2023
Pag-unawa Kung “Bakit?”
Pebrero 2023


“Pag-unawa Kung ‘Bakit?’” Liahona, Peb. 2023.

Mga Young Adult

Pag-unawa Kung “Bakit?”

Nang dumating sa akin ang isang matinding pagsubok, nagalit ako at ginusto kong malaman ang dahilan.

binatang nakatayo sa pampang ng lawa

Ginugugol ng ilan sa atin ang malaking bahagi ng ating buhay sa pagtatanong ng “bakit?”

“Bakit ako naparito?”

“Bakit napakarami ng ating mga kautusan?”

“Bakit tinutulutan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay?”

Sa aking misyon, maraming taong nagtanong sa akin ng ganito ring mga bagay. At palagi akong may sagot para sa kanila. Nagkaroon ako ng pananampalataya sa ebanghelyo at alam ko na anuman ang nangyari, naririyan ang Diyos para sa akin.

O kahit paano’y iyon ang inakala ko.

Noong labing-apat na buwan na ako sa aking misyon, nagising ako isang umaga na mayroong mali. Talagang hilung-hilo ako at nagsimula akong magsalita nang pautal-utal. Sa paglipas ng bawat araw, lumala iyon. Nawalan ako ng katiyakan sa buhay. Pagod na pagod ako. Hindi ko kinayang makipag-usap, magbasa ng aking mga banal na kasulatan, o mag-ehersisyo. Pati ang pananatiling gising ay parang imposible.

Hindi nagtagal ay nasa eroplano na ako at pauwi nang mas maaga kaysa sa naiplano ko. Biglang natapos ang misyon ko, at ang mga plano ko sa buhay ay hindi umaayon sa inasahan ko. Bigla kong itinanong ang tanong sa akin ng marami noong nasa misyon ako:

Bakit hinayaan ng Diyos na mangyari ito sa akin?

Kawalan ng mga Sagot

Naghanap ako ng mga sagot. Sigurado ako na babalik ako sa aking misyon dahil marami pa akong dapat gawin at matutuhan! Naging matapat ako at masunurin, kaya dapat akong mapagpala dahil doon, hindi ba? Araw-araw sinabi ko sa sarili ko na makakahanap ng lunas ang mga doktor at babalik ako. Nagdasal ako palagi. Pero sa paglipas ng panahon, na walang mga sagot, napilitan akong tanggapin na talagang tapos na ang misyon ko.

Dahil walang mga sagot, lumipas ang panahon na parang isang panaginip. Parang hindi totoo ang lahat. Para akong palaging tulog na gising. Imposible pa nga ang mga paborito kong libangan para sa akin. Parang napalayo ako sa Diyos at tinalikuran ko Siya. Sa aking pasakit naniwala ako na hindi ako makababalik sa liwanag. Kaya naging komportable ako sa kadiliman.

Pero pagkaraan ng ilang buwan ng kadiliman, isang himala ang nangyari, at nasuri ng isang doktor na mayroon akong narcolepsy na may cataplexy, na isang autoimmune disorder na sumisira sa bahagi ng utak na kumokontrol sa pagtulog at paggising.

Walang lunas ang kalagayan ko, pero kahit paano’y puwede naming lunasan ang mga sintomas ko. At ang sagot na ito ay isang sinag ng pag-asa na nagbigay-inspirasyon din sa akin na mahanap na muli ang liwanag ni Cristo sa aking buhay.

Kaya, nakadama ako ng pagpapakumbaba, at taimtim na nagdasal at muling nagtanong,

Bakit nangyari ito sa akin?

At sa aking panibagong pag-asa, sinabi sa akin ng Espiritu na alam ko na ang sagot.

Pag-aangkop ng mga Katotohanan sa Sarili Kong Buhay

Isa sa mga paborito kong talata sa banal na kasulatan ang Mga Taga Roma 8:28, “At nalalaman natin na sa lahat ng mga bagay ang Diyos ay gumagawa sa ikabubuti ng mga umiibig sa kanya.” Lahat ng bagay—pati na ang mga hamon.

Alam ko ang katotohanang ito.

Naituro ko na ito nang maraming beses sa aking misyon. Pero hindi ko ito naiangkop sa sarili kong buhay. Natanto ko na nabuo ang galit ko sa Diyos mula nang umuwi ako nang maaga mula sa aking misyon. Hindi ko pa natagpuan ang kapayapaang ipinangako Niya dahil hindi ko Siya tinulutang ibigay sa akin ang mga pagpapalang iyon.

Tulad ng sinabi ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang kagalakang nadarama natin ay halos walang kinalaman sa mga sitwasyon natin sa buhay kundi sa pinagtutuunan natin sa buhay.”1

Sa aking limitadong pananaw, nagalit ako sa Kanya at ayaw kong maging masaya hangga’t hindi umaayon ang buhay ko sa paraang gusto ko. Ngunit ipinaalala sa akin ng Ama sa Langit na may mas mataas na layunin ang aking pasakit—para magawa kong lumapit kay Cristo, magbago, at makadama ng kagalakan. Tutal, “si Adan ay nahulog upang ang tao ay maging gayon; at ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25).

Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Sa gitna ng apoy ng [tagapagdalisay] na ito, sa halip na magalit sa Diyos, maging malapit sa Diyos. Magsumamo sa Ama sa ngalan ng Anak. Lumakad na kasama Nila sa pamamagitan ng Espiritu, araw-araw. Tulutan Silang maipakita sa paglipas ng panahon ang Kanilang katapatan sa inyo. Kilalanin Silang mabuti at kilalaning mabuti ang inyong sarili. Hayaang manaig ang Diyos.”2

Nauunawaan ko na ngayon na ang pagkaalam na kasama natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo ay hindi palaging mag-aalis sa mga pagsubok sa buhay na ito. Nahihirapan pa rin ako sa aking karamdaman. Pero ang pagtitiwala at pagmamahal sa Kanila ay laging magbibigay ng kahulugan sa tila walang-kabuluhang mga pasakit at “mga bakit” na tinitiis natin. Bawat paghihirap, bawat kabiguan, bawat pasakit ay maaaring magturo sa atin ng aral na mapagmahal na itinuturo ng ating Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na si Jesucristo.

Habang patuloy ko Silang hinahanap, patuloy Nila akong tinuturuan at binibigyan ng kagalakan araw-araw.

Ang awtor ay naninirahan sa Washington, USA.

Mga Tala

  1. Russell M. Nelson, “Kagalakan at Espirituwal na Kaligtasan,” Liahona, Nob. 2016, 82.

  2. D. Todd Christofferson, “Ang Ating Kaugnayan sa Diyos,” Liahona, Mayo 2022, 79.