Digital Lamang
Unahin ang Unang Utos
Iniutos sa atin ng Diyos na ibigin Siya dahil alam Niya kung ano ang magagawa nito para sa atin.
Ang bawat isa sa tatlong sinoptikong Ebanghelyo—Mateo, Marcos, at Lucas—ay nagsasaad ng isang tanong na ibinigay kay Jesus tungkol sa pinakadakilang utos sa batas. Sa Mateo, ang nagtatanong ay isang abogado na hindi malinis ang motibo na tinutukso ang Panginoon (tingnan sa Mateo 22:35–36). Sa Marcos, ang nagtatanong ay isang eskriba, ngunit tila taos-puso niyang gustong malaman ang sagot (tingnan sa Marcos 12:28–34). Sa Lucas, babalik tayo sa “isang dalubhasa sa kautusan [na] tumindig upang si Jesus ay subukin” (Lucas 10:25).
Sa kabila ng aking propesyonal na kaalaman sa batas, mahirap para sa akin na ipagtanggol ang abogado sa salaysay na ito. Ngunit pupurihin ko siya sa pagtatanong, sa kabila ng kanyang motibo, dahil napakaganda at napakalalim ng sagot ng Tagapagligtas. Kailangan ko rin siyang pasalamatan para sa kanyang kasunod na tanong—“At sino ang aking kapwa?” (Lucas 10:29)—na humantong sa nakaaantig na talinghaga tungkol sa mabuting Samaritano (tingnan sa Lucas 10:30–37). Higit pa sa nais ng abogado ang nakuha niya, ngunit nakatanggap tayo ng isang bagay na walang kasinghalaga.
Ang salaysay ni Mateo tungkol sa sagot ni Jesus ay pamilyar sa inyong lahat:
“Guro, alin ba ang dakilang utos sa kautusan?
“At sinabi [ni Jesus] sa kanya, Ibigin mo ang Panginoon mong Diyos nang buong puso mo, at nang buong kaluluwa mo, at nang buong pag-iisip mo.
“Ito ang dakila at unang utos.
“At ang pangalawa ay katulad nito, Ibigin mo ang iyong kapwa na gaya ng iyong sarili.
“Sa dalawang utos na ito nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta” (Mateo 22:36–40).
Sa pag-ibig sa Diyos nang buong puso, kaluluwa, at pag-iisip, idinagdag nina Marcos at Lucas ang “at nang buong lakas mo” (Marcos 12:30; Lucas 10:27).
Hinihiling ko sa inyo na pag-isipan ang karingalan ng dalawang dakilang utos kung saan “nakasalig ang buong kautusan at ang mga propeta” at kung bakit una ang unang utos. Ano ang kahalagahan ng pagkakasunud-sunod na iyon para sa atin?
Ang pangalawang utos ay isang maliwanag na gabay para sa pakikipag-ugnayan ng tao. Isipin kung ano ang mangyayari sa mundo kung tinanggap at sinunod ng lahat ang pangalawang utos. Isipin kung ano ang hindi mangyayari. Bukod sa iba pang mga bagay, walang marahas na krimen, walang pang-aabuso, walang pandaraya, walang pang-uusig o pang-aapi, walang tsismis, at tiyak na walang digmaan. Ang pangalawang utos ay talagang natutulad sa Ginintuang Aral: “Kaya, anumang bagay na ibig ninyong gawin sa inyo ng mga tao, gayon ang gawin ninyo sa kanila; sapagkat ito ang kautusan at ang mga propeta” (Mateo 7:12; tingnan din sa Lucas 6:31; 3 Nephi 14:12). Bilang mga disipulo, dapat sikapin nating ipamuhay ang pangalawang utos na ito sa pamamagitan ng pagtulong nang may pag-ibig at pakikiramay sa mga tinutukoy ng Panginoon na ating kapwa—ibig sabihin, ang lahat.
