Digital Lamang: Mga Young Adult
Hindi Patas ang Buhay—at Ayos Lang Iyon
Kapag tila hindi patas ang buhay, alalahanin na tiniis ng Tagapagligtas ang sukdulang kawalang-katarungan.
Sigurado akong nagreklamo ako sa aking mga magulang nang mga isang libong beses habang lumalaki ako na hindi patas ang isang bagay. Hindi dapat ako ang paghugasin ng mga pinggan. Hindi dapat mas marami ang gawaing-bahay na nakatoka sa akin kaysa sa mga nakababata kong kapatid.
Ang tugon ng aking mga magulang ay palaging magkapareho. Ito’y ang nagkakaisa at malakas na, “Hindi patas ang buhay!”
Ngunit tila hindi ko iyon lubos na naunawaan.
Narito ako, mahigit dalawampung taong gulang, iniisip pa rin na dapat ay patas ang buhay. Pagdating sa pamumuhay ng ebanghelyo, inasahan kong makatatanggap ako kaagad ng mga pagpapala kapalit ng pagsunod sa mga kautusan. At inakala kong ang hindi pagsunod sa mga kautusan ay palaging magdudulot ng kalungkutan at pasakit.
Nagsimulang magbago ang aking pananaw nang magpasiya ang kapatid kong babae na umalis sa Simbahan. Tila naniwala rin siya na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay dapat magdulot kaagad ng mga pagpapala. Kaya noong hindi niya nakita ang mga pagpapalang inasahan niya, nagsimula siyang mag-alinlangan sa pinaniniwalaan niya.
Dagdag pa sa kalituhang ito, pagkatapos niyang umalis sa Simbahan, ang ilan sa mga bagay na inaasam niya ay nagsimulang matupad. Talagang hindi niya nararanasan ang kalungkutang inakala kong darating kapag hindi mo pinipiling sundin si Jesucristo.
Masaya ako na masaya siya, ngunit nag-alala rin ako na baka dahil sa kanyang mapalad na kalagayan ay mas makumbinsi siya na hindi totoo ang Simbahan.
Pagdating naman sa akin, ipinamumuhay ko pa rin ang ebanghelyo, ngunit ang ilang pagpapalang hinihintay ko ay hindi pa rin dumarating. Tila hindi patas iyon.
Muli, iisa pa rin ang sagot, malinaw na malinaw higit kailanman: “Hindi patas ang buhay.” Narito ang ilang bagay na naunawaan ko tungkol doon.
Pagbabago ng Aking mga Saloobin Tungkol sa Kawalang-Katarungan
Ang mabubuti at masasamang bagay ay nangyayari sa mga taong ipinamumuhay ang ebanghelyo gayundin sa mga taong hindi ito ipinamumuhay—“pinasisikat [ng Diyos] ang kanyang araw sa masasama at sa mabubuti, at nagpapaulan sa mga matuwid at sa mga di-matuwid” (Mateo 5:45). Bahagi iyon ng buhay.
Paano naman ang mga pangako na ang pamumuhay ng ebanghelyo ay naghahatid ng mga pagpapala at kagalakan? Sinasabi sa mga banal na kasulatan na kapag sinusunod natin ang mga kautusan, tayo ay pinagpapala (tingnan sa Mosias 2:22). Ngunit maaaring hindi palaging dumarating ang mga pagpapala sa paraan o panahon na inaasahan natin. Ang pamumuhay ng ebanghelyo ay hindi garantiya na magkakaroon tayo ng mas maraming pera, higit na tagumpay, o mas kaunting pagsubok kaysa sa ibang tao. At hindi ito nangangahulugan na maaasahan natin ang mga partikular na temporal na pagpapala mula sa Diyos bilang “kabayaran” para sa pagiging matwid.1
Pero may ilang pagpapalang maaari nating asahan kapag sinusunod natin ang mga kautusan. Pinangakuan tayo na sa tuwina ay mapapasaatin ang Espiritu upang makasama natin (tingnan sa Moroni 4:3). At kapag bumaling tayo sa Panginoon nang may pananampalataya, bibigyan tayo ng lakas na harapin ang mga pagsubok na hindi maiiwasang dumating.2
Pinangakuan tayo ng tunay na kagalakan at kapayapaan (ang uri na hindi nakasalalay sa ating sitwasyon).3 At pinangakuan din tayo ng pinakadakilang kaloob sa lahat—ang buhay na walang hanggan. Tulad ng sinabi ni Elder Dale G. Renlund ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang inyong pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo ay gagantimpalaan nang higit pa sa inaakala ninyo.”4
Nang baguhin ko ang aking pang-unawa tungkol sa pagiging makatarungan, kinailangan kong magpasiya kung bakit ko pinipiling ipamuhay ang ebanghelyo. Ipinamumuhay ko ba ito dahil inaasahan kong pagpapalain ako ng Diyos, o dahil sa iba pa?
Napagtanto ko na ang pinakamahalagang motibasyon para sa akin ay ang aking pagmamahal sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Nadaig ng Tagapagligtas ang Lahat ng Kawalang-Katarungan
Sa Kanyang pagmamahal at awa, binayaran ng walang-kasalanang Tagapagligtas ang sukdulang hindi makatarungang halaga, naghahandog ng walang-hanggang kagalakan sa hindi perpektong tulad ko. Sinabi ni Elder Renlund: “Walang maihahambing sa kawalang-katarungang tiniis Niya. … Ngunit pinili Niyang gawin ito dahil sa pagmamahal Niya sa atin at sa Ama sa Langit.”5 Ang kaligtasan ay isang kaloob na hindi karapat-dapat para sa atin at hindi natin mapagsisikapan. Ngunit inihahandog ito ng Tagapagligtas sa lahat kung pipiliin nating bumaling sa Kanya.
Itinuro rin ni Elder Renlund:
“Sa mga kawalang-hanggan, lulutasin ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang lahat ng kawalang-katarungan. …
“… Dahil sa Kanya, maaari tayong magkaroon ng kapayapaan sa mundong ito at magalak. Kung hahayaan natin Siya, ilalaan ni Jesucristo ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan [tingnan sa 2 Nephi 2:2]. Hindi lamang Niya tayo aaluin at ibabalik ang nawala [tingnan sa Job 42:10, 12–13; Jacob 3:1]; gagamitin Niya ang kawalang-katarungan para sa ating kapakinabangan.”6
Lubos akong nagpapasalamat para sa isang Tagapagligtas na tiniis ang sukdulang kawalang-katarungan para sa akin at sa mga mahal ko sa buhay. Hinihintay Niya tayo nang bukas ang mga bisig, inihahandog sa atin ang kaloob na buhay na walang hanggan at walang katapusang kapayapaan.