“Resources para sa mga Kabataan at Bata,” Liahona, Peb. 2023.
Mga Pangunahing Aral ng Ebanghelyo
Resources para sa mga Kabataan at Bata
Ang mga magulang ang may pangunahing responsibilidad sa pagtuturo sa kanilang mga anak tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may mga organisasyon, programa, at iba pang resources para tulungan ang mga magulang sa kanilang mga pagsisikap. Magkasama, matutulungan ng mga magulang, lider ng Simbahan, at kaibigan ay ang lahat ng mga bata at tinedyer na lumapit kay Cristo.
Primary
Ang Primary ay isang organisasyon ng Simbahan, para sa mga batang edad 18 buwan hanggang 11 taon. Sa Primary, natututo ang mga bata tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo sa pamamagitan ng mga lesson, musika, at aktibidad. Maipadarama ng Primary sa mga bata ang pagmamahal ng Diyos para sa kanila.
Mga Aaronic Priesthood Quorum at mga Young Women Class
Sa Enero ng taon na magiging 12 anyos ang mga bata, mula sa Primary ay lilipat sila sa mga korum ng Aaronic Priesthood (para sa mga lalaki) o kaya’y sa mga klase ng Young Women (para sa mga babae). Sa kanilang mga korum at klase, patuloy na pinalalakas ng mga kabataan ang kanilang patotoo at pinaglilingkuran ang iba.
Programang Mga Bata at Kabataan
Sa Kanyang kabataan, si Jesucristo ay “lumago … sa karunungan, sa pangangatawan, at naging kalugud-lugod sa Diyos at sa mga tao” (Lucas 2:52). Tinutulungan ng programang Mga Bata at Kabataan ang mga bata pang miyembro ng Simbahan na sundan ang halimbawa ni Cristo. Natututo at lumalago sila sa lahat ng aspeto ng kanilang buhay—sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal.
Mga Magasin ng Simbahan
Ang magasing Kaibigan ang magasin ng Simbahan para sa mga bata. Para sa Lakas ng mga Kabataan ang magasin para sa mga kabataan. Ang mga magasing ito ay may mga kuwento, turo, at aktibidad na partikular na isinulat para sa mga bata at tinedyer.
Gabay na Aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan
Itinuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan: Gabay sa Pagpili sa mga kabataan ang tungkol sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Itinuturo nito sa kanila kung paano gumawa ng mga desisyon na tutulong sa kanila na masundan si Jesucristo. Kabilang din dito ang mga sagot sa mga tanong na maaaring mayroon ang mga kabataan kung paano ipamuhay ang ebanghelyo.
Gospel Library
Maraming digital resources sa Gospel Library, kabilang na ang mga video, musika, kuwento sa mga banal na kasulatan, at aktibidad. Kabilang din dito ang resources para tulungan ang mga magulang at lider na ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Ang resources na ito ay matatagpuan sa Gospel Library sa ChurchofJesusChrist.org at sa Gospel Library app.
Mga FSY Conference
Simula sa taon na mag-14 anyos sila, inaanyayahan ang mga kabataan na dumalo sa mga For the Strength of Youth (FSY) conference. Kabilang sa mga kaganapang ito ang mga aktibidad at klase na nagpapalakas sa pananampalataya kay Jesucristo at nagpapalago sa mga kabataan sa espirituwal, pakikipagkapwa, pisikal, at intelektuwal na aspeto.