Upang masuportahan ang mga “kautusan at ang mga propeta”—ang lupon na iyon ng katotohanan at mga utos na itinatag ng Diyos at itinuro ng mga propeta—kapwa ang una at pangalawang utos ay kailangan, at magkasabay na ipinamumuhay. Ngunit bakit ang unang utos ang pangunahing prayoridad? May tatlong dahilan na pumapasok sa aking isipan.
Ang una ay ang pangunahing katangian ng unang utos na ito. Bagama’t kahanga-hanga at mahalaga ang pangalawang utos, hindi ito nagbibigay ng kinakailangang pundasyon para sa ating buhay, at hindi rin ito nilayon na maging gayon. Ang pagsunod sa pangalawang utos ay nakatutulong sa atin na maging mabubuting tao, ngunit para saan? Ano ang saysay ng ating buhay? Para sa layunin, direksyon, at kahulugan, dapat tayong bumaling sa una at dakilang utos.
Ang pag-una sa unang utos ay hindi nakababawas o naglilimita sa ating kakayahan na sundin ang pangalawang utos. Bagkus, pinag-iibayo at pinalalakas nito iyon. Nangangahulugan ito na nadaragdagan ang ating pag-ibig sa pamamagitan ng pagsasalig nito sa banal na layunin at kapangyarihan. Nangangahulugan ito na mapapasaatin ang Espiritu Santo upang bigyang-inspirasyon tayo kung paano tumulong sa mga paraang hindi natin kailanman maiisip nang mag-isa. Ang ating pag-ibig sa Diyos ay nagpapaibayo sa ating kakayahang ibigin ang iba nang mas lubusan at ganap dahil kung susumahin ay katuwang tayo ng Diyos sa pangangalaga sa Kanyang mga anak.
Pangalawa, ang pagbalewala sa unang utos, o pagbaligtad ng pagkakasunud-sunod ng una at pangalawang utos, ay maaaring humantong sa pagkawala ng balanse sa buhay at mga nakapipinsalang paglihis mula sa landas ng kaligayahan at katotohanan. Ang pag-ibig sa Diyos at pagpapasakop sa Kanya ay nagbibigay ng proteksyon laban sa ating tendensiyang dungisan ang mabubuting katangian sa pamamagitan ng pagtulak sa mga ito sa sukdulan. Ang pagkahabag sa pighati ng ating kapwa, halimbawa, kahit na ang pagdurusa ay bunga ng sarili niyang paglabag, ay marangal at mabuti. Ngunit ang walang limitasyon na pagkahabag ay maaaring umakay sa atin, tulad ng anak ni Alma na si Corianton, na pagdudahan ang katarungan ng Diyos at magkaroon ng maling pagkaintindi sa Kanyang awa (tingnan sa Alma 42:1).
May mga tao, halimbawa, na naniniwalang ang pag-ibig sa kapwa ay nangangahulugang dapat nating baluktutin o balewalain ang mga batas ng Diyos sa isang paraan o mga paraang naghihikayat o kumukunsinti sa kasalanan. Tinalakay ni Elder Jeffrey R. Holland ang maling pagkaunawang ito nang itinuro niya:
“Kaya’t kung pag-ibig ang magiging sawikain natin, dahil iyon ang nararapat, na sinabi Niya na simbolo ng pag-ibig, kailangan nating talikuran ang paglabag at anumang pahiwatig ng pagtangkilik dito. … Malinaw na naunawaan ni Jesus ang tila nalilimutan ng marami sa ating makabagong kultura: na may malaking pagkakaiba ang utos na patawarin ang kasalanan (na kaya Niyang gawin nang walang katapusan) at ang babala laban sa pagkunsinti [r]ito (na ni minsa’y hindi Niya ginawa).”1
Tulad ng ipinaliwanag ni Alma kay Corianton, kailangan natin kapwa ng katarungan at awa, at magkakaroon tayo ng dalawang ito sa pamamagitan lamang ng pag-ibig ng Diyos sa paghahandog ng Kanyang Anak at sa kaloob ng Kanyang Anak na pagsisisi (tingnan sa Alma 42:13–15, 22–24).
