Digital Lamang
Pitong Ideya upang Maging Mas Nagkakaisa at Nakalulugod na Komunidad ng mga Banal
Ang pagpapalakas ng ating mga kongregasyon ay nagsisimula sa atin.
Sa isang Simbahan na may mga miyembro sa iba’t ibang panig ng mundo, ang ating patotoo tungkol sa Ama sa Langit at sa Panginoong Jesucristo ang sanhi ng pagkakaisa sa ating komunidad ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sama-sama tayong nagsisikap na maging higit na katulad ng ating Tagapagligtas, tinatanggap ang Kanyang katotohanan na “kung hindi kayo isa kayo ay hindi sa akin” (Doktrina at mga Tipan 38:27).
Sa 4 Nephi mababasa natin ang pag-unlad at pagbagsak ng isang lipunan na nakasentro kay Cristo. Wala silang alitan sa isa’t isa, nagkaroon sila ng “pagkakapantay-pantay sa lahat ng bagay” (4 Nephi 1:3), inalagaan nila ang kanilang mga maralita, at nahikayat sila ng “pag-ibig sa Diyos” (4 Nephi 1:15) sa kanilang mga puso. Naging isa sila (tingnan sa 4 Nephi 1:17). Gayunpaman, sa paglipas ng panahon ay tinalikuran nila ang mga kaugaliang ito at nagtuon sila sa kanilang sarili, kung kaya’t nawala ang nagkakaisang lipunan na mayroon sila dati.
Paano tayo magiging isang komunidad na mas nakasentro kay Cristo tulad ng mayroon sila dati? Ang sumusunod ay pitong ideya na makatutulong sa atin na maging mas nagkakaisa bilang mga anak ng Diyos.
1. Ipakilala ang Iyong Sarili sa mga Hindi Mo Kilala
Bilang Mabuting Pastol, personal tayong kilala ng ating Tagapagligtas at “tinatawag niya ang kanyang mga tupa sa pangalan” (Juan 10:3). Matutularan natin ang Kanyang halimbawa sa pamamagitan ng paghahangad na makilala at maunawaan ang isa’t isa. Matutulungan din natin ang iba na madama na sila ay pinahahalagahan. Gaano man kalaki ang iyong stake o gaano man kaliit ang iyong branch, palaging may isang taong maaari mong kilalanin nang mas mabuti.
Ang pagpapakilala ng iyong sarili ay nagpapakita na nagmamalasakit ka sa iyong mga kapatid, ito man ay paglapit sa isang taong nagsisimba sa unang pagkakataon o pagkausap sa isang matagal nang miyembro na hindi mo madalas na nakakausap. Nagpapakita ito ng pasasalamat sa tinawag ni Elder Randy D. Funk, noong siya ay miyembro ng Pitumpu, na “kahandaan ng mga ito na mapabilang at manatili sa kawan.”1 Sa mga pag-uusap sa hinaharap, alalahanin ang halimbawa ng Tagapagligtas kung gaano kamakapangyarihan at nakaaantig ang pagtawag sa isang tao sa kanyang pangalan.
2. Magtuon sa Ating Iisang Gawain—ang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan
Nang sumulat si Apostol Pablo sa mga Banal sa Corinto, nanawagan siya na “huwag magkaroon sa inyo ng mga pagkakabaha-bahagi, kundi kayo’y magkaisa sa isang pag-iisip at layunin lamang.” (1 Corinto 1:10). Ang isang paraan upang magkaisa sa pag-iisip ay magtulungan sa mga magkakatulad na pagsisikap na magpunta at manatili sa landas ng tipan, saanman kasalukuyang naroon ang bawat isa sa atin sa ating paglalakbay. Ang mga paanyayang mamuhay, magmalasakit, mag-anyaya, at magkaisa sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan2 ay nagbibigay sa atin ng mga nagkakaisang pagkakataon bilang mga tumutupad ng tipan.
