2020
Ano ang Nasa Listahan Mo?
Disyembre 2020


Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Ano ang Nasa Listahan Mo?

Tumigil sa paglilista ng gusto mo, at simulang kunin ang kailangan mo.

three Christmas presents

Ano ba talaga ang gusto mo para sa Pasko ngayong taon? Ang pinag-uusapan natin ay higit pa sa mga handog—ano ba talaga ang kailangan mo?

Ang pangangailangan ay isang bagay na kailangan mo para makaraos sa buhay. Sa Kapaskuhan, maaaring madaling magtuon sa pisikal lamang na mga pangangailangan natin, pero paano ang ating espirituwal na mga pangangailangan?

Kinakailangang mga Handog

Alam natin na may patuloy na mga pangangailangan ang ating espiritu, na natutupad ng mga handog na tulad ng pag-aaral ng banal na kasulatan at panalangin, ngunit may iba ring mga pangangailangan ang ating espiritu, depende sa ating sitwasyon. Nangalap kami ng ilang kuwento mula sa mga kabataan sa iba’t ibang panig ng mundo na nakatuklas sa iba pang “mga handog” na kailangan ng kanilang espiritu. Habang nagbabasa ka, pag-isipan kung anong mga handog ang maaaring kailangan ng sarili mong espiritu.

Ang Handog na mga Kaibigan

Natuklasan ni Rhoeta M., edad 15, taga-Idaho, USA, na kailangan niya ng mabubuting kaibigan nang siyasatin niya ang Simbahan. “Nang magsimula akong dumalo sa sacrament meeting, mga klase, at Young Women, agad akong binati ng maraming masasayang tao at mapagmalasakit na komunidad. Isinali ako sa lahat ng aktibidad, at hinikayat ako ng mga bagong kaibigan ko na sundin ang plano ng Diyos. Tinulungan nila akong magtakda at magsakatuparan ng mga espirituwal na mithiin.” Pagkatapos matutuhan ang iba pa mula sa mga missionary at makipag-ugnayan sa kanyang mga kaibigan sa Simbahan, nagpasiyang magpabinyag si Rhoeta. “Labis akong nagpapasalamat na nakakita ako ng napakabubuting tao,” sabi niya, “at mapalad akong magkaroon ng napakainam na paglipat sa Simbahan!”

Ang Handog na Seminary

Natuklasan ni Juan R., edad 16, taga-Chile, na ang seminary ay isang bagay na kailangan niya. “Sa seminary natututuhan ko ang katotohanan, at binibigyan ako ng Espiritu ng karunungan. Tuwing nadarama ko ang Espiritu, alam ko na nasa lugar ako kung saan nais ng Diyos na mapunta ako sa sandaling iyon. Ganito ang pakiramdam ko kapag nasa seminary ako, kaya alam kong mahalaga na naroon ako. Alam ko na noon pa man na masasagot ang aking mga tanong o pagdududa kung dadalo ako.”

Ang Handog na Paglilingkod

Natuklasan ni Julie S., edad 16, taga-Texas, USA, na kailangan niya ng isang calling. “Tinawag ako kamakailan bilang chorister sa aming ward, at ang ibig sabihin nito ay talagang kailangan kong makarating sa Simbahan sa oras! Palaging hirap ang pamilya kong gawin ito, at hindi lang ako nagalak nang husto sa calling na ito dahil sa mahilig ako sa musika, kundi nabawasan din ang pagmamadali ng pamilya ko tuwing Linggo at mas nakakarating kami sa oras.”

Ang Handog na Ebanghelyo

Natuklasan ni Sam D., edad 19, taga-Turkey, na ang kulang sa buhay niya ay ang Simbahan. “Nabinyagan ako sa edad na 16, at pagkatapos niyon, nagsimula akong talagang mabuhay. Naging mas malinaw ang lahat. Nagkaroon ako ng layunin sa buhay.”

Anong mga Handog ang Kailangan Mo?

Nalaman ng mga kabataang ito kung ano ang kailangan nila para lumago ang kanilang patotoo, maging mas masaya, at mas mapalapit sa Diyos. Matapos basahin ang kanilang mga karanasan, ano ang ilan sa mga pangangailangan ng iyong espiritu na napansin mo? Gumawa ng listahan para matulungan kang subaybayan ang mga ito.

Pagbibigay at Pagtanggap

Ngayong natukoy mo na ang mga pangangailangan ng iyong espiritu, paano mo mapupunan ang mga ito?

Magsimula sa pagtatakda ng mga mithiin para makamtan ang kailangan mo. Ang pagtatakda ng mga mithiin ay isang magandang paraan para maisagawa ang mga bagong bagay, at matutulungan ka ng programang Mga Bata at Kabataan na magsimula.

Ang iyong pamilya ay maaaring maging isa pang magandang lugar para makahanap ng tulong na mapunan ang iyong mga pangangailangan—kapwa sa iyong sariling pamilya at sa iyong ward o branch. Kahit noong panahon ni Moroni, ang pangunahing dahilan kaya may mga pulong ang Simbahan ay upang “makipag-usap sa bawat isa hinggil sa kapakanan ng kanilang mga kaluluwa” (Moroni 6:5).

At mangyari pa, nais ng Ama sa Langit na tulungan kang punan ang iyong mga espirituwal na pangangailangan at palaguin ang iyong pananampalataya sa Kanya. Kung magdarasal ka sa kanya, matutulungan ka Niyang tukuyin ang kailangan mo at ang mga mithiing maitatakda mo.

Ngayong Pasko, huwag nang hintayin pang hulaan ng iba kung ano ang nasa listahan ng iyong mga espirituwal na pangangailangan—magtakda ng mga mithiin at ibigay sa sarili mo ang mga handog na iyon na kailangan mo! Ngunit, huwag ding mag-atubiling humingi ng tulong upang makamtan ang iyong mga mithiin. At, dahil panahon ito ng pagbibigay, humanap ng mga paraan para matulungan mo ang iba na punan din ang kanilang mga espirituwal na pangangailangan.

Huwag kalimutan ang mga Rhoeta at Sam sa mundo. Maaaring hindi malaman ng mga tao sa paligid mo kung ano ang kulang sa kanila—kung ano ang kailangan nila para maging masaya at mahanap ang kanilang layunin—maliban kung ibabahagi mo ang mensahe ng ebanghelyo sa kanila. Iyan ang pinakamagandang handog na matatanggap ng sinuman para sa Pasko!