Pangatlo, dapat unahin ang unang utos dahil ang mga pagtatangkang umibig na hindi nakasalig sa mga katotohanan ng Diyos ay maaaring magdulot ng panganib sa tao o mga taong sinisikap nating tulungan. Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson:
“Dahil walang katapusan at sakdal ang pagmamahal sa atin ng Ama at ng Anak at dahil alam Nila na hindi natin nakikita ang lahat ng nakikita Nila, binigyan Nila tayo ng mga batas na gagabay at poprotekta sa atin.
“May matibay na kaugnayan sa pagitan ng pagmamahal ng Diyos at ng Kanyang mga batas.”2
Iyon ang tatlong dahilan kung bakit una ang unang utos, ngunit marahil ay dapat nating ilista ang isa pang bagay na talaga namang sapat na kahit wala ang iba: una ang unang utos dahil inuna ito ng Diyos.
Ang una at dakilang utos ay nagbibigay ng tunay na huwaran para sa buhay. Minsang sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson:
“Kapag inuna natin ang Diyos, lahat ng iba pang bagay ay nalalagay sa tamang lugar o naglalaho sa ating buhay. Ang pagmamahal natin sa Panginoon ang magiging batayan ng mga bagay na ating kinagigiliwan, ng ating panahon, ng mga hangaring ating inaasam, at ng pagkakasunud-sunod ng ating mga prayoridad.”3
Ang Pag-ibig ng Diyos para sa Atin: Nagbibigay sa Atin ng “Isang Pribilehiyong Umunlad na Katulad Niya”
Ang Diyos, na nag-uutos sa atin na ibigin Siya, ang unang umibig sa atin (tingnan sa 1 Juan 4:19). Isipin sandali kung ano ang kahulugan ng pag-ibig ng Diyos para sa inyo at sa akin hanggang sa puntong ito ng ating buhay at kung ano ang ipinapahiwatig nito. Bago pa man tayo maging espiritu, nabuhay na tayo bilang hindi pa nalilikhang katalinuhan o mga katalinuhan. Bumaba ang Diyos sa gitna ng mga katalinuhan at gumawa ng plano upang tayo ay makasulong. Sinabi ni Propetang Joseph Smith:
“Ang Diyos mismo, nang makitang naliligiran siya ng mga espiritu [o mga katalinuhan] at kaluwalhatian, at dahil Siya ay mas matalino, ay nakita na wastong magtatag ng mga batas na nagbibigay sa iba ng pribilehiyong umunlad na katulad niya.”4
Tulad ng alam ninyo, ang Kanyang plano ay sumasaklaw sa ating pagiging Kanyang mga espiritung anak, na isang maluwalhating hakbang pasulong, ang ating “unang kalagayan” (Abraham 3:26). Pagkatapos ay itinatag Niya ang landas kung saan maaari tayong magkaroon ng pisikal na idaragdag sa espirituwal—ang “ikalawang kalagayan” (Abraham 3:26)—na mahalaga sa pagtatamo ng kabuuan ng pagkatao at kaluwalhatian na tinatamasa mismo ng Diyos. Kinailangan dito ang paglikha ng isang mundo bilang lugar ng “pagsubok na kalagayan” (Alma 12:24), isang espirituwal at isang pisikal na kamatayan, at isang Tagapagligtas upang tayo ay matubos at mabuhay na mag-uli. Sa lahat ng ito, binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang pumili at naghanda Siya ng mas malalaki at maliliit na resulta at pagpapala ayon sa maaari nating piliin.