Maaari tayong magtuon sa apat na responsibilidad na ito na itinalaga ng Diyos upang matugunan ang mga pangangailangan ng ating lokal na unit at komunidad. Bilang branch, ward, stake, o mission, maaaring magsanggunian ang mga miyembro at lider upang mas maunawaan kung paano makakapag-minister sa isa’t isa na may iisang adhikain. Ang pagtutulungan sa iisang adhikain na ito ay magkakaisa sa atin sa mga pambihirang paraan.
3. Iwasan ang Pagsisimula o Pagkakalat ng mga Tsismis
Ang mga tsismis, o masasakit na sabi-sabi na maaaring totoo o hindi, ay posibleng magpalaganap ng negatibong pananaw sa iba at makasira sa ating samahan. Huwag maniwala sa mga mapaminsalang tsismis, dahil ang paggawa nito ay nakasisira sa pundasyon ng ating mga komunidad sa Simbahan. Kahit totoo ang isang tsismis, iwasang ikalat o simulan ito. Walang perpekto, at walang sinuman ang hindi nangangailangan ng tulong ng Diyos, kaya huwag kang maunang bumato (tingnan sa Juan 8:7).
Kung kailangan ng pagwawasto ng isang miyembro ng ward o branch, dapat makipagsanggunian ang mga lider sa kanya nang pribado. Iniutos ni Cristo, “kung magkasala laban sa iyo ang iyong kapatid, pumaroon ka at sabihin mo sa kanya ang kanyang pagkakamali kapag kayong dalawa lamang” (Mateo 18:15).
4. Mag-minister nang Nakangiti
Sinabi ni Elder Adrián Ochoa ng Pitumpu na “nais [ng Panginoon na] maging bahagi kayo ng Kanyang dakilang gawain. Ang plano ng kaligayahan ay magiging mas tunay sa inyo kapag tinutulungan ninyo ang iba na ipamuhay ito.”3 Ang ating mga ministering assignment ay isang paraan upang magawa natin ito nang may kagalakan.
Madalas ka mang mag-minister o kailangan mo mang alamin kung ano ang iyong ministering assignment, palagi nating maaaring hangarin ang Espiritu nang sa gayon ay malaman kung ano ang nais ng Diyos na gawin natin upang mapaglingkuran ang iba sa Kanyang pangalan. Habang hinahangad nating tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas sa pagmi-minister sa isang tao, mararanasan natin ang kagalakan at kabutihan ng ebanghelyo ni Jesucristo sa paglikha ng isang komunidad na may malugod na pagtanggap.
5. Hangaring Mas Maunawaan ang Isa’t Isa
Tayong lahat ay may iba’t ibang personalidad at katangian. At tayong lahat ay kailangan sa katawan ni Cristo (tingnan sa 1 Corinto 12:12–31). Maaari nating hangaring maunawaan at mas pahalagahan ang bawat tao. Habang nagsisikap tayong mas kilalanin ang isa’t isa, matutuklasan natin na mas masusuportahan natin ang mga pangangailangan ng isa’t isa.
Halimbawa, maaaring ang isang katangiang magkakaiba sa atin ay pagiging introvert o extrovert. Ang ilang tao, na madalas tukuyin bilang mga “extrovert,” ay talagang komportable sa malalaking grupo o mga gawain kung saan kailangan nilang makihalubilo sa mga taong hindi nila kilala. Mas gusto naman ng iba, na tinatawag na mga “introvert,” ang mga sitwasyon na nagtutulot sa kanila na makihalubilo sa mas maliliit na grupo ng mga tao na mas makakaugnayan nila. Pareho silang may mga katangiang mahalaga sa gawain ng Panginoon. Ang Simbahan ay nagbibigay ng maraming oportunidad na kung minsan ay mas natural sa mga extrovert, tulad ng pagsasalita sa simbahan, paggawa ng gawaing misyonero, o pagdalo sa mga aktibidad kasama ang iba na hindi nila gaanong kilala. Habang hinahangad nating palakasin ang ating komunidad, matutukoy natin ang mga pangangailangan ng mga introvert at makagagawa tayo ng mga hakbang upang matulungan silang makibahagi nang mas komportable sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan sa paraang angkop sa kanilang mga kalakasan at katangian bilang introvert.
