Ang Tamang-tamang Christmas Tree
“Jesus, hamak nang isilang, ngayo’y may kal’walhatian” (Mga Himno, blg. 118).
“Mama, tingnan mo ang isang ito!” Itinuro ni Joshua ang Christmas tree. Mataas iyon at manipis, na may tamang-tamang mga berdeng tusuk-tusok na dahon.
Tumigil si Mama at tiningnan ang presyo. Umiling siya. “Hindi siguro.”
Bumuntong-hininga si Joshua at patuloy na naglakad. Puno ng mga tindahan ng pagkain at Christmas tree ang palengke. Siksikan ang mga pamilyang bumibili ng mga Christmas tree at sangkap para sa lulutuing masasarap na pagkain, tulad ng bûche de Noël (panghimagas na Yule log o cake). Isinama ni Mama si Joshua para bumili ng ilang pagkain, pero hindi maalis ang tingin niya sa mga Christmas tree. Ang ilan sa mga Christmas tree ay matataas at maninipis. Ang iba ay mababa at bilugan. May nakita pa si Joshua na kasintaas lang niya!
Sabi ni Mama kakaunti ang pera nila ngayong taon. Malamang hindi sila makabili ng Christmas tree. Medyo nalungkot si Joshua. Tuwing pupunta siya sa palengke kasama si Mama, palagi siyang naghahanap ng tamang-tamang Christmas tree. Baka sakali, baka sakali lang naman, makakita sila ng maiuuwing Christmas tree.
Hawak ni Joshua ang kamay ni Mama nang maglakad sila papunta sa kasunod na hanay ng mga Christmas tree. Napanganga si Joshua. Hayun—ang tamang-tamang Christmas Tree!
Patakbo siyang nagpauna at hinipo ang Christmas tree. Hindi ito gaanong berde. May nawawalang mga pangkapit na tusuk-tusok na dahon. Hindi iyon kataasan. Sa katunayan, baluktot iyong masyado, na parang matandang nakatungkod.
“Mama, tamang-tama!” sabi ni Joshua. “Puwede po ba nating iuwi ito? Sige na po.”
Sinulyapan ni Mama ang presyo. “Naku, napakamura. At palagay ko kasya ‘yan sa kotse.”
Hindi na makapaghintay si Joshua. Patuloy niyang nilaro ang manggas ng kanyang amerikana habang hinihintay niyang mabayaran ni Mama ang Christmas tree. Pagkatapos ay tinulungan sila ng isang mabait na lalaki na ilagay sa kotse ang Christmas tree. Nang makauwi na sila, tumulong ang kanyang kinakapatid na si Matthieu at si Papa na kunin ang Christmas tree sa kotse. Ipinasok nila ang Christmas tree sa bahay at inilagay iyon sa sulok ng sala nila.
“Una, kailangan natin ng mga ilaw,” sabi ni Matthieu.
Mahirap itong sabitan ng mga ilaw dahil lubhang baluktot ang Christmas tree. Inilagay ni Matthieu ang mga ilaw sa bandang itaas. Inilagay ni Joshua ang mga ito sa bandang ibaba. Pagkatapos ay isinabit nila ang mga palamuti. Sa huli tinulungan ni Papa si Joshua na ilagay ang bituin sa tuktok.
Isinaksak ni Papa ang mga ilaw at inakbayan si Mama. Nginitian ni Joshua ang Christmas tree. Dahil sa mga ilaw sa Christmas tree, sumaya at umaliwalas ang buong sala. Naupo siya sa ilalim ng Christmas tree at tumingala sa makukulay na palamuti. Hindi na mukhang baluktot at malungkot ang Christmas tree ngayon. Maganda iyon. Tamang-tama iyon.
“Ito ang tamang-tamang puno ni Jesus,” sabi ni Joshua.
“Ano ang ibig mong sabihin?” tanong ni Mama.
“Ang Christmas tree ay katulad ni Jesus,” sabi ni Joshua. “Isinilang si Jesus sa isang mahirap at maruming sabsaban. Ang Christmas tree natin ay mahirap at malungkot sa palengke. Pero ngayon ay maganda at maringal na ang Christmas tree, tulad ng kung paano naging isang kaibig-ibig na hari si Jesus.”
“Ang tamang-tama nating puno ni Jesus,” sabi ni Papa. “Gusto ko ‘yan.”
Ngumiti si Joshua. Magiging napaka-espesyal ng Paskong ito.