2023
Paghahanap ng Kagalakan sa Indexing Kapag Mahirap Basahin ang mga Talaan
Pebrero 2023


Digital Lamang

Paghahanap ng Kagalakan sa Indexing Kapag Mahirap Basahin ang mga Talaan

Ang awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Nang madama ko na parang hindi ko mabasa ang sulat-kamay sa mga lumang talaan, isang aral mula sa kasaysayan ng Simbahan ang nakatulong sa akin na sumulong.

isang collage na binubuo ng isang templo, magnifying glass, at mga talaan ng family history

Hindi ako kailanman lubos na nagtuon sa indexing. Gustung-gusto ko ang gawain sa templo at nagamit ko na ang FamilySearch.org sa paghahanap ng mga pangalan ng mga miyembro ng pamilya na dadalhin sa templo. Naniniwala ako na binigyang-inspirasyon ng Panginoon ang mga pag-unlad sa teknolohiya para maisulong at mapabilis ang Kanyang gawain. At nauunawaan ko na ang indexing ay may mahalagang papel na ginagampanan para maging accessible ang mga talaan na paghahanap. Pero ang pag-i-indexing ko ay hindi pa rin regular at walang gaanong pagsisikap.

Dumating ang COVID-19 at nagsara ang mga templo. Sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2020, sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson: “Habang hindi pa posible na makasamba kayo sa templo sa ngayon, inaanyayahan ko kayo na mas makibahagi pa sa family history, pati na sa pagsasalisik ng family history at indexing. Ipinapangako ko na kapag dinagdagan ninyo ang oras sa templo at sa gawain sa family history, madaragdagan at mag-iibayo ang kakayahan ninyong mapakinggan Siya.”1 Pagkatapos ibigay ang paanyayang ito, na-quarantine ako dahil sa pagkalantad sa isang taong may COVID-19. Nagpasiya akong gamitin ang oras na iyon para subukan muli ang indexing.

Noong una, ang karanasan ko ay katulad ng dati—mabagal at nakakainis. Hindi ko madaling maunawaan ang sulat-kamay ng ibang tao o ang mga format ng iba’t ibang form. Pagkatapos ay naalala ko ang natutuhan ko sa Mga Banal, tomo 1, noong isinasalin ni Joseph Smith ang Aklat ni Mormon: “Kailangan niyang magpakumbaba at sumampalataya habang pinag-aaralan niya ang mga titik.”2 Kasabay nito, hindi nakapagsalin si Oliver Cowdery, dahil “wala [siyang] inisip maliban sa ito ay itanong” (Doktrina at mga Tipan 9:7). Ayaw kong makita ang sarili ko na ginagawa ang parehong pagkakamali na ginawa ni Oliver, kaya sinikap kong magkaroon ng higit na sigasig at dedikasyon.

Mula nang sandaling iyon, sa halip na ngumiwi o umiwas kapag mahihirap ang mga proyekto sa indexing, sinasamantala ko ang pagkakataong makipagtulungan sa Panginoon sa pag-i-index ng mga pangalan upang ang mga pumanaw na ay mas mapalapit nang isang hakbang sa pagtanggap ng mga ordenansa sa templo. Habang pinag-aaralan ko sa aking isipan ang mga detalye ng mga talaan na nasa harapan ko, nakadarama ako ng higit na tiyaga sa aking pagsisikap na maunawaan ang mga talaan, at nakikita ko ang tulong ng Panginoon sa aking pang-unawa kapag dumarating ito. Nadama ko ang katuparan ng pangako ni Pangulong Nelson—nadaragdagan ang aking kakayahan na mapakinggan ang Panginoon.

Nagpapasalamat ako sa pagkakataong makibahagi sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan! Ang indexing ay kamangha-manghang pagkakataon para matularan si Propetang Joseph Smith sa pagsisikap na maunawaan kung ano ang hindi natin kayang maunawaan ngunit maaaring maging malinaw sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 90.

  2. Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, tomo 1, Ang Pamantayan ng Katotohanan, 1815–1846 [2018], 53; tingnan din sa “Nawala na ang Lahat,” Liahona, Hulyo 2018, 13–17.