“Hindi ba Humahantong sa mga Pagpapala ang Pagsunod?,” Liahona, Peb. 2023.
Mga Young Adult
Hindi ba Humahantong sa mga Pagpapala ang Pagsunod?
Ang mga pagpapala ng Panginoon ay hindi nilayon para sa temporal na pagpapasasa; ang mga ito ay para sa espirituwal na paglago.
Halos buong buhay ko, naniwala ako na kung masunurin ako sa mga utos ng Diyos, may karapatan ako sa alinman at sa lahat ng pagpapalang hiniling ko. Isipin ninyo ang pagkalito ko, matapos sikaping maging masunurin sa halos 30 taon ng buhay ko, nang mamasdan ko kung paano sinira ng adiksiyon at pagkasuri sa kanser ng aking pamilya; nawalan ng trabaho ang aking ama nang lumaganap ang pandemya; nagkaroon ng nakapanghihina at nakamamatay na karamdaman ang kapatid kong babae; at ilan pang mga kaganapang nagpabago sa buhay na hindi ko pinangarap na maranasan.
Gumugol ako ng maraming oras sa taimtim na pagdarasal, na sinisikap na alamin kung bakit nangyayari ang mga bagay na ito. Pakiramdam ko ay nakatanggap ako ng mga pagpapala. Bakit mukhang naging kamangha-mangha ang buhay ng mga taong hindi nagsikap na maging masunurin nang hindi dinaranas ang mga pagsubok na naranasan ko? Mula sa limitado kong pananaw, parang nakakalito, nakakadismaya, at hindi makatarungan ang sitwasyon ko.
Pag-unawa sa mga Paraan ng Panginoon
Maaaring mahirap magkaroon ng malawak na pananaw sa gitna ng mga pagsubok, pero sa pagbabalik-tanaw, nakikita ko na ang mga paraan ng Panginoon ay hindi talaga katulad ng ating mga paraan (tingnan sa Isaias 55:8). Bilang mga nilalang na may katapusan sa mortal na buhay na ito, gusto ng ilan sa atin na agad na mabigyang-kasiyahan, maging masaya nang walang hirap, at palaging maging komportable.
Pero nais ng Ama sa Langit ang mas mabuti para sa atin. Sa Kanyang walang-hanggang karunungan, nauunawaan Niya ang kailangan ng bawat isa sa Kanyang mga anak para magtamo ng walang-hanggang kagalakan, walang-katapusang kaligayahan, at banal na kapanatagan.
Dahil dito, hindi laging ibinibigay sa atin ang mga pagpapalang hinihiling natin dahil hindi ito para sa ating walang-hanggang kapakinabangan. Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “May ilang tao na mali ang pagkaunawa sa mga pangako ng Diyos dahil iniisip nila na sa pagsunod sa Kanya ay may partikular na resulta silang matatanggap sa takdang panahon. Maaaring isipin nila, ‘Kung masigasig akong maglilingkod sa full-time mission, bibiyayaan ako ng Diyos ng masayang buhay may-asawa at mga anak,’ o ‘Kung iiwasan kong gumawa ng schoolwork sa araw ng Sabbath, patataasin ng Diyos ang mga grado ko sa eskuwela.’ … Kung hindi mangyayari sa kanilang buhay ang mga bagay-bagay sa eksaktong paraan na gusto nila o sa inaasahan nilang panahon, maaaring isipin nila na hindi tapat ang Diyos sa kanila. Ngunit hindi awtomatikong nangyayari ang mga bagay-bagay sa paraan ng Diyos. Hindi natin dapat ituring ang plano ng Diyos na parang vending machine kung saan (1) pipili lang tayo ng gusto nating pagpapala, (2) ibibigay ang kailangang dami ng mabubuting gawa, at (3) kaagad nang darating ang hinihinging biyaya.”1
Sinabi ng Panginoon na “habang inyong sinusunod ang aking mga kautusan kayo ay uunlad sa lupain” (2 Nephi 4:4). Ang pinakadakilang kasaganaang layon ng Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak ay “kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan” (Moises 1:39). At dahil sa Kanyang matinding pagmamahal sa atin, inaanyayahan Niya tayong gamitin ang ating kalayaang pumili para gumawa ng mga pagpapasiyang hahantong sa puntong iyon. Pero walang nakasaad sa mga banal na kasulatan na ibibigay Niya sa atin ang mismong gusto natin. Mas alam Niya kaysa sa atin kung ano ang pinakamabuti para sa atin. Kaya matanggap man natin ang mga pagpapalang inaasam natin o hindi, hinihilingan tayong magtiwala na para iyon sa ating ikabubuti (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 122:7).
