2020
Paano Ko Kakausapin ang Aking mga Anak tungkol sa Ebanghelyo sa mga Karaniwang Paraan?
Disyembre 2020


Paano Ko Kakausapin ang Aking mga Anak tungkol sa Ebanghelyo sa mga Karaniwang Paraan?

Bilang mga magulang, tungkulin nating turuan ang ating mga anak tungkol sa ebanghelyo. Ngunit ang talakayan tungkol sa ebanghelyo ay hindi kailangang masyadong seryoso o pormal! Narito ang ilang ideya para matalakay ang ebanghelyo sa pang-araw-araw na buhay.

family walking together

Mga paglalarawan ni Josie Portillo

7 Paraan para Masimulan ang Pag-uusap

  • May nagtanong na ba sa iyo sa sinuman sa mga kaibigan mo tungkol sa relihiyon?

  • Ano ang nabasa mo nitong mga huling araw sa mga banal na kasulatan? Mayroon ka bang anumang tanong?

  • Kumusta naman ang iyong calling (o iba pang tungkulin sa Simbahan)? Ano ang makakatulong sa iyo?

  • Iniisip ko ang talatang ito sa banal na kasulatan nitong mga nakaraang araw. Ano ang naiisip mo tungkol dito?

  • Mayroon bang anuman sa simbahan ngayon na mayroon kang tanong?

  • May nabasa ba tayo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin nitong mga nakaraang araw na pinag-iisipan mo pa rin?

  • Ano ang palagay mo tungkol sa mga mensaheng iyon sa pangkalahatang kumperensya na pinanood natin?

7 Di-pormal na Pagkakataong Makapag-usap

  • Habang sama-samang kumakain o bago matulog

  • Kapag may problema ang iyong anak

  • Kapag gumagawa ka ng proyektong serbisyo o kapag tumutulong sa iba

  • Bago at matapos ang mga miting o aktibidad sa Simbahan

  • Habang nagkukuwento tungkol sa pamilya o pinag-uusapan ang mga ninuno

  • Kapag may napansin kang isang bagay na nauugnay sa isang espirituwal na mensahe

  • Sa lahat ng oras—kung ang pakikipag-usap mo ay may katapatan, pagmamahal sa iyong puso, at may hangaring makinig at umunawa

Mga Kaisipan at mga Tip

  • Ituro sa iyong anak na okey lang magtanong tungkol sa ebanghelyo. Tutal naman, isang tanong ang nagbunsod kay Joseph Smith na magdasal para humingi ng tulong, na humantong sa Unang Pangitain! Tulungan silang maunawaan na mapapalakas pa rin nila ang patotoo kahit hindi nila matanggap ang lahat ng sagot.

  • Ipaalam kapag nadarama mo ang Espiritu, maging ito man ay sa home evening, sa simbahan, o sa isang magandang dapit-hapon. Makakatulong ito sa kanila para unti-unting matukoy kung paano nangungusap sa atin ang Espiritu. Ipaliwanag na maaaring makipag-ugnayan sa atin ang Espiritu sa iba’t ibang paraan, tulad ng magiliw o magaan na damdamin, malinaw na pag-iisip, kapanatagan, atbp.

  • Gawing madali para sa kanila na mabasa o marinig ang mga mensahe ng ebanghelyo. Maaaring hindi maghanap ng mga artikulo sa mga magasin ng Simbahan ang iyong tinedyer sa kanyang telepono, ngunit maaari niyang basahin nang mabilis ang isang Liahona na nakapatong sa mesa. Maaaring hindi sila makinig sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya sa kanilang libreng oras, ngunit maaari silang makarinig ng ilang salita mula sa isang mensaheng pinakikinggan mo habang naghahanda ka ng hapunan.

  • Ang pinakamahalaga, patuloy na magsikap, kahit na tila hindi iyon epektibo! Ang mga banal na kasulatan ay puno ng mga kuwento tungkol sa mga anak na hindi nakinig noong una, gaya ni Nakababatang Alma. Magtiwala na balang-araw ay titimo ang espirituwal na mga katotohanan sa kanilang puso.