2020
Pagbabahagi ng Liwanag ng Tagapagligtas sa Pasko
Disyembre 2020


Mga Alituntunin ng Ministering

Pagbabahagi ng Liwanag ng Tagapagligtas sa Pasko

Isipin ang mga taong kabilang sa ministering assignment mo. Paano mo sila matutulungang maging mas malapit kay Cristo sa Paskong ito?

porcelain Nativity set

Larawan ng kapanganakan na kuha ni Niltza Beatriz Santillan Castillo

Bagama’t naaalala natin ang Tagapagligtas na si Jesucristo nang buong taon, ang Pasko ang panahon na ipinagdiriwang natin ang pinakadakilang kaloob na ibinigay: “Sapagka’t gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak” (Juan 3:16). Sa paglilingkod natin sa Pasko, makapagbibigay din tayo ng mga kaloob na tumutulong sa iba na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Napakasayang isipin ang ating sarili na nagbibigay ng kaloob na katulad ng ibinigay ng Ama sa Langit.

Itinatangi Ko pa rin ang Regalo

Susan Hardy, California, USA

Noong 11 taong gulang ako, ang aking Sunday School teacher na si Brother Deets ay nagsabi sa aming klase na kung maisasaulo namin ang mga Saligan ng Pananampalataya at maipapaliwanag sa kanya ang kahulugan ng mga ito, ibibili niya kami ng sarili naming set ng mga banal na kasulatan.

Sina Brother at Sister Deets ay isang bata pang mag-asawa na nagsisimula pa lamang. Hindi ako sigurado kung kaya ni Brother Deets na bumili ng regalo para kaninuman. Ngunit nagpasiya ako na kung iniisip niyang mahalagang isaulo ang mga Saligan ng Pananampalataya, tatanggapin ko ang hamon.

Nang matapos ko ang lahat ng 13 talata, lumipas ang panahon at nalimutan ko ang kanyang pangako.

Pagkatapos, sa araw ng Pasko, nakatanggap ako ng package na may nakasulat na pangalan ko. Binuksan ko ito at nakita ko ang isang set ng mga banal na kasulatan para lamang sa akin, na may card na naghihikayat sa akin na basahin nang regular ang mga ito. Iyan ay noong 1972, at hanggang sa araw na ito ay nasa akin pa rin ang mga banal na kasulatang iyon. Napakahalaga ng mga ito sa akin.

Hindi ang presyo ng regalo kundi ang kabaitang ipinakita niya sa akin at ang sakripisyong handa niyang gawin para sa akin ang nagbigay sa akin ng matinding hangaring pag-aralan ang salita ng Diyos. Sinisikap kong tularan ang halimbawa ng paglilingkod ni Brother Deets sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga makabuluhang regalo sa mga tao sa paligid ko, umaasang mapagpapala ko ang buhay ng iba tulad ng pagpapala niya sa akin.

Isang Paanyayang Gawin ang Bahagi

Richard M. Romney, Utah, USA

Noong hiniling sa akin ng mga nagpaplano ng ward Christmas party na bisitahin ang isang hindi aktibong miyembro at anyayahan itong sumali sa programa, aaminin ko na kinabahan ako. Isang beses ko pa lang nakita si Darren noon, nang sumali siya sa isang naunang aktibidad sa ward. Nakasuot siya noon ng motorcycle headband sa noo niya. Nakatali ang mahaba at puti niyang buhok, mayroon siyang malagong puting balbas, at puno ng tato ang kanyang mga braso.

Ngayon, kasama ang isang miyembro ng komite, nakatayo ako sa pintuan ni Darren, iniisip kung ano kaya ang sasabihin niya. Pinapasok niya kami, at sinabi namin sa kanya kung bakit kami naroon. Sabi niya, “Ah, gusto kong gawin iyon!”

Magaling ang ginawa niya, tumulong siya para gawing makabuluhan ang aktibidad para sa napakarami. Hindi nagtagal, hiniling sa amin ng kompanyon ko sa ministering na regular na bisitahin si Darren. Parang lagi siyang natutuwa na makita kami, at masaya ang naging mga pag-uusap namin. Nagpapasalamat ako sa inspirasyong anyayahan siya na sumali sa programa ng aktibidad ng ward na humantong sa isang natatanging ugnayan.

Paggawa ng Ministering sa Iba sa Pasko

Narito ang ilang bagay na magagawa mo para makatiyak na nalalaman ng mga ginagawan mo ng ministering na iniisip mo sila, lalo na sa panahong ito ng taon.

  1. Kung minsan ang isang tawag sa telepono o text message ay nakagagawa ng mga kamangha-manghang bagay. Ang pagsisimula ng pakikipag-usap sa isang simpleng “Hi, kumusta ka na?” ay makagagawa ng kaibhan.

  2. Sumali sa kanilang mga pagdiriwang kapag angkop. Ang Pasko ay maaaring maging magandang pagkakataon para malaman ang tungkol sa pagkakatulad ng ating mga paniniwala. Kapag ikaw ay nagbahagi ng mga paniniwala at nakikinig sa iba, binubuksan mo ang pintuan para sa higit na pag-unawa.

