2023
Paglilingkod nang May Pagpapakumbaba
Pebrero 2023


“Paglilingkod nang May Pagpapakumbaba,” Liahona, Peb. 2023.

Mga Alituntunin ng Ministering

Paglilingkod nang May Pagpapakumbaba

Ang pagkakaroon ng higit na pagpapakumbaba ay magpapahusay sa ating kakayahang maglingkod na tulad ng ginawa ng Tagapagligtas.

si Juan na binibinyagan si Jesus

John Baptizing Jesus [Si Juan na Binibinyagan si Jesus], ni Harry Anderson

Si Juan Bautista ay Isang Halimbawa ng Pagpapakumbaba

Nakaranas si Juan Bautista ng malaking tagumpay sa kanyang ministeryo. Mas naipaunawa niya sa marami ang katotohanan. Pero naunawaan ni Juan na ang pangunahin niyang tungkulin ay ihanda ang mga tao na mabago ng Tagapagligtas. Alam ni Juan na si Jesus ay “kailangang tumaas, ngunit ako’y kailangang bumaba” (Juan 3:30). Nakilala niya kung sino ang karapat-dapat sa papuri at kaluwalhatian. Alam niya kung saan nagmula ang kapangyarihang gumawa ng kabutihan. Maaaring masyadong nakatuon ang iba sa lahat ng kabutihang ginagawa nila, pero ipinakita ni Juan ang katangian ng pagpapakumbaba na tulad ng kay Cristo.

Nang puntahan ni Jesus si Juan at hilingin na binyagan siya, gulat na tumugon nang may pagpapakumbaba si Juan sa kahilingan: “Ako ang dapat mong bautismuhan, at ikaw pa ang lumalapit sa akin?” (Mateo 3:14). At muling nagpakita ng pagpapakumbaba si Juan sa pagsunod sa tagubilin ng Tagapagligtas at paggawa ng ipinagagawa Niya.

Dahil sa kanyang pagpapakumbaba, naihanda ni Juan ang daan para lumapit ang marami kay Jesucristo.

matandang lalaking nagdarasal

Pagsasanay na Magpakumbaba sa Paglilingkod

Ang pagsisikap na matutong magpakumbaba ay tutulong sa ating mga pagsisikap na maglingkod sa isa’t isa.

1. Kailangan ang pagpapakumbaba para tumanggap ng tungkuling maglingkod mula sa mga tinawag na mamuno sa atin (tingnan sa 1 Pedro 5:1–6; Filipos 2:8). Tinutulungan tayo ng pagpapakumbaba na sumulong nang may pananampalataya na pagpapalain ng Panginoon ang ating mga pagsisikap (tingnan sa Eter 12:27; Doktrina at mga Tipan 1:28).

2. Kailangan ang pagpapakumbaba para humingi ng patnubay at sumunod sa mga pahiwatig. Dahil sa pagpapakumbaba ay mas madali tayong turuan at mas bukas sa mga pahiwatig ng Espiritu. (Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 112:10.) Ang mapagpakumbabang puso ay mas handang tumanggap ng inspirasyon at mas malambot at puno ng habag. Tutulungan tayo ng pagtanggap ng inspirasyon na maglingkod sa paraang pinakamainam para sa mga pinaglilingkuran natin.

3. Kailangan ang pagpapakumbaba para mapakisamahan at mapaglingkuran ang isang taong naiiba sa atin (tingnan sa Mga Taga Roma 12:3–5; Filipos 2:1–3). Anuman ang mga pagkakaiba, ang pagsisikap na maunawaan kung paano tayo magkakatulad ay makakatulong sa atin na makipag-ugnayan nang mas maayos sa iba. Ang pagsasanay sa sining ng pakikinig na mabuti ay makakatulong sa atin na maunawaan sila, matuto mula sa kanila, at malaman kung paano natin sila matutulungan. Ang pagtatanong sa ating sarili ng “Ano ang higit na makakatulong sa akin kung ako ang nasa lugar nila?” ay maaaring magbigay sa atin ng mga ideya.

4. Kailangan ng pagpapakumbaba para mapansin na natututo at lumalago pa rin tayo nang sama-sama. Maaari nating pagpasensyahan ang iba at umasa na pagpapasensyahan nila tayo. (Tingnan sa Mga Taga Colosas 3:12–13.) Ang paghingi ng feedback sa mga paraan na maaari tayong maging mas mahusay ay nangangailangan ng pagpapakumbaba.

5. Sa tumatanggap ng paglilingkod, hindi palaging madaling tumanggap ng tulong. Natural na nais nating madama na kaya nating haraping mag-isa ang mga problema. Gayunman, ang pagtanggap sa paglilingkod ng iba ay isang paraan ng pagpapatibay ng mga pagkakaibigan, dahil ang paglilingkod sa iba ay nagtataguyod ng pagmamahal sa pagitan natin. Ang pagpayag na paglingkuran tayo ng iba ay nangangailangan ng malambot at mapagpakumbabang puso na dapat nating pagsikapang lahat na makamtan. (Tingnan sa 1 Pedro 3:8–9.)

babaeng nagbabasa ng mga banal na kasulatan

Pagkakaroon ng Pagpapakumbaba

Habang nakikilala natin ang Tagapagligtas, mas malalaman natin kung ano ang gagawin Niya para maglingkod kung Siya ang nasa ating lugar. Paano tayo magkakaroon ng katangian ng pagpapakumbaba na tulad ng kay Cristo?

  1. Maaari nating ipag-ayuno at ipagdasal na maging mapagpakumbaba tayo (tingnan sa Helaman 3:35; Mga Awit 35:13).

  2. Maaari nating alalahanin at pasalamatan ang nagawa Niya para sa atin (tingnan sa Mosias 4:11).

  3. Makikita natin ang ating pag-asa sa Kanya (tingnan sa Mosias 2:23–25; Eter 12:27).

  4. Maaari tayong magsisi (tingnan sa Alma 5:26–29).

  5. Madaragdagan ang ating pagpapakumbaba kapag inanyayahan natin ang Espiritu sa ating buhay (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 11:12).