2020
Ang ilan sa mga kaibigan ko ay hindi mabuting impluwensya. Maaari pa rin ba kaming maging magkakaibigan?
Disyembre 2020


Mga Tanong at mga Sagot

Ang ilan sa mga kaibigan ko ay hindi mabuting impluwensya. Maaari pa rin ba kaming maging magkakaibigan?

girl with friends in background

Retrato mula sa Getty Images, ginamitan ng mga modelo

Magbahagi ng Mabubuting Bagay

Kung sila ay mga kaibigan ko, tungkulin kong tulungan sila na maging mas mabuti, ibahagi ang ebanghelyo at lahat ng pagpapalang natanggap ko sa pamumuhay nito. Kung hindi sila nagpapakita ng interes sa mabubuting bagay na iyon, maaari ko silang layuan nang paunti-unti. Kahit mahirap, kung minsan ay iyon ang pinakamagandang gawin.

Matheus T., edad 16, Minas Gerais, Brazil

Matheus

Magsalita nang Walang Takot

Alam ng mga kaibigan ko na kabilang ako sa Simbahan. Pinag-usapan namin kung ano ang tama at ano ang hindi. Ngayon kapag kasama ko ang kaibigan ko, matino siya at ulirang kumilos, at nagpapasaya iyon sa akin. Itinuro nito sa akin na dapat akong magsalita nang walang takot.

Diego R., edad 16, Mexico City, Mexico

Maging Mas Mabuting Impluwensya

May mga kaibigan ako na hindi mabuting impluwensya, pero hindi iyan nangangahulugan na hindi ko sila kinakausap. Pinakikitunguhan ko sila nang may paggalang at kabaitan. Hindi ko sila hinuhusgahan o pinipintasan. Alam ko na maiimpluwensyahan ng mga kaibigan ang paraan ng ating pag-iisip at pagkilos at matutukoy pa ang ating kahihinatnan. Tuwing maaari, ibinabahagi ko ang ebanghelyo sa kanila at niyayaya ko sila sa mga aktibidad ng Simbahan.

Saireth V., edad 18, Morelos, Mexico

Saireth

Unahin ang Diyos

Huwag madismaya kung hindi tanggap ng mga kaibigan mo ang iyong mabuting halimbawa. Napakaliit ng kaibhan sa pagitan ng pagiging makasarili at pangangalaga sa sarili. Hindi mo dapat ibaba ang mga pamantayan mo o isantabi ang mga paniniwala mo para sa iba; nabubuhay tayo para kalugdan ng Ama sa Langit, hindi ng iba. Manalangin at saliksikin ang mga banal na kasulatan para mapatnubayan, makinig sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo, at higit sa lahat, huwag hayaang ilihis ka ng mga makamundong bagay mula sa makipot at makitid na landas.

Riley E., edad 15, Manila, Philippines

Riley

Tumayo sa mga Banal na Lugar

Nalaman ko mula sa aking mga lider sa Simbahan na dapat tayong tumayo sa mga banal na lugar, kahit mag-isa lang tayo. Patuloy na ipamuhay ang mga itinakda mong pamantayan sa buhay at sa iyong puso. Subukang anyayahan sila sa isang lesson o sa sacrament meeting. Maaari mong dalhin ang ilaw ng ebanghelyo saan ka man magpunta! At higit sa lahat, ipakita sa bawat isa sa kanila ang pagmamahal ng Tagapagligtas.

Allanis O., edad 18, Setúbal, Portugal