Samakatwid, simula sa ating pangunahing kalagayan bilang mga katalinuhan, isinentro na ng ating Ama sa Langit ang Kanyang sarili at ang Kanyang gawain sa atin—sa ating kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. Itinuturing Niya na Kanyang gawain at kaluwalhatian ang paggawa nito (tingnan sa Moises 1:39). Hindi ako naniniwala na kailangan Niyang gawin ang alinman dito, kaya bakit Niya ito ginawa para sa atin? Ano ang Kanyang motibasyon? Ito ba ay iba pang bagay maliban sa pag-ibig? Malinaw na katibayan nito ang pagkakaloob ng Kanyang Anak:
“Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sanlibutan na ibinigay niya ang kanyang tanging Anak, upang ang sinumang sa kanya’y sumampalataya ay huwag mapahamak kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Masyado bang mabigat na kahilingan na bilang kapalit ay isentro natin ang ating buhay sa Diyos at ibigin natin Siya tulad ng pag-ibig Niya sa atin, nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas? Paano natin mapaglalabanan ang Kanyang pag-ibig sa atin at maipagkakait ang sarili nating pag-ibig sa Kanya batid na ang ating pag-ibig sa Diyos ang susi sa sarili nating kaligayahan?
Ang Ating Pag-ibig sa Diyos: Ang Halimbawa ng Tagapagligtas
Kung iniibig natin ang Diyos nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas, ang magiging pokus natin sa buhay ay ang pagtupad ng Kanyang mga hangarin. Walang sinuman, siyempre, ang nakagawa niyon nang mas lubusan at ganap kaysa sa ating huwaran na si Jesucristo na minsang nagwika, “Hindi … ako pinabayaang nag-iisa [ng Ama]; sapagkat lagi kong ginagawa ang mga bagay na nakakalugod sa kanya” (Juan 8:29). Ang Kanyang pinakamataas na prayoridad ay luwalhatiin ang Ama.
Ang pinakamataas na prayoridad na iyon, ang pinakamataas na katapatang iyon, ang nagbigay-kakayahan kay Jesus na matapos ang Kanyang Pagbabayad-sala, na inumin ang pinakamapait sa lahat ng mapait na saro hanggang sa huling patak. Sa pinakadakila (at literal na hindi pantao) na sakripisyong ito, ang kasidhian ng pagdurusa ng Tagapagligtas ay “dahilan upang ang aking sarili,” wika Niya, “maging ang Diyos, ang pinakamakapangyarihan sa lahat, na manginig dahil sa sakit, at labasan ng dugo sa bawat pinakamaliit na butas ng balat, at magdusa kapwa sa katawan at sa espiritu—[at] nagnais na kung maaari ay hindi ko lagukin ang mapait na saro at manliit” (Doktrina at mga Tipan 19:18). Gayunpaman, ang Kanyang pag-ibig para sa at hangaring papurihan ang Ama ay mas nakalalamang kaysa sa di-maunawaang pagdurusa. Sinabi mismo ng Panginoon, “Gayon pa man, ang kaluwalhatian ay mapasa Ama, at ininom ko at tinapos ang aking paghahanda para sa mga anak ng tao” (Doktrina at mga Tipan 19:19; idinagdag ang diin).
Habang nakapako si Cristo sa krus, ang ating kapalaran, ang ating kawalang-kamatayan, at ang ating buhay na walang hanggan ay nasa bingit, at ang bagay na gumawa ng kaibahan upang pumabor sa atin ang pagpapasiya kung magkakaroon ng saysay ang ating buhay ay ang pag-ibig ni Jesucristo sa Ama nang Kanyang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas.
Sa gayon, nakikita natin kay Cristo ang ating huwaran: katapatan sa Diyos higit sa ano pa man at sa sino pa man; kamalayan tungkol sa ating pananagutan sa Kanya, sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay; at hangaring malaman at gawin ang Kanyang kalooban. Narito ang ating gabay sa paggawa ng mga desisyon. Kapag una nating minahal ang Diyos, makikita natin ang mundo at ang ating buhay kung paano Niya ito nakikita sa halip na kung paano ito nakikita ng sinumang tao (maging ng isang sikat na tao sa social media).
Paano nga ba uunahin ang unang utos? Hindi ko maililista ang lahat ng bagay na nakapaloob sa pag-ibig sa Diyos higit sa ano pa man, ngunit gusto kong maglarawan ng ilang halimbawa.
