Kumilos nang may Pananampalataya
Ang tema natin ngayong taon ay nakasentro sa mga salitang “hahayo … at gagawin,” isang matapang na pahayag na ibinigay ng matapat na propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi sa 1 Nephi 3:7. Ngunit marahil ang bahaging nagbibigay ng kapanatagan sa talatang ito ay ang pagtuturo ni Nephi na ang Panginoon ay laging “maghahanda ng paraan” para maisagawa ang Kanyang gawain.
Ang paniniwala na maghahanda ng paraan ang Diyos para sa iyo ay nangangailangan ng malaking pananampalataya. Alam ni Nephi na kung may ipagagawa sa kanya ang Diyos, tutulungan din siya ng Diyos na magawa iyon. At alam natin na dahil sa pananampalataya at pagtitiwala ni Nephi sa Panginoon, matagumpay niyang nakuha ang mga laminang tanso.
Tulad ni Nephi, maaari tayong magkaroon ng pananampalataya na “[humayo] … at [gumawa].” Maaaring hindi mo palaging nauunawaan kung bakit ipinapagawa ng mga lider ng Simbahan o ng iyong mga magulang ang isang bagay o kung bakit nagbibigay ang Espiritu Santo ng pahiwatig na gawin mo ang isang bagay. Kung minsan, tila wala itong kabuluhan o imposible itong gawin. Ngunit “walang salitang mula sa Dios na di may kapangyarihan” (Lucas 1:37). Kapag sumulong ka nang may pananampalataya, makikita mo na palaging may dahilan at plano ang Diyos.
Hindi kailanman magpapagawa sa iyo ang Diyos ng isang bagay na alam Niyang hindi mo kayang gawin. Hindi Siya magbibigay ng isang gawain na hindi mo kakayanin. Ngunit maaari Siyang magpagawa ng isang bagay na nangangailangan ng malakas na pananampalataya at pag-asa sa patnubay ng Espiritu.
Ang susi sa pagtatamo ng pananampalataya na “[humayo] … at [gumawa]” ay pagtitiwala. Kapag nagtitiwala ka sa Panginoon, nagtitiwala ka na tutulungan ka Niyang maisakatuparan ang bawat gawain. Isipin mo—ipinadala ka sa mundo sa panahong ito dahil handa ka at may kakayahan kang isakatuparan ang gawain ng Panginoon ngayon dito. Pinili kang mabuhay sa panahong ito dahil nagtitiwala ang Panginoon sa iyo.
Malalaking pagpapala ang matatanggap mo sa pagkilos nang may pananampalataya at pagtitiwala. Malalaman mo ang iyong identidad at layunin sa mas dakilang paraan; madaragdagan ang tiwala mo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala; at matutuklasan mo na, sa tulong ng Panginoon, sapat ka na.