2023
Nakaayon sa Kalooban ng Panginoon
Pebrero 2023


“Nakaayon sa Kalooban ng Panginoon” Liahona, Peb. 2023.

Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin

Mateo 7

Nakaayon sa Kalooban ng Panginoon

Nagiging mas katulad tayo ni Cristo kapag tinutularan natin ang Kanyang halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Kanyang Ama.

ang Tagapagligtas at ang Kanyang mga alagad habang naglalakad

Ang ilan sa mga pinakamahalagang desisyong ginagawa natin sa buhay ay ang mga desisyong nakakaapekto sa iba. Madalas ay ganito ang nangyayari kapag nagpapasiya tayong tanggapin ang mga calling para maglingkod sa Simbahan.

Halimbawa, nang tawagin akong maging mission president, tinawag ang asawa kong si Lucie bilang kompanyon ko. Gusto naming magkaisa nang maglingkod kami. Alam namin na ang ibig sabihin nito ay mahalaga para sa amin bilang mag-asawa na makaayon sa kalooban ng Panginoon. Bukod pa rito, maaapektuhan din ng aming calling ang aming mga anak dahil sasamahan nila kami. Mga bata pa sila, edad 14, 11, at 7. Ang pag-alis ng bahay sa loob ng tatlong taon ay magiging malaking pagbabago sa buhay nila, kaya magiging mahalaga rin para sa kanila ang makaayon sa kalooban ng Panginoon.

Nagpasiya kami bilang pamilya na gusto naming sama-samang paglingkuran ang Panginoon. Tulad ng sabi ng asawa ko, “Gusto naming lahat na magtuon sa iisang direksyon.” At bilang pamilya pinagpala kami na sama-samang maglingkod sa Democratic Republic of the Congo Mbuji-Mayi Mission.

Ang sama-samang paglilingkod ay nagpalakas sa aming pagkakaisa at kakayahang harapin ang mga hamon sa isang bagong kultura, bagong lungsod, bagong lokal na wika. Nakatulong ito sa amin na maging mas matatag habang tumutugon kami sa pangangailangang dumalo sa mga leadership seminar at zone conference at tugunan pa rin ang mga pangangailangan ng aming mga anak. Ang mga panalangin at pag-aaral ng mga banal na kasulatan ng aming pamilya ay naging mas makabuluhan, at ang aming mga patotoo ay mas lumakas nang mamasdan namin ang pagmamahal at pagtanggap ng mga convert, miyembro, at missionary sa ebanghelyo.

Pagsunod sa Kalooban ng Ama

Bakit napakahalaga na hangarin nating malaman at gawin ang kalooban ng ating Ama sa Langit?

Dito, tulad sa lahat ng bagay, ang Panginoong Jesucristo ang nagpapakita ng halimbawa. Sinabi niya:

  • “Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38).

  • “Hindi ang bawat nagsasabi sa akin, ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).

  • “Kung ang sinuman ay nagnanais gumawa ng kalooban ng Diyos ay makikilala niya kung ang turo ay mula sa Diyos, o kung ako’y nagsasalita mula sa aking sarili” (Juan 7:17).

Sa madaling salita:

  • Nagiging higit na katulad tayo ni Cristo kapag tinutularan natin ang Kanyang halimbawa ng pagsunod sa kalooban ng Ama.

  • Kailangang maging masunurin tayo para maging karapat-dapat.

  • Sa pagsunod natin sa halimbawa ni Cristo na hangaring gawin ang kalooban ng Diyos, nalalaman natin sa ating pagsunod na ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay totoo.

Sa pagsunod sa Tagapagligtas, tayo ay nagiging higit na katulad Niya. At habang tayo ay nagiging higit na katulad Niya, tayo ay nagiging higit na katulad ng Ama. Kaya matututuhan nating gawin ang kalooban ng Ama sa pagiging masunurin sa mga turo ng Anak.

Pagtatayo sa Ibabaw ng Bato

Sinabi rin ni Jesucristo na ang mga nakikinig at sumusunod sa Kanyang mga sinasabi ay katulad ng isang “matalinong tao na nagtayo ng kanyang bahay sa ibabaw ng bato.

“[At] bumagsak ang ulan, at dumating ang baha. Humihip ang mga hangin at hinampas ang bahay na iyon, ngunit hindi iyon bumagsak, sapagkat itinayo sa ibabaw ng bato” (Mateo 7:24–25).

Gayundin, itinuro ni Helaman sa kanyang mga anak: “Tandaan na sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).

Nangangahulugan ito na kapag inaayon natin ang ating kalooban sa kalooban ng Diyos at sinusunod ang Kanyang kalooban, bibigyan tayo ng lakas na kailangan natin para labanan ang mga unos ng buhay. Makakatiis hanggang wakas ang ating pananampalataya.

si Elder Kyungu at kanyang pamilya

Larawang kuha sa kagandahang-loob ng awtor

Bilang isang pamilyang sama-samang naglilingkod sa misyon, nasaksihan namin ang katotohanan—para sa aming sarili at para sa iba—na nakikilala natin si Jesucristo sa paggawa ng Kanyang kalooban. Nakita namin ang nangyayari sa buhay ng mga taong nakikinig sa Kanyang tinig, sumusunod sa Kanyang mga utos, at tumatanggap sa Kanyang kalooban sa kanilang buhay. Tumanggap kami ng mga pagpapala nang gampanan namin ang sarili naming mga calling, at minasdan namin ang espirituwal na paglago ng mga missionary at lokal na miyembro ng Simbahan, pati na ng mga bagong binyag, na tumanggap ng mga calling, nagbahagi ng Kanyang ebanghelyo, at naglingkod sa isa’t isa. Nalaman namin na simple lang ang paggawa ng Kanyang kalooban. Ibig sabihin nito ay gawin ang nararapat nating gawin para tulungan ang Diyos na tuparin ang Kanyang gawain at Kanyang kaluwalhatian na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39).

Nakita namin na, tulad ng mga tao ni Haring Benjamin, ang mga taong inaayon ang kanilang sarili sa kalooban ng Panginoon ay “handang makipagtipan sa aming Diyos na gawin ang kanyang kalooban, at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na ipag-uutos [niya] sa amin” (Mosias 5:5).

Pagbabahagi ng Kanyang Pangako

Nang tanggapin namin ang tawag na ipinaabot ni Pangulong Russell M. Nelson na maglingkod bilang mga mission leader, alam naming mag-asawa na ginagawa namin ang nais ipagawa sa amin ng Panginoon. At natuwa kami nang sumama sa amin ang aming mga anak sa paglilingkod na iyon. Iniwan namin ang lahat, pero alam namin na darating ang magagandang pagpapala. Nasabik kaming ibahagi ang pangako ng Tagapagligtas: “Sapagkat ito ang kalooban ng aking Ama, na ang bawat nakakakita sa Anak at sa kanya’y sumampalataya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan, at muli ko siyang bubuhayin sa huling araw” (Juan 6:40).