  3. Banggitin ang kanilang pangalan tuwing ipinagdarasal mo sila. Hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang mag-isip ng mga paraan para mas mapalapit sila sa Kanyang Anak.

  4. Ang mga simpleng regalo ay madalas na pinaka-naaalala. Ang mga regalo ay hindi kailangang maging napakaganda para magustuhan. Ang kaloob na pagbibigay ng panahon, ang kaloob na makinig, ang pagbabahagi ng isang litrato o alaala—ang lahat ng ito ay maaaring maging mga regalong mula sa puso.

  5. Ibigay ang kaloob na patotoo. Hilingin sa kanila na ibahagi sa iyo ang kanilang pagmamahal sa Tagapagligtas, at ibahagi sa kanila ang pagmamahal mo sa Kanya.

young adult woman helping older woman in a motorized chair reach some apples at grocery store

Paggamit ng Maging Ilaw ng Sanglibutan sa Ministering

Maaari mong gamitin ang kampanyang Maging Ilaw ng Sanglibutan para matulungan ka sa ministering. Narito ang ilang ideya para makapagsimula ka. (Maghanap pa sa ComeuntoChrist.org.)

  1. Ibahagi ang video na The Christ Child. Maaari mong i-post ito, ibahagi ang link, o imbitahan ang iba na panoorin ito kasama mo.

  2. Anyayahan ang iba na dumalo sa isang paglilingkod sa Pasko. Gusto ng ilang tao na sumamba pero hindi nila alam kung saan pupunta. Anyayahan silang samahan ka sa pagsamba.

  3. Hikayatin silang magbigay sa iba. Maaari silang magbigay ng donasyon sa Humanitarian Services ng Simbahan o sa lokal na mga kawanggawa. Kung nakatira kayo sa isang lungsod na mayroong mga Giving Machine ng Simbahan, maaari mo silang isama kapag magbibigay ka ng donasyon. Ang mga machine ay nagbibigay ng simpleng paraan para makapagpadala ng isang regalo na magpapala sa mga tao sa iba’t ibang panig ng mundo.

  4. Mag-sign up sa araw-araw na mga mungkahi na maglingkod. Maaari mong tulungan ang iba na mag-sign up din. Ang mga mungkahi ay maaaring magbigay ng mga pagkakataon upang makapaglingkod kayo nang magkakasama.

  5. Punuin ng kapayapaan ang kanilang tahanan. Ipaalam sa kanila na may espesyal na mensaheng Pamasko ang mga missionary na maaari nilang ibahagi, na magdudulot ng pag-asa at pagmamahal sa kanilang puso.

  6. Ipakilala sa kanila ang Maging Ilaw ng Sanglibutan. Ipakita sa kanila kung paano mas matututo pa sa ComeuntoChrist.org.

young man holding a hymnbook in church

Paglilingkod sa Lahat Bilang Isang Kongregasyon

Ang pangangailangan ng bawat kongregasyon ay magkakaiba. Ang ilan ay nakikinabang sa pagbuo ng mas malaking aktibidad. Ang ibang mga kongregasyon ay maaaring makinabang sa maliliit at simpleng mga aktibidad. Mapanalanging pinag-iisipan ng mga kasali sa pagpaplano at pag-oorganisa ng mga aktibidad kung paano tutugunan ang mga pangangailangan.

  • Ang mga miyembro mula sa tatlong stake sa Paris, France, ay tumulong na suportahan ang isang soirée (party sa gabi) ng Maging Ilaw ng Sanglibutan na kinabibilangan ng pagpapalabas ng mga talento at ng isang fashion show. Naghanda sila ng mga bagay na ibinigay sa mga refugee at mga taong walang tirahan. (Tingnan sa “Maging Ilaw ng Sanglibutan sa Paris,” pahina 32.)

  • Idinaos ng Charlotte North Carolina Central Stake ang isang kaganapang tinatawag na “Pasko sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo” para sa komunidad, na kinabibilangan ng isang party para ipagdiwang si Cristo sa pamamagitan ng pagkain, displey ng mga Pamaskong tradisyon sa iba’t ibang bansa, musika, mga proyektong pangserbisyo, at pagmomodelo ng kapanganakan na ginawa ng mga bata.

  • Nakibahagi ang mga miyembro ng Vero Beach Florida Stake sa isang paalala sa komunidad kung bakit natin ipinagdiriwang ang Pasko. Ang mga laruan ay ibinigay sa mga kawanggawa sa komunidad. Nagtanghal ang isang koro ng mga batang Primary, at maraming simbahan ang nagdispley ng impormasyon sa mga booth.

  • Ang Jacksonville Florida South Stake ay nagtanghal ng produksyong Savior of the World [Tagapagligtas ng Mundo] para sa komunidad.

actors portraying Joseph and Mary holding the baby Jesus in a stable