“Tungkol sa mga Trak na Dilaw at mga Kusing ng mga Balo,” Liahona, Peb. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Tungkol sa mga Trak na Dilaw at mga Kusing ng mga Balo
Ang pagbibigay ng aking anak ng kanyang mahalagang pag-aari ay nagturo sa akin ng kahalagahan ng sarili kong mga ambag sa Tagapagligtas.
Tiningnan ko ang maraming hanay ng mga itim na batong marmol na nakatayo sa nakaaantig na katahimikan sa magagandang halamanan ng Okinawa Peace Memorial Park sa Itoman, Okinawa, Japan. May nakalilok na mahigit 200,000 pangalan, ang mga batong ito ay bilang pag-alaala sa mga namatay sa Digmaan sa Okinawa noong World War II.
Habang naglalakad papunta sa parking lot sa pagtatapos ng aming pagbisita, napansin naming mag-asawa na hindi na hawak ng aming munting anak ang kanyang paboritong trak na dilaw. Nang tanungin namin siya kung nasaan iyon, hinila niya kami pabalik sa bantayog mismo. Maayos niyang nailagay ang kanyang trak sa tabi ng isang pumpon ng mga bulaklak na bigay ng iba pang mga bisita. May ningning sa mga mata at malaking ngiti, ipinakita sa amin ng aming anak ang sarili niyang ambag sa bantayog.
Habang nagmamaneho pauwi, pinagnilayan namin ang kanyang di-makasariling pasiya. Napansin ba niya ang espesyal na diwa ng lugar na iyon at pakiramdam na dapat niyang ibigay ang pinakamahalaga niyang pag-aari? Anong halaga ang puwedeng idagdag ng isang plastik na trak sa karangalan at alaala ng mga taong namatay rito?
Bumaling ang isipan ko sa nagbabayad-salang sakripisyo ng Tagapagligtas. Sa isang halamanang gayon din kaganda, isinakripisyo Niya ang Kanyang buhay para mapalaya tayo mula sa kasalanan at kamatayan at makauwi sa ating Ama sa Langit. Ano ang maaari kong ibigay sa Tagapagligtas o sa aking mga kapatid na sasapat para ipakita ang aking pasasalamat? Ano ang halaga ng mga kontribusyon ko kumpara sa Kanyang sakripisyo?
Nang gabing iyon, nabasa ko sa Ebanghelyo ayon kay Marcos ang tungkol sa babaeng nag-alay ng dalawang lepta o kusing habang mas malaki ang ibinigay ng mayayaman na nasa kanyang paligid. Naantig ang puso ko sa mga salita ng Tagapagligtas:
“Ang dukhang balong ito ay naghulog ng higit kaysa lahat [ng] naghuhulog sa kabang-yaman.
“… Sa kanyang kasalatan ay inihulog [niya] ang … kanyang buong kabuhayan” (Marcos 12:43–44).
Naniniwala ako na hindi gaanong nag-aalala ang Panginoon kung ano ang iniaambag natin at mas nag-aalala tungkol sa ating mga hangarin at katapatan. Karamihan sa maibibigay ko ay tila walang kabuluhan kumpara sa magagandang ambag ng iba na kasinglalaki ng bantayog. Pero “ang Panginoon ay tumitingin sa puso” (I Samuel 16:7), kaya ang isang simple at taos-pusong pagmamahal, pasasalamat, o paglilingkod ay maaaring malaki ang kabuluhan dahil niluluwalhati nito si Jesucristo at ang Kanyang mapagtubos na sakripisyo.
Tulad ng mga trak na dilaw at mga kusing ng mga balo.