Kabilang sa iba pang mga paraan upang mas maunawaan at masuportahan natin ang isa’t isa ang pagiging sensitibo sa kalagayan ng pamilya, pinansiyal na katayuan, pangangailangan sa kalusugan, interes, at kung saan naroon ang bawat tao sa landas ng tipan. Sa paghahanda para sa lahat ng uri ng aktibidad, klase, miting, at pakikihalubilo, isipin natin kung paano matutulungan ang lahat na madama na kabilang sila at makita kung gaano sila kakailangan sa gawain ng Panginoon. Totoo rin ito sa pagtulong sa mga miyembro na may iba’t ibang interes at pinagmulan.
6. Magpatawad at Humingi ng Kapatawaran
Binanggit sa Bagong Tipan ang tungkol sa maraming mahimalang pagpapagaling at banal na tawag na maging disipulo. Ito ay walang-hanggang patunay ng kakayahan nating magbago. Ang kongregasyon na mainit tumanggap at nakasentro kay Cristo ay hindi kumpleto kung wala ang doktrina ng kapatawaran. Mahalaga na kapag nagkasala tayo sa iba at kapag nagkasala sila sa atin, tayong lahat ay maaaring magkasundo sa pamamagitan ng ating Manunubos (tingnan sa 2 Corinto 5:18).
Hinikayat tayo ni Pangulong Russell M. Nelson na “magpakita ng pagpapakumbaba, lakas ng loob, at kalakasan na kailangan para magpatawad at humingi ng kapatawaran.”4 Bagama’t maaaring hindi madaling patawarin ang iba, mapapalawak nito ang ating kakayahang magmahal. Bagama’t maaaring hindi kasiya-siya ang paghingi ng kapatawaran, mapapalakas nito ang ating kakayahang magsisi.
Ang pagpapakita ng habag sa mga pagkukulang at pagkakamali ng iba ay nagpapalawak sa sakop ng pag-ibig ng Diyos sa pamamagitan natin. Ang kapatawaran ay naglalapit sa ating grupo ng mga Banal sa mga Huling Araw kay Cristo at nagtutulot na “ang [ating] mga puso ay [mas lubos na maging] magkakasama sa pagkakaisa at sa pag-ibig sa isa’t isa” (Mosias 18:21).
7. Lumikha ng Isang Komunidad ng Kalayaang Panrelihiyon sa Lahat ng Relihiyon at Paniniwala
Ang paglikha ng mas nagkakaisa at mainit na tumanggap na komunidad na panrelihiyon ay sumasaklaw nang higit pa sa hangganan ng sarili nating relihiyon. Sa paghahandog ng mga miyembro ng Simbahan ng pandaigdigang serbisyo mula sa Argentina hanggang sa Zimbabwe, maaari nating mahalin ang lahat, anuman ang kanilang mga paniniwalang panrelihiyon.
Itinuro ni Elder Ronald A. Rasband ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Bilang simbahan, nakikiisa tayo sa iba pang mga relihiyon na nagpoprotekta sa mga tao sa lahat ng relihiyon at paniniwala at sa karapatan nilang ipahayag ang kanilang mga pananalig. Hindi ibig sabihin nito na tinatanggap natin ang kanilang mga paniniwala, ni tinatanggap nila ang sa atin, ngunit mas marami tayong pagkakatulad sa ibang mananampalataya kaysa sa mga taong nagnanais na pahintuin ang ating relihiyon.”5
Kausapin ang iba kung bakit mahal nila ang kanilang mga paniniwala, at ibahagi sa kanila kung bakit mahal mo ang iyong mga paniniwala. Tingnan kung ano ang magagawa ninyo nang sama-sama upang mapalakas ang inyong komunidad. Ang pakikipagkaibigan sa mga hindi natin kapareho ng relihiyon ay lumilikha ng hindi masisirang pagkakaisa na nakalulugod sa Diyos, sapagkat tayong “lahat ay iisa kay Jesucristo” (tingnan sa Galacia 3:28).