2020
Belen ng Kapitbahay
Disyembre 2020


Belen ng Isang Kapitbahay

Ang awtor ay naninirahan sa Texas, USA.

“Sapagkat sa atin ay isinilang ang isang bata” (2 Nephi 19:6).

A Neighbor Nativity

Patalon-talon si Rose nang sumilip siya sa bintana. Darating na ang kanilang mga kaibigan dito anumang oras!

Tuwing Kapaskuhan, isinasadula ng pamilya ni Rose ang Kapanganakan [ni Jesus]. Palagi silang nag-aanyaya ng mga tao na pumunta at makibahagi. Sa pagkakataong ito ay inanyayahan nila ang kanilang mga kapitbahay at ang mga missionary! Sabik na sabik si Rose dahil may sanggol ang kanilang mga kapitbahay na magiging sanggol na Jesus.

Halos handa na ang lahat. Kinuha ni Nanay ang mga pangmeryenda sa oven. Iniligpit na ng mga nakababatang kapatid na lalaki ni Rose ang lahat ng kanilang laruan. Kinuha ni Ellen ang mga costume. At naidikit na nga ni Rose ang isang malaki at dilaw na bituin sa dingding bilang palamuti.

“Rose,” sigaw ni Nanay mula sa kusina. “Maaari mo ba akong tulungang ihanda ang mga costume?”

“OK po, Nay!” Lumingon si Rose para tulungan ang kanyang kapatid na babae na may dalang mga kumot.

“Mayroon tayong mga kumot, tuwalya, at mga costume mula sa kabinet,” sabi ni Ellen. “Puwede nating gamitin ang basket na ito bilang kunwa-kunwariang sabsaban.” Iniabot niya kay Rose ang isang malaking basket. Naglagay si Rose ng malambot na kumot sa loob nito para sa sanggol.

“Eksakto,” sabi ni Rose.

Hinila ng nakababatang kapatid ni Rose na si Jack ang isang kulay abong kumot sa kanyang ulunan at gumawa ng isang nakakatawang ekspresyon sa mukha. “Puwede ba akong maging asno?”

Tumawa si Rose. “Hindi puwede, ano ka ba! Gusto mong maging isang Pantas na Lalaki, di ba?”

“Oo nga pala!” sabi ni Jack. Kinuha niya ang laruang korona at inilagay ito sa kanyang ulo.

Maya-maya ay may kumatok sa pinto.

“Nandito na sila!” sabi ni Rose. “Ako na ang magbubukas.”

Hindi naglaon ay napuno ng masasayang tao ang bahay. Tinulungan ni Rose ang lahat na isuot ang kanilang mga costume. Ang mga sister missionary ay ang mga pastol. Ang kanyang mga kapatid na lalaki ang naging mga Pantas na Lalaki. Ang cute na sanggol ang naging sanggol na Jesus, at ang kanyang mga magulang ay naging sina Maria at Jose.

Nagsuot si Rose ng malambot at puting sumbrero. Isa siyang tupa.

Sa wakas ay bihis na ang lahat at handa nang magsimula. Binuklat nina Elder at Sister Yancey, isang mag-asawang missionary mula sa kanilang ward, ang Bagong Tipan sa kuwento ng Kapanganakan. Binasa nila nang malakas ang mga talata. Isinadula ng lahat ang kanilang bahagi.

Pagkatapos ng kuwento, kumanta ang lahat ng “Kay Tahimik ng Paligid.” Nakadama ng sigla at saya si Rose. Alam niyang ang nadarama niya ay ang Espiritu Santo. Parang malapit si Jesus sa kanyang puso.

Pagkatapos ng awitin, ipinalabas ni Nanay ang video na “Samuel and the Star [Si Samuel at ang Bituin].” Nagdasal si Ellen. Pagkatapos ay inilabas nila ang mga pangmeryenda. Ang lahat ay masayang nag-uusap.

“Ano ang paborito mong bahagi?” tanong ni Sister Yancey.

“Gusto ko ang pagkanta,” sabi ni Ellen. “At ang pakikipaglaro sa sanggol na Jesus.” Itinayo ni Ellen ang sanggol sa kanyang kandungan. Nakipaglaro siya sa kanya mula nang matapos ang awitin.

“Gusto kong magdala ng mga regalo kay Jesus,” sabi ni Jack. Suot pa rin niya ang kunwa-kunwariang korona.

“Eh, ikaw Rose?”

Iniunat ni Rose ang kanyang mga bisig at dumipa. “Gusto ko ang lahat!” sabi niya nang malakas. “Pero ang higit sa lahat, gusto ko na nandito ang lahat para ipagdiwang si Jesus. Dahil iyan ang mahalaga sa Pasko.”