Mas Mapalapit: Magmahal na Tulad ng Ginawa ng Tagapagligtas
Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Marami tayong matututuhan mula sa halimbawa ng Tagapagligtas na pakikipag-ugnayan sa iba.
Bilang mga homoseksuwal na miyembro ng Simbahan madalas kaming bumaling sa halimbawa ng Tagapagligtas para sa tulong na maunawaan kung paano pinakamainam na makikisalamuha sa mga miyembro ng Simbahan at sa iba. Isang araw pinag-isipan namin kung paano hiniling sa atin ng Tagapagligtas na “mangagibigan sa isa’t isa; na kung paanong iniibig ko kayo” (Juan 13:34). Natuwa kaming makita na hindi Niya sinabing “dahil mahal ko kayo” kundi sa halip ay “kung paanong iniibig ko kayo.” Pinag-isipan tuloy namin kung paano minahal ng Tagapagligtas ang mga tao. Sa anong mga paraan Siya nagpakita ng pagmamahal?
Nagpasiya kaming mag-ukol ng kaunting oras sa pag-aaral ng Bagong Tipan, naghahanap lalo na ng mga kuwento kung paano nakisalamuha ang Tagapagligtas sa ibang mga tao noong Kanyang mortal na ministeryo. Bilang mag-asawa na naaakit sa kapareho namin ang kasarian, gusto naming mas maunawaan lalo na kung paano tinrato ni Jesus ang mga tila hindi tipikal ang kategorya sa lipunan. Narito ang ilang pattern na napansin namin.
Tinugunan ni Jesus ng Kabaitan ang mga Pagkakaiba sa Kultura
Nabubuhay tayo sa panahon ng matinding di-pagkakasundo sa lipunan at pulitika, na tulad noong panahon ng Tagapagligtas. Ang ilan sa mga isyu ng Kanyang panahon ay nagtagal at malalim na nakaugat sa kasaysayan at mga paniniwala sa kultura.
Halimbawa, sadyang naglakbay ang Panginoon sa Samaria, isang lugar na iniwasan ng mga Judio dahil sa isang alitang nagsimula daan-daang taon na ang nakalipas. Nang makilala ni Jesus ang isang babae at pinakiusapan itong mag-igib ng tubig, parang ang reaksyon nito ay sa isang taong “naiiba” ang paniniwala sa pulitika at relihiyon—na nagbigay-diin sa mga pagkakaiba sa pagitan Niya bilang isang Judio at nito bilang isang Samaritana. (Tingnan sa Juan 4.) Si Jesus, bilang tugon, ay tinrato ang babaeng ito bilang anak ng Diyos. Ang Kanyang reaksyon na kausapin ito sa mapagmahal at tapat na paraan ay magandang halimbawa para sa bawat isa sa atin. Ang karaniwang estratehiya ng kaaway ay subukan tayong paghiwa-hiwalayin sa magkakaibang kampo, na magkakalaban sa digmaan. “Nguni’t ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7).
Madaling iangkop ang aral sa kuwentong ito sa ating lipunan ngayon. Sa ating pang-araw-araw na buhay, pati na sa mga miting at aktibidad ng Simbahan, nakikipagkita tayo sa mga tao na iba’t iba ang pinagmulan. Ang ilan ay maaari pang tawagin ng mundo na mga kaaway sa pulitika o kultura. Sa halip na magtuon sa kung ano ang maaaring maghiwalay sa atin, maaari nating piliing magtuon sa pagkakatulad natin bilang mga anak ng mga magulang sa langit at matutong makipag-usap sa iba nang may pagmamahal, na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.
Nang bisitahin ng Tagapagligtas ang mga tao sa mga lupain ng Amerika matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli, itinuro Niya na “[ang] diyablo … ang ama ng pagtatalo, at kanyang inuudyukan ang mga puso ng [mga] tao na makipagtalo nang may galit sa isa’t isa” (3 Nephi 11:29). Nakinig sa kanya ang mga tao, at sa sumunod na henerasyon, lumikha sila ng isang lipunan kung saan “walang mayaman at mahirap, alipin at malaya, kundi silang lahat ay ginawang malaya, at magkasalo sa makalangit na handog” (4 Nephi 1:3).