Pag-una sa Unang Utos: “[Tuparin] ang Aking mga Utos”
Tiyak na ang isa sa pangunahing aspeto ng pagsunod sa unang utos ay ang mahigpit na pagsunod sa Diyos. Tulad ng sinabi ng Tagapagligtas, “Kung ako’y inyong minamahal ay tutuparin ninyo ang aking mga utos” (Juan 14:15; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 42:29). Si Jesus ay nakatuon sa pagsunod sa bawat isa at sa lahat ng utos ng Kanyang Ama at ipinakita Niya sa atin kung ano ang ibig sabihin ng pagsunod sa Diyos sa tunay na buhay.
Minsang nagsalita ang isang mabuting kaibigan ko tungkol sa tila inklinasyon nating lahat na mangatwiran pagdating sa mga utos ng Diyos. Napansin niya, halimbawa, batay sa kanyang mga obserbasyon at sa sarili niyang karanasan, na ang tanong na nag-uumpisa sa “Talaga bang may pakialam ang Panginoon kung ako … ?” ay palaging sasagutin ng “Hindi.” Ito ay isang madaling paraan upang mapangatwiranan ang halos lahat ng bagay, kung makukumbinsi natin ang ating sarili na tiyak na walang pakialam ang Panginoon sa isang bagay na ipinapalagay nating maliit lamang. Ngunit sabi ng kaibigan ko ay mali ang tanong na ito. Hindi ito tungkol sa kung may pakialam ang Panginoon kundi kung gagawin natin ang ipinangako natin. Ang tanong dapat ay “Anong tanda ang ibibigay ko sa Diyos tungkol sa aking pag-ibig sa Kanya?” o “Ano ang ibig sabihin ng sundin ang Kanyang mga kautusan at tipan nang may kahustuhan at karangalan?”
Siyempre, ang isa sa pinakamahahalagang aspeto ng pagsunod sa unang utos ay ang pagsunod sa pangalawang utos na ibigin ang ating mga kapatid. Tulad ng sinabi ni Juan, “Kung sinasabi ng sinuman, Iniibig ko ang Diyos, at napopoot sa kanyang kapatid, siya ay sinungaling; sapagkat ang hindi umiibig sa kanyang kapatid na kanyang nakikita, ay hindi maaaring umibig sa Diyos na hindi niya nakita.” (1 Juan 4:20). At pamilyar tayo sa sinabi ng Panginoon, “Sa pamamagitan nito ay makikilala ng lahat ng mga tao na kayo ay aking mga alagad, kung kayo’y may pag-ibig sa isa’t isa” (Juan 13:35).
Pag-una sa Unang Utos: “Pakainin Mo ang Aking mga Tupa”
Malapit na nauugnay sa mahigpit na pagsunod sa mga utos ng Diyos ang paglilingkod sa Kanya at sa Kanyang adhikain. Kay Pedro, at sa atin, ibinabato ng Panginoon ang Kanyang tanong na tatlong beses inulit: “Minamahal mo ba ako?” (Juan 21:15–17). At, tulad ni Pedro, ang sagot natin dapat ay “Oo, higit pa sa aking propesyon o sa ano pa man o sa sino pa man.” At maririnig ng bawat isa sa atin ang tinig ng Pastol: “Pakainin mo ang aking mga kordero” (Juan 21:15); “pakainin mo ang aking mga tupa” (Juan 21:16–17).5
May kumpiyansa ako na ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay nalulugod sa kabaitan ng bawat isa sa inyo, gaano man tila kalimitado o kawalang-kabuluhan ang mga ito sa malawak na mundo ng pangangailangan. Ang bawat paggawa at ang bawat handog ay mahalaga. May kumpiyansa rin ako na nalulugod Sila sa ginagawa natin nang sama-sama bilang Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at kasama ang iba pa. Bilang isang halimbawa, ang pagtulong upang maibsan ang pagdurusang dulot ng kasalukuyang digmaan laban sa Ukraine ay tunay na katulad ng kay Cristo. Palagi nating sinisikap na magtuon sa kasalukuyang pangangailangan at huwag hayaang malaman ng kanang kamay kung ano ang ginagawa ng kaliwang kamay, ngunit umaasa ako na bilang isang Simbahan ay makapagbigay tayo ng mga mas kumpletong salaysay sa hinaharap nang malaman ninyo ang iba pa tungkol sa ginagawa ninyo bilang bahagi ng katawan ni Cristo upang mapakain ang Kanyang mga tupa.
