“Posible bang Itayo ang Sion Ngayon?,” Liahona, Peb. 2023.
Welcome sa Isyung Ito
Posible bang Itayo ang Sion Ngayon?
Mula sa mga taong bumuo ng lunsod ni Enoc at mula sa mga Nephita kasunod ng pagdalaw ni Cristo, nalaman natin ang tungkol sa mga komunidad na nagmahal at nagmalasakit sa isa’t isa sa maganda at banal na paraan. Bilang mag-asawa, madalas naming maisip, maaari bang magkaroon ng gayong komunidad ngayon?
Sa nakalipas na ilang taon, nabiyayaan kami ng mga pagkakataong makasama ang maraming African refugee na lumipat ng tirahan sa Spokane, Washington, USA. Nang makaibigan na namin ang kahanga-hangang mga indibiduwal at pamilyang ito, nakatanggap na kami ng labis na pagmamahal at kabaitan. Nasasabik kaming marinig ninyo ang ilan sa kanilang mga kuwento (tingnan sa pahina 8). Marami kaming natutuhan mula sa kanilang pananampalataya at pagmamahal sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo. Ang kanilang mga karanasan, pamana, at determinasyong sumunod sa Kanya ay lubos na nagpayaman sa aming buhay at nagpalakas sa sarili naming ward at sa aming buong komunidad.
Ang mga kaibigan naming African ay naging magagandang halimbawa ng pagiging disipulo. Tulad ng itinuro sa atin ni Elder Dale G. Renlund sa isyung ito, hindi lamang hiniling ni Jesus sa Kanyang mga disipulo sa Bagong Tipan na sumunod sa Kanya kundi inanyayahan din Niya ang lahat ng magiging disipulo, pati na ang bawat isa sa atin, na sumunod sa Kanya. Bilang mga disipulo “kailangan nating matapat na iayon ang ating kalooban sa kalooban ng ating Ama sa Langit” (tingnan sa pahina 4). Sa paggawa nito, matututo tayong magmahal na tulad ng pagmamahal Niya at maglingkod na tulad ng nais Niyang gawin natin.
Oo, posibleng lumikha ng isang komunidad ng mga taong nagmamahal at nagmamalasakit sa isa’t isa sa maganda at banal na paraan. Nakita natin na nangyari iyon.
Taos-pusong sumasainyo,
Alice at Philip Huber