2020
Nahihirapang Pag-aralang Mag-isa ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin? Narito ang Ilang mga Tip para sa Bagong Taon
Disyembre 2020


Digital Lamang: Mga Young Adult

Nahihirapang Pag-aralang Mag-isa ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin? Narito ang Ilang mga Tip para sa Bagong Taon

Hindi mo nadarama na natututuhan mo ang lahat sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin? Narito kami para tumulong!

Sa susunod na taon—sa 2021—ang ikatlong taon ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin sa buong Simbahan. Tayong lahat ay dapat bihasa na dito ngayon, tama ba?

Kung katulad ko kayo, ang sagot sa tanong na iyan ay malamang na, “Hindi pa!” At OK lang iyan!

Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay para sa lahat, pero kung minsan mahirap maunawaan kung palaging wala kang kasamang nag-aaral nito. Paano naman ang mga single adult? Paano kayo dapat magkaroon ng talakayan sa inyong sarili? Paano kung ayaw sumali ng mga roommate mo?

Para matulungan tayong lahat sa pag-aaral natin ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, bumuo kami ng listahan ng mga ideyang pupukaw sa inyong pagkamalikhain:

  • Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin Mga Grupo—Tipunin ang isang grupo ng mga kaibigan o kapamilya nang personal o online para magtipon at talakayin ang mga talata ng banal na kasulatan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin para sa linggong iyon. Magtakda ng oras at lugar upang magkita-kita sa virtual o pisikal na paraan linggu-linggo. Maaari pa nga kayong gumamit ng isang group message o group chat kung saan maibabahagi ninyo ang inyong mga ideya sa bawat isa sa buong linggo.

  • Mga Home Evening—Sa pagpaplano ng home evening para sa inyong pamilya o sa singles ward (virtual o personal), mag-isip ng mga lesson at aktibidad na maaaring iugnay sa pagbabasa sa linggong iyon sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. (Tingnan sa ibaba para sa isang sampol na ideya sa home evening.)

  • Mga Paalala sa Telepono—Maraming young adult na nag-iisa lang sa tirahan o may kasamang ilang tao lang. Kung walang pamilyang kasamang mag-aaral, maaaring mahirap kung minsan na maalalang pag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin araw-araw. Subukang gumawa ng isang paalala o alarm sa iyong telepono para lalo kang mahikayat.

  • Resources sa Media—Ang Simbahan ay nagbibigay ng maraming multimedia resources para matulungan kang pag-aralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Kabilang dito ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya (teksto, audio, at video), Brigham Young University Speeches (teksto, audio, at video), mga podcast ng Simbahan (audio, video), at iba pang Gospel Media (mga video, larawan, musika, at audio). Hanapin ang lahat ng resources na ito sa app ng Simbahan (Gospel Library, Gospel Media), ChurchofJesusChrist.org, at speeches.byu.edu at gamitin ang uri ng media na pinaka-nakatutulong sa iyo na matuto!

  • Pagbabahagi—Ang isa sa pinakamainam na mga paraan para mapalalim ang iyong pag-aaral ng ebanghelyo ay sa pagbabahagi ng iyong natutuhan. Magbahagi sa personal na paraan, sa iyong journal, sa text, sa telepono, o maging sa social media. Hayaang magpatuloy ang pag-uusap.

Sa 2021 pag-aaralan natin ang Doktrina at mga Tipan sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Narito ang ilang ideya sa pag-aaral ng aklat na ito ng banal na kasulatan:

  • Revelations in Context—Ang aklat na Revelations in Context ay naglalaman ng impormasyon tungkol sa mga tao at sitwasyong tinalakay sa Doktrina at mga Tipan. Makikita mo ang aklat na ito sa Gospel Library app at sa ChurchofJesusChrist.org.

  • Mga suportang artikulo sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Bawat buwan ang mga magasin ng Simbahan ay naglalaan ng mga artikulo para madagdagan at palakasin ang pag-aaral mo ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Maaari mong ma-access ang mga magasin sa pamamagitan ng Gospel Library app, ChurchofJesusChrist.org, at sa nakalimbag na magasin.

  • “Doktrina at mga Tipan” mga sanaysay ng Mga Paksa ng Ebanghelyo—Ang Simbahan ay may mga sanaysay ng mga Paksa ng Ebanghelyo sa maraming paksa ng kasaysayan ng Simbahan, kabilang na ang Doktrina at mga Tipan. Bawat sanaysay ay may maikling paliwanag tungkol sa paksa at mga link na may kaugnayan sa mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, mga banal na kasulatan, at iba pang media ng Simbahan. Makikita mo ang sanaysay ng Doktrina at mga Tipan (at marami pang iba) sa ChurchofJesusChrist.org/topics at sa Gospel Library app.

  • Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, mga tomo 1 at 2—Ang bagong mga aklat na Mga Banal na isinulat ng mga mananalaysay ng Simbahan ay kinabibilangan ng mga kuwento tungkol sa mga unang miyembro ng Simbahan at nakasulat sa isang pormat na madaling basahin, na mala-nobela. Maaari mong basahin o pakinggan ang mga aklat na ito sa Gospel Library app (o bumili ng isang pisikal na kopya kung gusto mo) at pakinggan o panoorin din ang Mga Banal na podcast sa ChurchofJesusChrist.org o sa Latter-Day Saints Channel app.

Magkakaiba ang buhay nating lahat, ngunit ang napakagandang bagay tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo ay na ito ay para sa lahat! Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay makatutulong sa atin na matuklasan at maipamuhay ang ebanghelyo sa sarili nating buhay at mga sitwasyon. Ang pinakamataas na mithiin natin sa paggamit ng Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay hindi para makumpleto ang bawat aktibidad at ideya sa pag-aaral na naroon. Sa halip, dapat nating hangaring masubsob sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan—ang salita ng Diyos.

Siguro ang listahang ito ay may isa o dalawang ideya na akma sa iyong sitwasyon, o maaaring pinukaw ng mga ideyang ito ang ilang personal na paghahayag sa iyo kung paano mo pag-aaralan ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin. Alinman dito, huwag susuko, at “umasa sa [Panginoon] sa bawat pag-iisip; huwag mag-alinlangan, huwag matakot” (Doktrina at mga Tipan 6:36).