Ang personal na paghahayag na magmisyon ay isa sa pinakamalilinaw na sagot sa panalangin na natanggap ko. Inaamin ko na hindi ako natuwa sa posibilidad na iwan ang aking pamilya sa loob ng 18 buwan, pero hindi ko maitatatwa ang sagot na natanggap ko. Kaya, buong masunurin kong pinakinggan ang tawag.
May napakagagandang bahagi ang aking misyon, pero nakaranas din ako ng maraming hamon na sumubok sa aking pananampalataya at naging dahilan para magtaka ako kung bakit pa ako hinikayat na magmisyon! Gayunman, sa pagbabalik-tanaw ko ngayon, tapat kong masasabi na ang mahihirap na karanasan sa aking misyon ay nagpalakas sa akin sa maraming paraan, at inihanda ako ng mga ito na tumanggap ng mga pagpapala kalaunan.
Kung minsa’y inaakay tayo ng ating pagsunod tungo sa apoy ng tagapagdalisay (tingnan sa Malakias 3:2), at hindi iyan isang komportableng karanasan kailanman. Pero kung hahayaan nating baguhin tayo ng apoy na iyon, mula sa mga abong ibinunga ay dumarating ang bagong paglago at kagandahan (tingnan sa Isaias 61:3).
Pagtanggap sa Kalooban ng Diyos
Ang tunay na pagbabalik-loob kay Cristo ay kinabibilangan ng lubos na pagtitiwala na nais Niya at ng Ama sa Langit na pinakamabuti lamang ang mapasaatin sa walang-hanggang plano. Kapag buong puso nating pinaniniwalaan iyan, tunay na tatapusin natin ang lahat ng ating panalangin sa “Ang Inyong kalooban ang masusunod, O Panginoon, at hindi ang sa amin” (Doktrina at mga Tipan 109:44). Sa pangakong ito na gawin ang tagubilin ni Pangulong Russell M. Nelson at “hayaang manaig ang Diyos sa ating buhay,”2 nauunawaan natin na hindi natin makukuha ang lahat ng bagay na gusto natin o iniisip nating nararapat sa atin. Magiging kuntento tayo at masaya sa mga pagpapalang napasaatin sa pamamagitan ng pagsunod sa mga utos ng Diyos nang hindi ikinukumpara ang ating sarili sa kung ano ang pananaw natin sa pamumuhay ng ibang tao at kung paano sila pinagpapala ng Diyos.
Ang isang magandang halimbawa ng tunay na pagbabalik-loob na ito ay ang propetang si Abraham. Sinabi sa kanya ng Panginoon na “tumingala ka ngayon sa langit, at iyong bilangin ang mga bituin, kung mabibilang mo,” At sinabi sa kanya, “Magiging ganyan ang iyong binhi” (Genesis 15:5). Kaya nagulat siguro si Abraham nang utusan siya ng Panginoon, sa kanyang katandaan, na patayin si Isaac, ang anak na isinaad ng Diyos na gagamitin Niya para itatag ang Kanyang tipan (tingnan sa Genesis 17:19). Nagtaka siguro si Abraham kung bakit siya hinilingan ng Diyos na ipaubaya niya ang anak na susunod sa kanya sa linya ng tipan. Pero hindi kailanman pinagdudahan ni Abraham ang Panginoon, nababatid na alam ng Panginoon ang wakas mula sa simula at nagtitiwala na matutupad ang Kanyang pangako.
