Digital Lamang: Mga Young Adult
Paano Gamitin ang Social Media Ngunit Hindi Subsob sa Social Media
Narito ang ilang paraan na natutuhan ko para magamit ang social media bilang kasangkapan sa kabutihan.
Sa tingin ko kung minsan lahat tayo ay masyadong subsob sa social media, ito man ay pangangarap ng perpektong bahay sa hinaharap, pagtuklas kung paano natin gagawing napakaganda ng paglalagay ng ating makeup, o pangangarap na nakapagbakasyon tayo kasama ng dati nating katrabaho. Bagama’t ang social media ay maaaring magamit sa maraming mabubuting hangarin, maaari din tayong masaktan nito sa pamamagitan ng pagsira ng ating tiwala sa sarili, sa masyadong pagtataas ng ating inaasahan, at pagdaragdag ng pagkainggit natin sa ibang tao.
Bilang isang blogger, natagpuan ko ang aking sarili na lalong madaling mapinsala ng mga epekto ng social media. Kinailangan kong matutuhan ang mga paraan para maaaring nasa social media ako pero hindi subsob dito ang buhay ko araw-araw. Narito ang ilang bagay na ginagawa ko na tumutulong sa akin na magamit ang social media bilang kasangkapan sa kabutihan:
-
Magtakda ng limitadong oras na iuukol mo sa social media bawat araw. Kung hindi, ang mga minuto ay maaaring maging mga oras.
-
Magkaroon ng layunin sa paggamit ng social media. Kung ikaw ay nasa social media nang walang layunin sa isipan (halimbawa, kapag bubuksan mo ito para lamang may magawa dahil naiinip ka), iyon ang sandali na pinakamalamang na magsayang ka ng napakaraming oras.
-
Alalahanin ang mas malaking epekto nito. Maraming tao sa social media ang nagpapakita lamang ng magagandang bahagi ng kanilang buhay, at maaaring magmukhang lahat ng nararanasan nila ay patuloy na saya at ligaya. Pero hindi mo nakikita ang lahat. Sa likod ng mga tagpo, ang kanilang buhay marahil ay abala ring katulad ng buhay mo. Huwag ihambing ang iyong sarili sa iba. Sapat na ang nasa iyo, at ikaw ay sapat na. Ipinaalala sa atin ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang paghahambing sa ating tila karaniwang buhay sa buhay ng ibang tao na tila napakaayos, napakaperpekto gaya ng ipinakikita sa social media ay maaaring magpadama sa atin ng panghihina ng kalooban, inggit, at kabiguan.”1
-
Huwag mabuhay sa pagiging negatibo. Kung may isang bagay na palaging humahatak sa iyo pababa, i-unlike, i-unfollow, o i-unfriend ito. Hindi ka dapat malungkot dahil sa social media. I-follow, i-friend, at i-like ang mga tao at bagay na makatutulong na bumuti ka at ang iyong araw-araw na buhay.
-
Hangaring mahalin, hikayatin, at bigyang-inspirasyon ang iba. Sa halip na gamitin ang social media para magmukha kang maganda, sikaping mag-post para matulungan ang iba na madama na sila ay minamahal at mahalaga. Magbahagi ng kabutihan. Dapat mong malaman kung sino ang mga taong tila kailangan ng isang kaibigan at tulungan sila sa pagbabahagi ng nakasisiglang mensahe!
Sinabi rin ni Elder Stevenson: “Tulad ng paalala sa atin ni Sister Bonnie L. Oscarson … , ang tagumpay sa buhay ay hindi nagmumula sa kung gaano karaming like ang nakukuha natin o ilan ang kaibigan o follower natin sa social media. Gayunman, talagang may kinalaman ito sa makabuluhang pagkonekta sa iba at pagdaragdag ng liwanag sa kanilang buhay.”2
Iyan ang dapat maging pinakamataas na mithiin natin kapag gumagamit ng social media.
Tandaan na kapag tiningnan natin ang social media sa pananaw ng ebanghelyo at hangad na gamitin ito sa positibong paraan, hindi tayo matutuon lang sa pagkukumpara o panghihina-ng-loob. Sa halip ay madarama natin mula sa social media na napasigla at nahikayat tayo na gumawa ng mabuti.