isang taon, kung kaya’t kailangan naming bayaran ang para sa huling 6 na buwan. Habang kumikilos kami nang may pananampalataya, nakahanap kami kalaunan ng abot-kayang pagpipilian.

Nang italaga ako bilang missionary, binasbasan ako ng aking stake president na hindi ako maaapektuhan ng kundisyon ko habang nasa misyon ako—isang pangako na mapatototohanan kong natupad. Bagama’t nabatak ako sa aking pisikal na limitasyon, alam ko na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, nagawa kong magpunyagi sa mga hamong nakaharap ko bago at habang nasa misyon ako.