2020
Isang Sorpresa sa Pasko
Disyembre 2020


Isang Sorpresa sa Pasko

Ang awtor ay naninirahan sa Colorado, USA.

“Maligayang Pasko sa inyo! … Magmahalan sana kayo” (Children’s Songbook, 51).

A Christmas Surprise

Nalungkot si Anna habang papasok siya sa silid at nakita ang Christmas tree. Sumabog ang water heater sa bahay nila, at nabasa ng tubig ang buong sahig. Sinisikap pa ring lampasuhin ni Itay ang basa. Basang-basa ang ilang regalo sa ilalim ng Christmas tree.

Kumuha ng ilang tuwalya si Anna at ang kanyang mga nakababatang kapatid na lalaki at sinubukang patuyuin ang mga regalo. Pero hindi talaga iyon umubra. Basang-basa ang mga iyon.

Naghihirap ang pamilya ni Anna. Walang trabaho ang tatay niya ngayon. Malapit nang manganak ang nanay niya, at madalas na maysakit. At ngayon ay wala silang anumang regalo para sa Pasko.

Nang gabing iyon habang naghahandang matulog si Anna, narinig niyang nag-uusap sina Inay at Itay sa kusina.

“Ano’ng gagawin natin?” tanong ni Inay. Parang umiiyak siya. “Wala tayong sapat na perang pambayad sa bahay, at ngayon ay ni wala tayong regalo sa mga bata.” Takot at balisang-balisa si Anna.

“Mag-isip tayo ng paraan,” sabi ni Itay.

Pumasok si Anna sa kusina. Inabot siya ni Inay at niyakap nang mahigpit. Habang nakayakap sa tiyan ni Inay, naramdaman ni Anna na gumalaw ang sanggol. Napangiti siya. “May darating tayong bagong sanggol. Palagi mong sinasabi na himala ang isang sanggol.”

Gumanti ng ngiti si Inay. “Tama iyan. Marami tayong dapat ipagpasalamat.”

“Magkasama pa tayo,” sabi ni Itay. Hinagkan nito ang tuktok ng ulo ni Anna. “Magiging maayos ang lahat.”

Papunta sa kanyang silid, narinig ni Anna na umiiyak ang kanyang mga kapatid. Naupo siya sa kama ni David.

“Napakalungkot ng lahat,” mahinang sabi ni David.

“At wala tayong anumang regalo,” sabi ni Robbie, na sumisinghot.

“Magiging maayos ang lahat,” muling sabi ni Anna. “Makikita mo.”

Bago siya natulog, lumuhod si Anna at nagtanong sa Ama sa Langit kung ano ang magagawa niya para sa kanyang pamilya. Wala siyang perang pambili ng mga regalo, pero maganda at panatag pa rin ang nadama niya sa kanyang puso.

Kinaumagahan, namalagi siya sa kama na nag-iisip nang ilang minuto bago naghandang pumasok sa eskuwela. Pagkatapos ay may naisip siya! Nang hapong iyon nagmadali siyang umuwi at ginawa ang kanyang mga gawaing-bahay at homework. Pagkatapos ay nakakita siya ng ilang papel at pisi at ilang marker at sticker na natanggap niya noong kaarawan niya. Dinala niya ang mga iyon sa kanyang silid at isinara ang pinto.

Muntik nang matawa si Anna nang maisip niya kung gaano magugulat ang kanyang pamilya. Una ay itinupi niya ang papel at itinali ito ng pisi para gumawa ng apat na buklet. Pumili siya ng isang sticker na bituin para ilagay sa buklet para kay Inay at ng isang planeta para sa buklet ni Itay. Nilagyan niya ng isang aso ang buklet para kay David at ng isang rocket ang para kay Robbie.

Pagkatapos ay nagsimulang magdrowing si Anna. Para kay Inay nagdrowing siya ng larawan ng kanyang sarili na nagwawalis ng sahig. Nagdrowing siya ng isang larawan ng kanyang sarili na nagluluto ng hapunan kasama si Itay, isa na naglalaro sila ni David ng football, at isa na binabasahan niya ng aklat si Robbie. Ilang araw ang ginugol niya para punan ng mga larawan ang bawat buklet.

Sa wakas ay Bisperas na ng Pasko, at maingat na inilagay ni Anna ang kanyang mga buklet sa ilalim ng Christmas tree.

Kinaumagahan, binigyan niya ng isang buklet ang bawat isa sa kanyang pamilya. “Gusto ko ang mga larawang ito,” sabi ni David. “Mahilig akong maglaro ng football.”

“Hindi lang ’yan mga larawan,” sabi ni Anna na may kislap sa mga mata. “Mga kupon ’yan! Ipinapakita ng mga larawan ang mga bagay na gagawin ko para sa inyo.”

“Ito ang pinakamagandang regalong maibibigay mo sa amin,” sabi ni Inay habang nakatingin siya sa kanyang buklet. Nagpasalamat si Anna na tinulungan siya ng Ama sa Langit na mag-isip na gumawa ng mga Pamaskong kupon. Darating ang isang bagong sanggol, at sa tulong ng Ama sa Langit, talagang magiging maayos ang lahat.