Siya ang Liwanag
Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.
Libu-libong milya mula sa aming tahanan, natuto ako ng isang aral mula sa mga kislap ng liwanag na trilyun-trilyong milya ang layo.
Maaaring kakaiba ito, pero lagi akong nasasabik sa Pasko sa misyon ko, daan-daan o maaaring libong milya pa nga ang layo mula sa karaniwang ginagawa ng pamilya at mga komersyal na sagabal. Ang Pasko ay tungkol kay Cristo, at ano pa ang mas mainam na paraan para magdiwang kaysa sa pagtulong sa iba na lumapit sa Kanya?
Isang gabi ng Disyembre, bumalik kami ng kompanyon ko sa aming apartment matapos ang isang araw ng gawaing misyonero sa La Paz, isang mahiwagang lugar sa labas ng lungsod ng Laoag, Pilipinas. Nakaupo ako sa sidecar ng isang traysikel at nakasiksik sa tabi ng kompanyon kong anim na talampakan ang taas, at gustung-gusto ko ang buhay ko. Umiihip sa amin ang malamig na hangin, na nagpapaalala sa akin (halos) ng maniyebeng Pasko sa bahay namin—pero hindi talaga iyon kasing-lamig ng nakasanayan ko kapag Disyembre.
Sa aming pagdaan sa kanayunan, natuon ang mga mata ko sa langit. Sa itaas, malayo sa liwanag at ingay ng lungsod, may libu-libong bituin na nakikita. Pero paunti nang paunti ang mga bituing nakikita namin habang papalapit kami sa gitna ng bayan, hanggang sa ang mga pinakamaliwanag na lamang ang maaaring makita.
Naisip ko ang liwanag mula sa mga bituin at si Jesucristo. Naisip ko ang bituing nagpakilala ng Kanyang pagsilang at kay Cristo mismo, ang “maningning na tala sa umaga” (Apocalipsis 22:16). Siya ang pinakamaliwanag na bituin, ang maningning na halimbawa nating lahat. Gayon pa man, gaya ng mga bituing nakita ko habang nasa traysikel at tumitingin sa langit, kahit Siya ay natatakpan ng polusyon ng liwanag. Kapag mas maraming sagabal at mas maraming artipisyal na ilaw, mas hindi natin nakikita ang natural na liwanag. Sa isang lalawigan ng Pilipinas, ang ilang mga bituin ay maaari pa ring makita kahit na mula sa gitna ng bayan, pero sa malalaking lungsod tulad ng Maynila, hindi ka makakakita kahit ng isang bituin sa gabi. Ang mga ilaw mula sa mga advertisement, negosyo, at tahanan ay humaharang na lahat sa liwanag ng malalayong bituin.
Ganito rin ang nangyayari kapag pinaliligiran natin ang ating mga sarili ng mga sagabal at artipisyal na ilaw. Nagiging mas mahirap makita ang liwanag ni Cristo.
Totoo ito lalo na tuwing Kapaskuhan. Madaling mag-iskedyul ng napakaraming aktibidad tuwing Kapaskuhan at maging kasing-abala ng Maynila kapag oras ng paglabas ng mga tao. May mga hahanaping regalo, mga ipaplanong party, mga isusulat na kard, at di-mabilang na mga pagtatanghal at kaganapang dapat daluhan. Kapag nadarama natin na wala tayong natitirang sandali para tumingin sa langit, baka hindi na natin maisip kung gaano natatakpan ang liwanag ni Cristo sa ating buhay.
Habang iniilawan natin ang ating mga tahanan at Christmas tree, hindi natin maaaring kalimutang papasukin ang liwanag ni Cristo sa ating mga puso. Maaari nating ihinto sandali ang kasiyahan para maalala kung ano ang ating ipinagdiriwang. Ang Pasko ay tungkol kay Cristo. Siya ang ilaw, at kung babawasan natin ang mga sagabal at titingin tayo sa langit, makikita natin Siya, hindi kailanman nagbabago at palaging nagniningning para makita ng buong mundo.