“Sapatos na Hindi Nakatali at ang Pagmamahal ng Tagapagligtas,” Liahona, Peb. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Sapatos na Hindi Nakatali at ang Pagmamahal ng Tagapagligtas
Habang nababagot akong nakaluhod para itali ang isa pang pares ng sapatos, tinuruan ako ng Panginoon ng isang nakapagpapakumbabang aral tungkol sa pagmamahal Niya sa atin.
Sa loob ng ilang taon, nagtrabaho ako bilang special education teacher para sa mga batang nasa pagitan ng edad lima at walo. Nahihirapan ang mga estudyante ko sa maraming kapansanan—mula sa matinding pinsala sa utak at autism hanggang sa mga learning disability.
Marami sa mga estudyante ko ang hindi makakilos nang maayos at hindi kayang magtali ng sarili nilang sapatos. Pinupuri ko ang mga magulang na binibilhan ang kanilang mga anak ng sapatos na may Velcro straps, pero naiinis ako sa mga magulang na binibilhan ng sapatos na may sintas ang kanilang mga anak.
Ang sapatos na maayos na nakatali ay kailangan para sa kaligtasan ng mga bata. Kaya, maraming beses bawat araw, makikita akong nakaluhod at nagtatali ng sapatos ng maliliit kong estudyante. Sa araw na may pasok sa paaralan, kapwa ito nakakaubos ng oras at hindi kumbinyenteng gawin.
Kamakailan, habang yamot akong nakaluhod sa playground para itali ang isa pang pares ng sapatos, pumasok sa isip ko ang isang magandang ideya. Nakinita ko ang Tagapagligtas na nakaluhod sa tabi ng Kanyang mga disipulo para buong tiyagang hugasan ang kanilang mga paa. Pagkatapos ay pumasok sa isip ko ang sinabi ng Tagapagligtas: “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, yamang ginawa ninyo ito sa isa sa pinakamaliit sa mga kapatid kong ito, ay sa akin ninyo ginawa” (Mateo 25:40).
Nadama ko ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa maliit na batang niluhuran ko para paglingkuran. Nadama ko rin ang pagmamahal ng Panginoon para sa akin. Nadama ko na nakita at pinahalagahan Niya ako sa walang-pagod na mga oras sa pagsisikap ko bawat linggo na paglingkuran ang Kanyang maliliit at pinakamahihinang anak.
Ang magiliw na karanasang ito ay nagbigay sa akin ng kinakailangan kong kapayapaan, lakas, at katiyakan na ako ay nasa dapat kong kalagyan, na ginagawa ang nararapat kong gawin. Nagpapasalamat ako sa Panginoon at sa Kanyang magigiliw na awa sa buhay ko. At ngayo’y nagpapasalamat ako sa araw-araw na mga pagkakataong lumuhod at magtali ng sapatos.