2023
Ang Basbas sa Akin na Isang Himala
Pebrero 2023


“Ang Basbas sa Akin na Isang Himala,” Liahona, Peb. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Ang Basbas sa Akin na Isang Himala

Nagpapasalamat akong malaman na pare-pareho ang kapangyarihan ng priesthood sa bawat lupain.

larawan ni Sanae Fujita

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Sa pagtatapos ng pag-aaral ko sa Japan, nagpunta ako sa Thailand para magsagawa ng field research para sa aking master’s degree. Tuwang-tuwa ako pero kinabahan ako tungkol sa biyahe.

Bago ako umalis, humingi ako ng basbas ng priesthood. Sa pagbabasbas, pinayuhan akong humingi ng basbas ng priesthood sa nakakabahalang mga panahon. Sinabi sa akin: “Tandaan na sa mundong ito, walang lugar na hindi nilikha sa pamamagitan ng kapangyarihan ng priesthood. Kaya, saan ka man magpunta, maghanap ka ng priesthood holder at humingi ka ng tulong, at mababasbasan ka.”

mapa na naka-highlight ang Thailand

Wala akong ideya kung paano mahanap ang Simbahan sa Thailand pagdating ko. Hindi pa maunlad noon ang internet, kaya hindi ko mahanap ang lokasyon ng mga gusali. Dumating kami sa Bangkok airport isang Sabado ng hapon. Sa bus, taimtim akong nagdasal, “Ama sa Langit, Linggo na bukas. Tulungan Mo po akong mahanap ang Simbahan.”

Tinapos ko ang aking dasal at tumingin ako sa labas. Nagulat ako nang makita ko ang isang karatula para sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa wikang Thai at Ingles.

Kinaumagahan, sumakay ako ng kalesa papunta sa gusaling iyon. Pagkatapos, ibinigay sa akin ng mga miyembro doon ang address ng isang bahay na mas malapit sa lugar na pinagtatrabahuhan ko kung saan idinaraos ang mga miting ng branch. Binigyan din nila ako ng numero ng telepono ng mga full-time missionary. Nang sumunod na Linggo, nagsimba ako sa branch na iyon.

Pagkaraan ng maraming araw ng matagalang pagtatrabaho sa init ng araw, napagod ako nang husto. Kalaunan, nagkasakit ako.

Tinawagan ko ang mga full-time missionary, at nag-iskedyul kami ng oras para magkita sa branch. Pagdating ko roon kinabukasan, walang tao. Habang naghihintay ako sa labas, nagdasal ako, “Ama sa Langit, alam kong mapapagaling Ninyo ako, kung iyon ang kalooban Ninyo. Tulungan po Ninyo ako.”

Hindi nagtagal ay dumating ang mga missionary kasama ang branch president. Nang ipatong ng tatlong priesthood holder na ito ang kanilang mga kamay sa aking ulo, nadama kong dumaloy ang kapangyarihan ng Espiritu Santo mula sa tuktok ng ulo ko hanggang sa mga daliri ko sa paa. Agad akong gumaling.

Sa isang munting bayang malayo sa aking bansang sinilangan, humingi ako ng tulong sa mga priesthood holder. Binasbasan ako ng Panginoon sa pamamagitan ng Kanyang priesthood at sa aking pananampalataya. Sa mga paglalakbay ko mula noon, marami akong nahiling na basbas mula sa mga priesthood holder sa buong mundo. Nagpapasalamat akong malaman na pare-pareho ang kapangyarihan ng priesthood na taglay ng karapat-dapat na mga priesthood holder sa bawat lupain.