2020
May Isang Mawawala sa Susunod na Taon
Disyembre 2020


May Isang Mawawala sa Susunod na Taon

Pagsapit ng Bisperas ng Pasko, naisip ko kung gaano ko kamahal ang aming pamilya. Pagkatapos ay nakadama ako ng isang malinaw na impresyon.

family decorating a Christmas tree

Paglalarawan ni Kendra Binney

Bisperas noon ng Pasko. Katatapos lang naming makuha ang mga bago naming pajama, isang tradisyon sa aming pamilya. Nagpatugtog ng musikang Pamasko ang mga bata at sumayaw ang lahat. Walang may sumpong; lahat ay masaya, nakangiti, at nagkakasayahan. Nalalaman na ipinagbubuntis ko ang isa pang anak, iniisip ko kung gaano ko kamahal ang aming pamilya, kung gaano ako kasabik na ako ay may ipinagbubuntis na isa pang anak.

Pagkatapos ay nakadama ako ng isang malinaw na impresyon. Ibinulong sa akin ng Espiritu na ang isa sa mga miyembro ng aming pamilya ay hindi na namin makakasama sa susunod na taon.

Kalaunan nang gabing iyon, habang inilalagay namin ng asawa kong si Tim ang mga regalo sa ilalim ng puno, sinabi niya sa akin na nadama niya ang isang impresyon noong maaga-aga pa ng gabing iyon na hindi na namin makakasama ang isa sa mga miyembro ng aming pamilya sa susunod na Bisperas ng Pasko. Sinabi ko kay Tim na ganoon din ang nadama ko.

Bago kami umalis papunta sa isang biyahe pagkatapos ng Pasko para bisitahin ang pamilya sa ibang estado, kinausap ni Tim ang aming mga anak tungkol sa pagiging ligtas habang nagbibiyahe kami. Nabagabag kami sa ideya na mawalan ng isang kapamilya sa aming biyahe, ngunit nakadama kami ng katiyakan na magiging maayos ang lahat. Naglakbay kami, nagkaroon ng magandang pagbisita sa mga kapamilya, at ligtas na nakauwi.

Hindi nagtagal ay dumating ang araw para sa aking regular na prenatal checkup. Naghatid ang doktor ng malungkot na balita. Nakumpirma sa ultrasound na ang sanggol ay namatay dalawang linggo bago ang pagbisita.

Nang umuwi kami ni Tim na nanlulumo, natanto namin na Bisperas ng Pasko dalawang linggo na ang nakararaan. Hindi namin alam kung kailan talaga pumapasok sa katawan ang espiritu, pero nadama namin ni Tim na nakasama namin sa pamilya ang aming sanggol, kahit na sandali lang, noong Bisperas ng Pasko habang nagsasayawan at masaya ang lahat. Nakadama kami ng labis na kagalakan, at nararamdaman namin na naging bahagi nito ang aming sanggol. Nang lisanin niya kami, naniniwala kami na siya ang miyembro ng aming pamilya na hindi namin makakasama sa susunod na Bisperas ng Pasko. Naniniwala ako na balang-araw ay makikita naming muli ang aming sanggol. Nagpapasalamat ako sa kapayapaang dulot nito sa akin.