Ang ibig sabihin din ng pagsunod sa unang utos ay pagsusulong ng adhikain ng Panginoon sa lupa, na pagtulong na isakatuparan ang buhay na walang hanggan ng mga anak ng ating Ama. Wala akong maisip na mas mabuting halimbawa kaysa sa paglilingkod bilang missionary na ginawa o gagawin ng marami sa inyo. Ninanais namin na nasa Labindalawa ang bawat pagkakataon na mayroon kami na makasama ang mga missionary dahil sa nagpapasigla at nagpapanibagong espiritu na nadarama namin kasama ang mga lubos na nakikibahagi sa pagpapakain ng mga tupa at kordero ng Diyos.
Sa ating panahon, ang pagtitipon ng mga pinagtipanang tao ng Diyos sa lupa at sa daigdig ng mga espiritu, tulad ng binigyang-diin ni Pangulong Russell M. Nelson, ay mahalagang bahagi ng kahulugan para sa atin ng sundin ang una at dakilang utos.
Pag-una sa Unang Utos: Manawagan sa Kanya; Magpakabusog sa Kanyang mga Salita
Ang isa pang paraan na inuuna natin ang unang utos ay halatang-halata. Ito ay ang manawagan sa Diyos sa panalangin at magpakabusog sa Kanyang salita para sa pang-unawa at direksyon. Gusto nating malaman at gawin kung ano ang nais Niya. Gusto nating malaman kung ano ang alam Niya. Gusto nating matutuhan ang lahat ng ituturo Niya sa atin bilang Kanyang mga disipulo. Gusto natin ng personal na paghahayag.
Hinikayat tayo ni Amulek na magsumamo sa Diyos sa pangalan ni Cristo para sa awa, na magsumamo para sa ating sambahayan, at magsumamo para sa ating mga bukirin at kawan. Hinikayat Niya tayong magsumamo sa Diyos laban sa kapangyarihan ng ating mga kaaway at sa impluwensya ng diyablo. “At kung hindi kayo nagsusumamo sa Panginoon, hayaan na ang inyong mga puso ay mapuspos, patuloy na lumalapit sa panalangin sa kanya para sa inyong kapakanan, at para rin sa kapakanan nila na nasa paligid ninyo” (Alma 34:27).6
Sinabihan tayo ni Nephi na “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo; sapagkat masdan, ang mga salita ni Cristo ang magsasabi sa inyo ng lahat ng bagay na dapat ninyong gawin” (2 Nephi 32:3). Isang kahanga-hangang kaloob sa ating panahon ang magkaroon ng napakaraming nasusulat na salita ng Diyos na madali lamang nating makukuha—palaging magagamit ng bawat isa sa atin—pati na rin ng kasalukuyang turo ng mga propeta at apostol na inilalathala sa iba’t ibang format at wika. Hindi ito katulad ng anumang panahon sa kasaysayan ng mundo. Itanong sa inyong sarili, Ano ang nilalayon ng Diyos dito?
Gustung-gusto ko ang panalangin. Mahal ko ang mga banal na kasulatan. Gusto ko ang lahat ng liwanag at kaalaman na handang ibigay sa akin ng aking Ama sa Langit. Alam ko na Siya ay walang kinikilingan na mga tao at ibibigay Niya sa inyo at sa akin ang lahat ng ihahanda natin ang ating sarili na matanggap. Ibigin ang Diyos nang sobra-sobra na maghahangad kayo ng palagiang pakikipag-ugnayan sa Kanya sa paraang inorden Niya. At alalahanin ang halimbawa ni Pangulong Nelson—itala ang natatanggap ninyo sa pamamagitan ng Banal na Espiritu at kumilos nang naaayon dito.
