2020
Ang Realidad sa Likod ng mga Perpektong Profile na Iyon
Disyembre 2020


Mga Young Adult

Ang Realidad sa Likod ng mga Perpektong Profile na Iyon

Si Bárbara Rodríguez ay 25 taong gulang at ipinanganak sa Anzoátegui, Venezuela, kung saan niya nakilala ang kanyang asawa. Naninirahan sila ngayon sa Lima, Peru. Si Bárbara ay tapat sa paglikha ng nagpapasiglang content sa kanilang mga social network.

Kapag ikinukumpara natin ang ating sarili sa social media, hindi natin nauunawaan nang lubusan ang sitwasyon.

family getting ready for church

Retratong ibinigay ng awtor

Kani-kanina lang, nagkomento sa isang larawan ang isa sa mga follower ko sa Instagram, na nagsasabing, “Bakit ang ganda-ganda mo kahit may dalawa kang anak, samantalang halos hindi ko makayanang alagaan ang isa?” Natawa ako kaagad at sasagutin ko sana siya ng isang larawan ng hitsura ko sa sandaling iyon.

Sumagot ako, “Palagi kong iniisip na medyo pabaya ako sa hitsura ko kumpara sa ibang mga ina. Iyan ang epekto ng social media—mahilig tayong ikumpara ang ating sarili sa ibang tao, samantalang ikinukumpara naman ng taong iyon ang kanyang sarili sa iba. Ngunit ang totoo, hindi ako maganda ngayon, at hindi ako nangangahas na mag-upload ng larawan ng hitsura ko. Karaniwan ay nagbibihis lang ako at nagmumukhang ‘disente’ tuwing Biyernes at Linggo.”

Ilang taon na akong nagbabahagi ng buhay namin sa social media. Kadalasan, sinisikap kong ipakita kung ano ang “totoong buhay” ng mga miyembro ng Simbahan ni Jesucristo. At sa paggawa nito, nagkaroon ako ng ilang karanasan na naghikayat sa akin na isipin ang magagandang katangian at mga panganib ng social media.

Hindi Ipinapakita ng Social Media ang Lahat

Hindi ito ang unang pagkakataon na may nagtanong sa akin ng ganoon. Ang totoo, napakaliit na bahagi lamang ng buhay ng mga tao ang ipinapakita ng social media. Sa sitwasyon ko, kahit sinisikap kong magpakatotoo, imposible para sa akin na ipakita ang lahat. At hindi natin dapat ikumpara ang ating sarili o ibatay ang ating kahalagahan sa isang magandang larawan. Ang mga pagkukumpara, lalo na sa social media, ay mas magpapahirap sa ating kilalanin ang mga kalakasang bigay sa atin ng Diyos.

Bilang mga Banal sa mga Huling Araw, ginagawa natin ang lahat para maging katulad ni Jesucristo. Ngunit ang totoo ay walang perpekto sa atin. At sa social media, dapat nating sikaping huwag gumawa ng mga maling paghatol hindi lamang tungkol sa ating sarili kundi maging tungkol sa iba. Kailangan nating tandaan na kahit iniisip natin na perpekto ang buhay ng isang tao, hindi natin nakikita ang mga personal na hamon na kinakaharap nila. Hindi natin talaga alam kung ano ang nangyayari sa buhay ng mga tao nang higit sa pinipili nilang ibahagi nang maingat na mga filtered feed.

Ang Realidad ng Larawan ng Isang Pamilya

Madalas ay napakaraming nangyayari sa likod ng mga tagpo sa bawat larawan ng pamilya na nakikita ninyo sa social media. Maaaring tingnan ng ilang tao ang mga retratong iyon at itanong sa kanilang sarili, “Bakit hindi maganda ang labas ng mga larawan ng pamilya ko?” Ngunit hindi natin alam kung ano ang kailangan para makunan ang mga “perpektong” larawang iyon.

Halimbawa, sinikap naming minsan na kunan ng larawan ang pamilya pagkatapos magsimba. Maaaring kumplikado ang may dalawang maliliit na bata, ngunit gusto ko talagang retratuhan ang mga sandaling ito at pagkatapos ay gunitain kung gaano na lumaki ang mga anak ko.

Habang sinisikap naming payapain ang mga bata para makapagparetrato, kinailangan kong kausapin sandali ang dalawang-taong-gulang kong anak na si Alvin, na umiiyak dahil gusto niyang kargahin ko siya. Yumukod ako, pinahiran ang kanyang mga luha, at pagkatapos ay pinakiusapan ko siyang tumayo para maipasikat ko ang aming mga damit (na pinagtugma-tugma ko noong umagang iyon). Nagpapakarga na rin ang tatlong-taong-gulang na anak kong si Avril sa asawa ko dahil ayaw rin niyang tumayo. Ayaw nila talagang magpakuha ng retrato.

Hindi nagtagumpay ang kuhanan ng retrato—kaya sumuko kami. Ngunit nang makauwi na ako, may nakita akong mas maganda. Nakunan ng kapatid kong lalaki (na kumukuha ng mga retrato) ang sandali na nangyayari ang lahat ng kaguluhan. Inaalliw naming mag-asawa ang aming mga anak sa retrato. Hindi talaga ipinakita roon ang aming damit, ngunit ito ay isang magiliw—at tunay—na sandali. Gustung-gusto ko iyon.

Nang ibahagi ko ang larawan sa social media, sinulatan ko iyon ng “Ang realidad ng larawan ng isang pamilya.” Hindi ko naisip kailanman na napakaraming taong makakaugnay rito, ngunit dahil dito ay natanto ko na hindi kailangang magmukhang perpekto palagi ang mga bagay-bagay. Ayos lang na gawin kung ano ang madali at magpakatotoo. Ngunit itinuro rin nito sa akin ang mas malaking aral—na kapag naniniwala tayo na perpekto ang isang tao, hindi pa lang natin nakikita ang lahat ng detalye.

Huwag Hayaang Matakpan ng Social Media ang Tunay Ninyong Pagkatao

Ang mga social media network ay mabisang kasangkapan na magagamit natin sa malaking kabutihan. Ngunit kailangan nating ingatang huwag panghinaan-ng-loob o ikumpara ang ating sarili sa nakikita natin sa social media. Sabi nga ni Elder Gary E. Stevenson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sana, matuto tayong maging mas makatotohanan, mas masayahin, at mabawasan ang ating pagkadismaya kapag naharap tayo sa mga larawang maaaring magpakita ng tila perpektong realidad at kadalasang humahantong sa nakapanlulumong pagkukumpara.”1

Alam ko na kapag naaalala natin ang ating likas na kabanalan bilang mga anak ng Diyos, hindi tayo mag-iiwan ng puwang para sa masasakit na pagkukumpara o mga personal na paghatol. At kung titigil tayo sa pakikinig sa mga pagkukumparang iyon na nagtatangkang sirain ang ating potensyal, magiging mas lubos ang ating buhay nang hindi nag-aalala tungkol sa lahat ng tila mga perpektong larawang iyon na naka-post doon.

Tala

  1. Gary E. Stevenson, “Espirituwal na Eklipse,” Liahona, Nob. 2017, 46.