Digital Lamang: Mga Young Adult
Mga Aral tungkol sa Kaligayahan mula sa mga Banal sa mga Banal na Kasulatan
Naghahanap tayong lahat ng kaligayahan, at maaakay tayo ng mga halimbawa ng mga Banal sa mga banal na kasulatan sa tamang direksyon.
Ang mundo ay isang malungkot na lugar kung minsan. Kapwa sa personal at pandaigdigang antas, may kapighatian, kawalang-katarungan, at pagdurusa. Dumarating ang panahon na natutuklasan nating lahat na tayo ay “[nahihirapan] habang tayo’y nabubuhay.”1
Gayunpaman, itinuturo rin sa atin na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).
Paano ito mangyayari?
Sa mga banal na kasulatan, hinangad ng mga tao mula sa lahat ng dispensasyon na itatag ang Sion at matamo ang kaligayahan na nananaig doon. At ang ilan sa kanila ay talagang naging matagumpay! Habang binabasa natin ang tungkol sa mga Banal na iyon, natututuhan natin kung saan makahahanap ng malaking kagalakan maging sa gitna ng malaking pagsubok.
Mga Tao ni Alma: Pagtupad ng mga Tipan
Sa kanilang lihim na tagpuan malapit sa mga tubig ng Mormon, “ipinalakpak [ng mga tao ni Alma] ang kanilang mga kamay sa kagalakan” (Mosias 18:11) nang malaman nila na maaari silang makapasok sa “kawan ng Diyos” (Mosias 18:8) sa pamamagitan ng tipan ng binyag. Natanggap din nila ang Espiritu Santo (Mosias 18:13), na, ayon kay Pangulong James E. Faust (1920–2007), ay “ang pinakadakilang tagapangalaga ng kapayapaan ng kalooban sa ating pabagu-bagong mundo.”2
Ang mga tao ni Alma ay nagsikap na mapanatili ang Espiritu na kasama nila habang sila ay “luma[la]kad nang matwid sa harapan ng Diyos” (Mosias 18:29). At ang pagtupad ng kanilang tipan ay napatunayang napakahalaga sa kanilang kaligayahan—nang matagpuan nila ang kanilang sarili sa pagkaalipin, iniligtas sila ng Panginoon dahil tinupad nila ang kanilang tipan: “Itaas ang inyong mga ulo … sapagkat nalalaman ko ang tipang inyong ginawa sa akin; at makikipagtipan ako sa aking mga tao at palalayain sila mula sa pagkaalipin.” (Mosias 24:13).
Malinaw na naunawaan ng mga tao ni Alma ang itinuro kamakailan ni Sister Jean B. Bingham, dating Relief Society General President: “Hungkag ang kaligayahan kung ipagpapalit natin ang mga pagpapala ng walang-hanggang kagalakan sa panandaliang kaginhawahan. … Ang susi sa nagtatagal na kaligayahan ay ang ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo at tuparin ang ating mga tipan.”3
Ang mga Nephita ng 4 Nephi: Pag-aalis ng mga Titulo
Matapos ang pagdalaw ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas, ang mga Nephita ay halos dalawang daang taon na namuhay nang nagkakasundo. “Tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16).
Ang isa sa kanilang mga estratehiya para sa kaligayahan ay pagtatatag ng pagkakapantay-pantay:
“Walang mayaman at mahirap, alipin at malaya …
“Ni nagkaroon ng mga Lamanita, ni anumang uri ng mga ‘ita’” (4 Nephi 1:3, 17).
Tila simple lamang ito, ngunit marahil ang pagtatatag ng pagkakapantay-pantay na ito ay nangailangan ng matinding pagsisikap, dahil bago ang pagdalaw ng Tagapagligtas, “ang mga tao ay nahati laban sa isa’t isa” (3 Nephi 7:2).
Ang mundo ay kadalasang nagpapataw ng mga titulong sanhi ng pagkakawatak-watak. Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson sa mga young adult kamakailan, “Natutuwa ang kaaway sa mga titulo dahil pinagwawatak-watak tayo ng mga ito at nililimitahan ang paraan ng pag-iisip natin tungkol sa ating sarili at sa isa’t isa.”4 Ang mga herarkiya na nililikha natin sa pamamagitan ng mga titulo ay hindi sa Diyos—“Inaanyayahan niya [ang] lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan” (2 Nephi 26:33).
Habang pinag-iibayo ng mga Nephita ang pagkakapantay-pantay sa kanilang mga sarili, “lubos silang pinaunlad ng Panginoon sa lupain” (4 Nephi 1:7).
Ang Lungsod ni Enoc: Nagkakaisa sa Pag-ibig
Ang lungsod ni Enoc ang tanging halimbawa sa banal na kasulatan ng buong komunidad na “dinala sa langit” (Moises 7:23). Kung ang langit ay “[pananahang] kasama ng Diyos sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Mosias 2:41), ang lungsod ni Enoc ang pinakadakilang halimbawang dapat nating tularan!
Paano nga ba nila ginawa iyon?
Sila “ay may isang puso at isang isipan” (Moises 7:18)—nakabigkis sa isa’t isa sa paghahangad ng walang-hanggang kaluwalhatian. Ang pagtutulungan na tulad niyon ay nangangailangan ng dalisay na pag-ibig ni Cristo dahil kinapapalooban ito ng pag-asa at pagsisikap para sa kadakilaan ng ibang tao—pagiging tunay na di-makasarili!
Marahil ang lungsod ni Enoc ay natuto mula kay Enoc kung paano ibigin ang mga anak ng Diyos sa ganitong paraan. Nang ipakita sa kanya “ang lahat ng ginagawa ng mga anak ng tao,” si Enoc ay “[tumingin sa] kanilang kasamaan … at nanangis … at ang kanyang puso ay lumaki gaya ng kawalang-hanggan” (Moises 7:41).
Kapag nakadarama tayo ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo para sa iba, hinihikayat natin silang sumama sa atin sa landas tungo sa kadakilaan sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesucristo. Tulad ng sinabi ni Pangulong Bonnie H. Cordon, Young Women General President: “Lumapit kay Cristo. Lumapit na ngayon, pero huwag lumapit nang nag-iisa!”5
Pagsasabuhay ng Plano ng Kaligayahan
Kahit pinadidilim ng malulungkot na bagay ang iyong kaligayahan, maaaring magningning ang isang katotohanan: hangad ng ating Manlilikha ang ating walang-hanggang kaligayahan—ang Kanyang plano ay ang plano ng kaligayahan! Narito tayo upang maging lubos na maligaya, tulad Niya.
Ngunit ang mahalagang salita ay maging. Hindi natin sinusubukang makadama lamang ng kaligayahan. Sinisikap nating maging maliligayang tao.
Mula sa mga Banal sa mga banal na kasulatan, nalaman natin na ang pagiging maligaya ay isang mithiin na nangangailangan ng pagkilos at ang pinakamahalagang gawin ay manampalataya sa Diyos at kay Jesucristo. Tulad ng nababasa natin sa mga banal na kasulatan, ang pananampalataya ay humahantong sa pagsunod sa mga kautusan ng Diyos. Ang pananampalataya ay humahantong din sa pagsisisi at kapatawaran ng ating mga kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, na nakatulong sa mga Banal na ito na maranasan ang kaligayahang tinatamasa ng Ama sa Langit at ni Jesucristo—ang kaligayahang maaari ring matamasa nating lahat.