Pag-una sa Unang Utos: Pananagutan sa Diyos
Hayaan ninyong banggitin ko ang isa pang paraan upang mapanatili nating una ang unang utos sa ating buhay. Ito ay ang mamuhay nang may pananagutan sa Diyos—pananagutan sa direksyon ng ating buhay at sa bawat araw ng ating buhay. Ang ibig sabihin nito ay paglaban at pagdaig sa tukso, pagsisisi at pagpapatawad, paglaban sa kasakiman, pagtataglay sa ating sarili ng pangalan ni Cristo, at pagkakaroon ng katangian ni Cristo. Ang ibig sabihin nito ay pagbabantay maging sa ating mga iniisip at sinasabi gayundin sa ating mga ikinikilos (tingnan sa Mosias 4:30 at Alma 12:14). Ang ibig sabihin nito ay pagbibigay-daan sa “panghihikayat ng Banal na Espiritu” at pagiging “tulad ng isang bata, masunurin, maamo, mapagpakumbaba, mapagtiis, puno ng pag-ibig, nakahandang pasakop sa lahat ng bagay na nakita ng Panginoon na angkop na ipabata sa kanya, maging katulad ng isang batang napasasakop sa kanyang ama” (Mosias 3:19).
Hindi ito isang pabigat o pasanin na uri ng pananagutan. Sa halip, ito ay pagkilala sa isang matalino, interesado, at mapagmalasakit na Ama na nakaaalam ng landas tungo sa tagumpay at sukdulang kagalakan. Ito ay pagkilala na nagbigay Siya ng oportunidad para sa atin na hindi natin kayang gawin para sa ating sarili—at hindi natin makakamtan kung wala ang Kanyang tulong. Ito ay ang “mabuhay na nagpapasalamat araw-araw, sa maraming awa at pagpapalang ipinagkaloob [ng Diyos] sa [atin]” (Alma 34:38). At sa konteksto ng pananagutang ito, nadarama natin ang mabuting kaluguran ng Diyos sa atin. Nauunawaan natin na Siya ay nagagalak maging sa pinakamaliliit na pagsisikap na ginagawa natin upang ibigin Siya nang buong puso, kaluluwa, pag-iisip, at lakas. Anong higit na katiyakan at kapayapaan ang mapapasainyo kaysa sa saksi ng Banal na Espiritu sa inyong espiritu na ang inyong Ama sa Langit at ang inyong Manunubos ay nalulugod sa inyo at sa landas na tinatahak ninyo sa buhay?
Ang punto ay iniuutos sa atin ng Diyos na ibigin Siya dahil alam Niya kung ano ang magagawa nito sa atin. Iniuutos Niya sa atin na ibigin ang isa’t isa sa gayon ding dahilan. Ang pag-ibig sa Diyos ay nagpapabago sa atin. Ang pag-ibig sa Diyos ay nagpapabago sa ating pag-ibig sa isa’t isa. Ang pag-ibig na ito ay kailangan upang makilala natin Siya, ang iisang Diyos na tunay, at si Jesucristo na Kanyang isinugo (tingnan sa Juan 17:3). Ito ang susi sa ating pagiging katulad Niya.
Alam ko na ang pag-ibig ng ating Ama sa Langit sa inyo ay tunay at walang katapusan. Ito ay lubos na nakikita sa pamamagitan ng biyaya ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Binabasbasan ko kayo na mabalot kayo ng pag-ibig ng Diyos habang Siya ay inyong iniibig at sinisikap na paglingkuran. Binabasbasan ko kayo na madama ninyo ang Kanyang pag-ibig at na ito ang maging pinakamalakas na impluwensya sa inyong buhay. Alam ko at matitiyak ko sa inyo na ang inyong Ama sa Langit ay buhay, tulad ng Kanyang Anak, ang ating nabuhay na mag-uling Panginoon, at tulad ng Kanyang sugo ng biyaya, ang Banal na Espiritu. Alam ko ito at panalangin ko na lubos ninyo itong malaman.