Ang Huling Salita
Ganap Kay Cristo
Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2018.
Ang espirituwal na liwanag at buhay ay dumarating kapag ang paggawa sa mga gawaing pangrelihiyon ay naglalapit sa atin sa Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Sa araw-araw na pagsunod, nakakahanap tayo ng mga sagot, pananampalataya, at lakas na harapin ang mga hamon at pagkakataon sa araw-araw nang may tiyaga, pananaw, at kagalakan ng ebanghelyo.
Habang naghahanap tayo ng bago at mas banal na mga paraan na mahalin ang Diyos at matulungan tayo at ang iba na maghanda na makita Siya, naaalala natin na ang pagiging ganap ay na kay Cristo, wala sa ating sarili o sa pananaw ng mundo tungkol sa pagiging perpekto.
Ang mga paanyaya ng Diyos ay puno ng pagmamahal at posibilidad dahil si Jesucristo “ang daan, at ang katotohanan, at ang buhay” (Juan 14:6). Sa mga nangabibigatan, ang paanyaya Niya ay, “Lumapit kayo sa akin,” at sa mga lumalapit sa Kanya, nangangako Siya na, “kayo’y bibigyan ko ng kapahingahan” (Mateo 11:28). “Lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya, … ibigin ang Diyos nang buo ninyong kakayahan, pag-iisip at lakas, kung magkagayon ang kanyang biyaya ay sapat sa inyo, upang sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay maging ganap kay Cristo” (Moroni 10:32).
Sa katiyakang ito na “sa pamamagitan ng kanyang biyaya kayo ay [magiging] ganap kay Cristo” ay naroon din ang kapanatagan, kapayapaan, at pangako na makasusulong tayo nang may pananampalataya at tiwala sa Panginoon kahit na ang mga bagay ay hindi nangyayari tulad ng ating inaasahan, o marahil nararapat sa atin, bagama’t hindi natin kasalanan, kahit ginawa natin ang lahat ng ating makakaya.
Sa iba’t ibang panahon at paraan, nakadarama tayong lahat ng kakulangan, kawalan ng katiyakan, at marahil ng hindi pagiging karapat-dapat. Gayunman sa ating matapat na pagsisikap na mahalin ang Diyos at mag-minister sa ating kapwa, maaari nating madama ang pagmamahal ng Diyos at ang inspirasyong kailangan para sa kanila at sa ating buhay sa bago at mas banal na mga paraan.
May habag, naghihikayat at nangangako ang Tagapagligtas na maaari tayong “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo, na may ganap na kaliwanagan ng pag-asa, at pag-ibig sa Diyos at sa lahat ng tao” (2 Nephi 31:20). Ang doktrina ni Cristo, ang Pagbabayad-sala ng ating Tagapagligtas, at ang pagtahak nang ating buong kaluluwa sa Kanyang landas ng tipan ay makatutulong para malaman natin ang Kanyang mga katotohanan at magpapalaya sa atin (tingnan sa Juan 8:32).
Pinatototohanan ko na ang Kanyang landas ng tipan ay humahantong sa pinakadakilang handog na pangako ng ating mapagmahal na Ama sa Langit: “Kayo ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:20).