2020
Ang Kapangyarihan ng Panalangin sa Bilangguan
Disyembre 2020


Ang Kapangyarihan ng Panalangin sa Bilangguan

Lagi kong maaalala ang Bisperas ng Paskong ito.

small Nativity with a silhouette of children in the background

Paglalarawan ni Phil Art

Nakulong ako nang apat at kalahating taon sa pederal na bilangguan dahil sa pandaraya sa real estate. Karamihan sa mga babae roon ay tahimik at may paggalang. Pagkatapos ay 10 kababaihan ang lumipat sa selda sa tapat ng selda namin.

Gising pa rin sila kahit gabing-gabi na at nagtatawanan at nakikinig sa malalakas na musika. Parang wala silang pakialam kung paano naapektuhan ng asal nila ang iba. Hiniling sa akin ng mga kasama ko sa selda na kausapin sila, pero ang mga pag-uusap na tulad nito ay kadalasang hindi maganda ang kinalalabasan sa bilangguan. Sa halip ay nanalangin ako na magbago ang ugali ng mga babaeng ito at magkaroon muli ng kapayapaan, pero lumala lang ang sitwasyon.

Habang nagdarasal isang gabi, natanto ko na wala pa akong ginawang kahit ano para makilala ang mga kapitbahay ko. Nagpunta ako sa kanilang selda kinabukasan at kinausap ko sila. Ipinakita nila sa akin ang mga larawan ng kanilang mga pamilya at mahal sa buhay. Humingi sila ng paumanhin sa pagiging masyadong maingay. Mula noon, sila ay kumakaway at mukhang masaya kapag nakikita nila ako.

Ilang linggo bago sumapit ang Pasko, inimbita nila akong maghapunan kasama nila sa Bisperas ng Pasko. Nagplano rin kaming ibahagi sa isa’t isa ang mga espirituwal na karanasan namin. Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, sama-sama kaming nagtipon at nagsabit ng ilang dekorasyong papel. Wala kaming Christmas tree, pero nadama naming lahat ang kapayapaan. Pagkatapos ng aming simpleng hapunang isdang tuna at potato chips, ibinahagi namin ang aming mga karanasan. Magkakaiba ang aming relihiyon at iba-iba ang bawat kuwento namin, pero magkakaugnay ang aming mga puso at naroon ang Espiritu.

Ikinuwento sa amin ni April na namatay ang kanyang ina sa sobrang pagdodroga noong siya ay 14 taong gulang. Tumira si April sa kalye at ipinaampon ang sanggol niyang anak noong siya ay 15 taong gulang. Siya ay nahirapan sa sarili niyang pagkalulong sa droga, nagsimulang magbenta ng droga, at napunta kalaunan sa bilangguan.

“Isang araw napaisip ako kung bakit pa ako nabubuhay,” sabi ni April. “Wala namang magbabago kung mamamatay ako. Walang nakakaalam na nasa bilangguan ako. Walang makakaalam na wala na ako.” Pagkatapos ay nagdasal siya at nagtanong sa Diyos kung kilala Niya kung sino siya.

Nang sumunod na linggo, isang tagapayo sa bilangguan ang nag-abot sa kanya ng isang liham mula sa batang babaeng ipinaampon niya.

“Talagang sinusubaybayan ka ng Diyos,” sabi ng tagapayo.

“Sumusulat ako ngayon sa aking anak, at minsan ay binisita niya ako,” sabi ni April. “Wala akong gaanong alam tungkol sa relihiyon, pero alam kong nagmamalasakit ang Diyos sa akin dahil sinagot Niya ang panalangin ko.”

Matapos magkuwento si April, nakaupo kaming lahat nang tahimik na may luha sa aming mga mata.

Habang nasa bilangguan ako, ibinuhos ko ang puso ko sa panalangin para hilingin sa ating Ama sa Langit na pangalagaan at protektahan ang aking pamilya. Ngunit nang ipagdasal ko ang mga kapitbahay ko sa bilangguan, nagsimula kong makita ang kanilang banal na potensyal at mas lubos kong nadama ang pagmamahal at awa ng ating Tagapagligtas.

Maganda ang Bisperas ng Paskong iyon sa bilangguan.