Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin: Aklat ni Mormon
Ano ang matututuhan natin mula sa aklat ni Moroni?
(Nobyembre 30–Disyembre 6)
Nabuhay si Moroni sa panahon na puno ng kaguluhan. Nasaksihan niya ang huling pagkalipol ng mga Nephita, namatay ang kanyang ama sa labanan (tingnan sa Mormon 8:3), at pinatay ang mga Nephita na tumangging itatwa si Jesucristo (tingnan sa Moroni 1:2). Tumanggi rin si Moroni na “[itatwa] ang Cristo” (Moroni 1:3). Tumakas siya para makaligtas at nagtago sa loob ng maraming taon.
“Ako ay susulat ng ilan pang bagay” (Moroni 1:4)
Sa panahong ito, akala ni Moroni ay tapos na ang pagsulat niya sa mga lamina, ngunit kalooban ng Panginoon na siya ay “[sumulat] ng ilan pang bagay, na marahil ang mga yaon ay magiging mahalaga sa aking mga kapatid … sa mga darating na araw” (Moroni 1:4).
Ano ang isinulat niya?
Idinagdag ni Moroni ang mga kabanata 8 at 9 sa aklat ni Mormon, isinama ang kanyang pinaikling aklat ni Eter, at idinagdag ang sarili niyang aklat (ang aklat ni Moroni) sa mga lamina ni Mormon.
Ang sulat ni Moroni ay naglalaman ng maraming bagay na mahalaga sa atin. Sumulat siya tungkol sa gawain ng Simbahan (tingnan sa Moroni 1–6), isinama ang mga turo mula sa kanyang amang si Mormon (tingnan sa Moroni 7–9), at itinala ang kanyang huling patotoo (tingnan sa Moroni 10).
Bakit niya isinulat iyon?
Batid ang mga banal na layunin ng Aklat ni Mormon, kinailangang maingat na piliin ni Moroni ang kanyang isinulat. Matapos basahin ang aklat ni Moroni, isiping itanong kung bakit pinili ni Moroni na itala ang kanyang ginawa. Ano sa pakiramdam niya ang mahalaga? Paano iniimpluwensyahan ng huling patotoo ni Moroni ang damdamin mo tungkol sa Aklat ni Mormon?