Sa sandali mismo na papatayin na ni Abraham ang kanyang anak, pinigilan siya ng isang anghel at pinuri sa kahandaan niyang sumunod (Tingnan sa Genesis 22:11–12). Kalaunan ay binanggit ng anghel ang sinabi ng Panginoon, “Pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat” (Genesis 22:17). Nanampalataya si Abraham na kahit paano ay pagpapalain siya ng Panginoon, kahit hindi iyon ayon sa paraang una niyang naisip.
Ang isang makapangyarihang paalala mula sa talang ito ay na maaari nating piliin kung paano natin uunawain ang mga gawain ng Panginoon; maaari nating piliing manampalataya. Itinuring siguro ni Abraham na lubhang hindi makatarungan at walang-awa ang utos ng Panginoon na patayin niya ang kanyang anak. Subalit pinili ni Abraham na unawain iyon sa ibang paraan—pinili niyang magtuon sa kapangyarihan, pagiging maaasahan, at kabutihan ng Panginoon.
Pagbabago ng Pananaw
Hindi madaling magkaroon ng pananaw na tulad ng kay Abraham—nangangailangan ito ng panahon at pagsasanay. Kung minsa’y nalalabanan ko ang pagkakaroon ng pagpapakumbabang kailangan para ipasakop ang aking kalooban at magtiwala sa Panginoon. Nakapaglabas na ako ng mga espirituwal na galit ko, nainis na hindi ko nakukuha ang gusto ko at sumama ang loob ko na patuloy akong nakakaranas ng hirap. Sa mga pagkakataong ito, nabigo akong unawain na “para makarating [tayo] mula sa [ating] kinaroroonan tungo sa kung saan nais [ng Panginoon] na mapunta [tayo], kailangan ng maraming pagsisikap, at karaniwa’y may kaakibat iyong hirap at pasakit.”3
Hindi ito nangangahulugan na nais ng Panginoon na maging miserable tayo—kabaligtaran iyon. Layon ng Panginoon na “magkaroon [tayo] ng kagalakan” (tingnan sa 2 Nephi 2:25). Pero ang salitang “lakas” ay nagpapahiwatig na ang ating kagalakan ay nakabatay sa ating kalayaang pumili. Kung gusto natin ng tunay at walang-hanggang kagalakan, pinipili nating makita ang mga pagpapala sa anumang anyo at panahong dumarating ito. Pinipili nating manatiling masunurin, kahit hindi ito agad nagbubunga, dahil mahal at pinagtitiwalaan natin ang Ama sa Langit. At sinisikap nating maunawaan na ang pinakadakilang mga pagpapala ay nasa mga aral na pinipili nating matutuhan mula sa ating mga pagsubok, sapagkat ang mga iyon ang naglalapit sa atin kay Cristo.
At hindi ba ang higit na paglapit sa Tagapagligtas at pagiging katulad Niya ang buong punto ng buhay na ito?
Maraming oras ang ginugol ko sa pagtutuon sa mga negatibong aspeto ng mga pagsubok at kabiguan na hindi makuha ang gusto ko. May mga sandali pa rin na nagtatanong ako kung bakit kadalasan ay mas mahirap ang buhay ko kaysa sa maraming tao. At kung minsa’y iniisip ko kung bakit, sa kabila ng aking masigasig na pagsunod, tila nawawala ang hinahangad kong mga pagpapala. Pero natututuhan kong makita na palagi akong pinagpapala ng Panginoon kapag sinusunod ko ang Kanyang mga utos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 82:10; 130:20–21), kahit na hindi palaging dumarating ang mga pagpapalang iyon sa panahon o paraang maaaring inaasam ko.
Sa tuwing hindi ipinagkakaloob ang biyaya sa paraan o panahong inaasahan natin, may pagkakataon tayong suriing mabuti ang mga paraan na nakita natin na nagpapakita ang Ama sa Langit at ang ating Tagapagligtas sa ating buhay, dahil lagi Nilang ginagawa ito. Kapag tunay nating naunawaan ang katotohanang ito, magkakaroon tayo ng pananaw at tapang na mapagpakumbabang sabihing, “Ang inyong kalooban ang masusunod.”