2020
Isang Basbas ng Tradisyon sa Pasko
Disyembre 2020


Isang Basbas ng Tradisyon sa Pasko

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Walang anumang espesyal sa pagdaraos ng Pasko sa isang bagong tahanan, ngunit binago ng isang basbas ng priesthood ang lahat.

girl receiving a priesthood blessing

Paglalarawan ni Tracy Walker

Ako ay 14 na taong gulang nang maranasan ko ang unang Pasko na walang niyebe. Kalilipat lang ng pamilya ko sa Texas mula sa kabundukan ng Utah, USA. Para sa akin, ang Texas ay napakapatag at napakainit. Mahirap madama ang diwa ng Pasko kapag wala akong mga kaibigan sa bago kong paaralan at lalo na kapag walang niyebe sa lupa. Pakiramdam ko ay hindi ako kabilang kahit saan, kaya madalas akong malumbay at malungkot.

Sa kabila ng aking kalungkutan, isang linggo na lang bago mag-Pasko, at umaasa ako sa mga tradisyon sa Pasko ng aming pamilya para mas pasayahin ako. Ang masasayang aktibidad na ginawa namin nang sama-sama ng pamilya ko noong mga nakaraang taon ay talagang nagpasaya sa akin. Malaking bahagi ang mga tradisyon sa pagdiriwang namin ng Pasko, kaya akala ko ay wala akong dapat alalahanin. Tinawag silang mga tradisyon dahil dito, kaya alam kong kailangan silang ipagpatuloy.

Pagpapanatiling Buhay ng Diwa ng Pasko

Ang mga araw bago mag-Pasko ay mabagal na umusad. Wala kaming anumang ginawa nang sama-sama bilang pamilya para magdiwang, kaya nakadama ako ng kalungkutan. Nang dumating sa wakas ang Bisperas ng Pasko, naghintay ako nang buong araw na may mangyari na isang bagay—kahit anong bagay na magpapakita sa akin na ang itinatangi naming mga tradisyon sa pamilya ay mananatili pa rin sa bago naming tahanan. Sigurado akong maaari kong pasimulan ang mahahalagang tradisyong ito, pero ayaw kong gawin iyon. Sa isang banda, naghanap ako ng palatandaan para maipakita sa akin na buhay pa ang diwa ng Pasko.

Lumipas ang maghapon at lalo akong nasiraan ng loob. Napuno ng luha ang mga mata ko nang sama-samang magtipon ang pamilya ko para magdasal. Ang buong tahanan ko ay malamig at hungkag, kahit na nakatira kami sa loob nito. Biglang binasag ng tatay ko ang katahimikan nang may isang bagay siyang itinanong.

“Mayroon bang gustong tumanggap ng basbas ng priesthood?”

Bumilis ang pintig ng puso ko. Inalala ko nang husto kung maglalagay ba kami ng mga Christmas light o hindi o di kaya’y magbe-bake ng holiday cookies kaya nalimutan ko ang isang napaka-espesyal na tradisyong ginagawa namin tuwing Bisperas ng Pasko—tumatanggap kaming lahat ng basbas ng priesthood. Ang pagtanggap ng basbas mula sa aking tatay noong nagdaang taon ay laging nagbibigay sa akin ng kapayapaan, ngunit hindi lahat sa pamilya ko ay mahilig tumanggap ng basbas. Kung minsan ay sinasabi ng mga kapatid ko at nanay ko na hindi nila kailangan ng basbas. Ayaw ko nang muling umasa dahil baka tumanggi na naman ang lahat.

Ngunit kakaiba ang pagkakataong ito. Tumayo ang nanay ko at naupo sa silya na dinala ni tatay para sa amin.

“Gusto kong magpabasbas,” marahang sabi niya.

Nabigla kaming lahat, pero hindi nag-atubili ang tatay ko. Ipinatong niya ang kanyang mga kamay sa ulo ni nanay at nagsimulang magsalita. Dama ko kung gaano kabatid ng tatay ko ang mga nadarama at personal na paghihirap ng nanay ko. Binigkas ng tatay ko ang mga salita ng kapanatagan at kapayapaan sa nanay ko sa panahong ito ng pagbabago.

Bigla akong nakadama ng pag-aalab sa dibdib ko—halos parang may isang taong nagsindi ng posporo sa loob ko. Alam kong nadarama ko ang Espiritu Santo, kahit na ang pag-aalab sa dibdib ko ay hindi ang paraan na nadama ko ang Espiritu noon. Para bang direkta akong kinakausap ng Ama sa Langit, at hindi pa nga ito ang aking basbas ng priesthood!

Nang sinabi ng aking tatay ang mahinang “amen” at binuksan ko ang mga mata kong puno ng luha, nalaman kong umiiyak ang buong pamilya ko. Narinig naming lahat ang Espiritu na nagsalita sa amin sa magiliw at mapagmahal na paraan na magiging maayos ang lahat. Nagyakap ang nanay at tatay ko, at para bang nadama kong ang makapal na ulap na nasa ibabaw ng aking ulo sa napakatagal na panahon ay hinawi ng liwanag ng araw.

Lahat kami ay tumanggap ng mga basbas, kabilang ako. Sa aking basbas tiniyak sa akin ng Panginoon na lagi Niya akong inaalala at gusto Niya akong maging maligaya. Nagbigay ito sa akin ng kapayapaan at sigla na hindi ko nadama simula nang lumipat ako sa Texas.

Ang Kapangyarihan ng Priesthood ay Totoo

Hindi man namin nasunod ang bawat tradisyon sa taong iyon, pero lagi naming naaalala kung ano ang pakiramdam na masaksihan ang kapangyarihan ng Diyos sa pamamagitan ng basbas ng priesthood ni tatay. Lagi kong maaalala kung paano nito ginawang kapayapaan at kagalakan ang nadarama kong kalungkutan. Natuto rin ako ng mahalagang aral tungkol sa kapangyarihan ng priesthood. Kapag tila may mali sa lahat ng nakapaligid sa inyo, maaaring maipaalala sa inyo ng basbas ng priesthood ang mapagbantay at mapagmahal na presensya ng Panginoon sa inyong buhay.