Lumapit si Jesus sa Halip na Lumayo
Aktibong sinikap ni Jesus na lumapit sa iba, sa emosyonal at kahit sa pisikal kung minsan, sa halip na magbigay ng mga dahilan para ilayo ang Kanyang Sarili sa mga taong madalas kamuhian at itakwil.
Halimbawa, minsa’y may nakilalang lalaki si Jesus na baliko ang kamay. Dahil Sabbath, may mga bawal sa relihiyon na naglilimita kung anong trabaho ang dapat gawin sa araw na iyon. Sa halip na iwasan ang isang taong nangailangan ng tulong hanggang sa dumating ang pagkakataon na mas tanggap na ito ng lipunan, pinili ni Jesus na “gumawa ng mabuti” kaagad (Mateo 12:12). Inanyayahan niya ang lalaki na iunat ang kanyang kamay. “At iniunat niya; at napauling walang sakit, na gaya ng isa” (Mateo 12:13).
Paulit-ulit ang mga ganitong kuwento sa buong banal na kasulatan. Kinilala ni Jesus nang may habag ang isang babaeng itinuring na marumi (tingnan sa Lucas 8), tinanggap at pinagaling ang isang lalaking nakarinig ng mga tinig at sinugatan ang sarili (tingnan sa Marcos 5), at pinagaling ang isang lalaking hinatulan nang mali ng iba (tingnan sa Juan 9:1–7). Ang isang pattern na nakikita natin sa buong banal na kasulatan ay na nang “iunat [ni Jesus] ang kaniyang kamay” (Mateo 8:3), kadalasan ay para palakasin ang loob at mahalin ang iba at magbigay ng pagpapagaling at kapayapaan.
Ang isang paanyaya marahil mula sa mga kuwentong ito ay na mas makakalapit tayo sa mga taong tila naiiba sa atin. Halimbawa, tinatabihan ba natin sa upuan ang isang taong bumibisita sa Simbahan, kahit naiiba ang bihis nila sa lahat? Isinasali ba natin sila sa pag-uusap sa pasilyo? Ngumingiti at bumabati ba tayo at magiliw na nagtatanong sa pagsisikap na mas makilala sila at ipadama sa kanila na sila’y kabilang?
At ang mas mahalaga marahil, paano tayo magkakaroon ng mas malapit na emosyonal at espirituwal na kaugnayan sa iba, na nagbabahagi ng kapayapaan at pagmamahal na gaya ng ginawa ng Tagapagligtas? Alam natin na pinagpapala tayo ng Diyos kapag nagsisikap tayong kumonekta—lalo na sa mga taong maaaring tila naiiba sa atin.
Inanyayahan ni Jesus ang mga Tao na Magbahagi ng Pagkain
Sa pag-aaral natin ng Bagong Tipan, naantig tayo sa dalas ng pagbabahagi ng Tagapagligtas ng pagkain sa iba. Sa maraming sitwasyon, pinuna Siya dahil sa mga taong pinili Niyang makasama.
Sa isang halimbawa, tinawag ni Jesus bilang isa sa Kanyang mga disipulo ang isang lalaking nagngangalang Mateo, na isang “maniningil ng buwis,” o isang taong kumakatawan sa namumunong pamahalaan noon (tingnan sa Lucas 5:27; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Maniningil ng Buwis”). Ang mga maniningil ng buwis ay karaniwang kinasusuklaman ng mga Judio. Kaya nang maghanda ng malaking piging si Mateo para kay Jesus at sa Kanyang mga disipulo, ang mga eskriba at Fariseo—na dapat na sumusunod sa mga utos ng Diyos—ay nagreklamo. “Bakit kayo’y nagsisikain at nagsisiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?” tanong nila. Sumagot si Jesus, “Ang mga walang sakit ay hindi nangangailangan ng manggagamot; kundi ang mga may sakit” (Lucas 5:30–31).
