Mga Regalong Pamasko o Ikapu?
Naniwala ako na totoo ang ebanghelyo, pero kaya ko bang magbayad ng ikapu?
Naghahanap ako ng isang simbahan nang ipakilala ako ng mga sister missionary sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Nabinyagan ako at kinumpirma matapos ang isa at kalahating buwan. Ang isa sa mga bagay na itinuro sa akin ng mga missionary ay ang alituntunin ng ikapu.
“Tatanggap ka ng mga pagpapala kung magbabayad ka ng ikapu,” sabi nila sa akin.
Nag-iisang magulang ako. Halos wala akong sapat na pera para bumili ng pagkain at bayaran ang aking mga bayarin. Madalas ay namimili ako kung magbabayad ako ng ikapu o bibili ng pagkain, magbabayad ng aking bayarin, o magbabayad ng sasakyan.
Sa loob ng ilang taon, dinaanan ko ang mga yugto ng pagsisikap na magbayad ng ikapu. Sa huli, sinabi ko, “Kung naniniwala ka na ang ebanghelyo ay totoo, kung gayon ay kailangan mong kumilos. Kapag kumilos ka, pagpapalain ka ng Diyos.”
May utang ako na $500 sa ikapu, pero kailangan ko rin ng $503 para mabayaran ang ilang bayarin. Hindi ko alam kung paano ito uubra, pero sinabi ko, “Susubukan ko lang.” Binayaran ko ang aking ikapu. Walang nakakaalam na ako ay may kulang na $503, pero may isang taong hindi nagpakilala na nagpadala sa akin ng limang $100 sa koreo.
Iyon ang gumawa ng malaking pagbabago sa buhay ko. Binago ako nito sa espirituwal na paraan. Nalaman ko na mahal ako ng Diyos, na nagmamalasakit Siya sa akin, at nais Niya akong magtagumpay. Mula noon, nagbabayad na ako ng ikapu. Ngunit hindi ito palaging madali.
Isang Pasko ilang taon na ang nakararaan, naaalala ng panganay kong anak na babae na narinig niya akong nagsasabing hindi ko kayang magbayad ng ikapu at bumili ng mga regalo sa Pasko para sa kanya at sa kanyang mga kapatid.
“Alam po namin na hindi kami makakakuha ng kahit ano, pero ayos lang po iyon,” sabi sa akin ng anak kong babae kalaunan. “Nagpasiya po kami na gusto namin kayong magbayad ng ikapu.”
Tulad ng dati, naglaan ang Panginoon, at nakatanggap sila ng mga regalo sa Pasko.
Para sa isang nag-iisang magulang, ang masuportahan ang kanyang mga anak at makapagbayad ng ikapu ay isang malaking bagay. Mula nang magpasiya akong magbayad ng ikapu, nabiyayaan ako. Hindi ako mayaman, ngunit laging gumagawa ng paraan ang Panginoon para sa akin.
Pinagpala rin ako sa iba pang mga paraan. Ang magagandang halimbawa ng mga miyembro ng Simbahan at pamilya ay nakatulong sa akin at sa aking mga anak na manatiling aktibo sa Simbahan. Sinabi ko sa kanila na lahat ng iyon ay bahagi ng pagpapalang ipinangako ng Panginoon—na bubuksan ang mga dungawan ng langit para sa amin.