Nakakaantig ang halimbawang ito kung paano pinili ng Tagapagligtas na huwag patangay sa mga panlabas na anyo o makamundong reputasyon. Sa halip, nagtuon Siya sa mga pangangailangan, kahalagahan, at potensyal ng bawat tao. Nakakatuwa ang napagtanto namin nang basahin namin ang tungkol sa pagbabahagi ni Jesus ng mga pagkain kay Mateo at sa iba. Hindi natin maiimpluwensyahan ang isang tao kung hindi natin sila malalapitan. Maliban kung kikilalanin natin sila at mamahalin at tatanggapin sila anuman ang kanilang sitwasyon, malamang ay napakaliit ng magiging epekto natin sa buhay nila.
Narinig na ninyo siguro ang kasabihang “Ibigin ang makasalanan; kamuhian ang kasalanan.” Nag-uukol ba tayo ng sapat na panahon sa unang kalahati ng paanyayang iyon? Sabi ni Jesus sa atin, “mangagibigan sa isa’t isa” (tingnan sa Juan 13:34) at magpatawad nang “hanggang sa makapitongpung pito” (tingnan sa Mateo 18:22). Sa halip na mag-ukol ng panahon sa pagsisikap na tukuyin at kamuhian ang kasalanan ng ibang tao, magagamit natin ang lakas na iyon sa pagpapayabong ng mga kaugnayan sa kapwa nating mga kapatid.
Gusto naming gamitin ang kasabihang “Ibigin ang makasalanan; anyayahan sila sa hapunan!” Dahil lahat tayo ay nagkasala “at hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios” (Mga Taga Roma 3:23), dapat itong magbigay sa atin ng maraming pagkakataong paglingkuran ang iba sa pamamagitan ng magiliw na inihandang mga pagkain, na inihain sa isang lugar kung saan naroon ang Espiritu ng Diyos. Palibutan natin ang ating mesa ng mga pag-uusap na may taos na kabaitan, tunay na pagkakaibigan, at sadyang mga pagsisikap na tingnan ang isa’t isa sa paraan ng pagtingin sa atin ni Jesus.
Pagtatayo ng Sion
Ngayong taon ipinagdiwang natin ang ika-dalawandaang taon ng Unang Pangitain, nang ibalita ni Jesucristo na ipanunumbalik ang Kanyang ebanghelyo. Sa susunod na taon, matututo tayo mula sa mga halimbawa ng mga naunang Banal na tumulong sa pagtatayo ng kaharian ng Panginoon dito sa lupa sa dispensasyong ito. Kinailangang humanap ng paraang magtulungan at magkaisa ang naunang mga Banal na ito, kahit nagmula sila sa iba’t ibang bansa, pinanggalingang relihiyon, at katayuan sa lipunan.
Mayroon tayong pagkakataong katulad nito ngayon. Kailangan nating alamin kung paano pagkakaisahin ang ating pananampalataya, sa kabila ng mga pagkakaiba sa kultura at pulitika na nagtatangkang paghiwa-hiwalayin tayo. Mangyayari lamang ito kung hahayaan nating ang Tagapagligtas ang ating maging gabay. Lubos Niyang nauunawaan ang ating kahinaan at magagawang malakas ang mahihinang bagay (tingnan sa Eter 12:27). Lubos Niyang nauunawaan ang ating mga pasakit at matutulungan tayong gumaling (tingnan sa Alma 7:11–12). Lubos Niyang nauunawaan ang ating mga pagkakaiba at nangangako pa rin na kaya natin—ayon sa paglalarawan sa Doktrina at mga Tipan 49:25—na managana at magalak sa Sion. Nang sama-sama.