2023
Paano Ko Mararanasan ang Kagalakan ng Ebanghelyo Kahit May Karamdaman Ako sa Pag-iisip?
Pebrero 2023


Digital Lamang: Mga Young Adult

Paano Ko Mararanasan ang Kagalakan ng Ebanghelyo Kahit May Karamdaman Ako sa Pag-iisip?

Buong buhay na akong nakikibaka sa kalusugan ng aking pag-iisip, ngunit ang pagbabago sa pananaw ay nagpakita sa akin kung gaano ako umunlad dahil sa mga hamong iyon.

kamay na nakaunat sa isang malungkot na babae

Ang aking buhay ay hindi palaging madali. Nagsimula akong makaranas ng mga sintomas ng takot sa pakikiharap sa mga tao at depresyon noong tinedyer ako at nasuri ako na may ADHD ako noong hayskul. Noong mga 15 buwan na akong naglilingkod ng aking full-time mission, nagsimula akong mag-isip na magpakamatay. Hindi nagtagal, nasuri na may bipolar II disorder ako.

Natagpuan ko ang sarili ko na nahaharap sa isang mahirap na desisyon. Pinag-usapan namin ng aking mission president ang pag-uwi ko para makatanggap ko ang tulong na kailangan ko. Pero hindi ko maiwasang magkaroon ng sama-ng-loob sa Panginoon. Nadama ko na ang hangarin kong manatili at patuloy na maglingkod sa mga taong natutuhan kong mahalin ay isang matwid na hangarin.

Kalaunan, nalaman ko na may mga taong kailangan ng Panginoon na makilala ko pag-uwi ko at na may mga pagkakataon para maghilom ang puso kong nasaktan. At nalaman ko na ang aking paglilingkod bilang missionary ay tinanggap Niya.

Sa kabila ng katiyakang iyon, naiisip ko pa rin kung bakit kinailangan kong makaranas ng napakatinding hamon. Itinuturo ng mga banal na kasulatan na “ang tao ay gayon, upang sila ay magkaroon ng kagalakan” (2 Nephi 2:25), at ang “gawain” at “kaluwalhatian” ng Panginoon ay “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Kaya ang lahat ng ginagawa ng Panginoon ay upang tayong lahat ay makabalik sa Kanya at sa huli ay maging maligaya, tama?

Paano naman ako? Bakit ako nakararanas ng mga karamdaman sa pag-iisip na humahadlang sa kakayahan ko na piliin ang kaligayahan? Bakit ako hinahayaan ng Panginoon na dumanas ng labis na pighati? May ginawa ba akong mali kaya nagkaroon ako ng ganitong karamdaman? Nakatulong sa akin ang ilang pananaw para makahanap ng mga ideya.

Pagkilala sa Tagapagligtas

Madalas kong naiisip ang kuwento tungkol sa pagpapagaling ni Cristo sa lalaking bulag at pagtatanong sa Kanya kung sino ang nagkasala kaya nagkaroon ng karamdaman ang lalaki. Ang inspiradong sagot ni Jesus ay may matinding kahulugan sa akin: “Hindi dahil sa ang taong ito’y nagkasala, o ang kanyang mga magulang man, kundi upang mahayag sa kanya ang mga gawa ng Diyos” (Juan 9:3). Pagkatapos ay mahimalang pinagaling ni Cristo ang lalaki, nagtuturo ng isang aral na nagpapalakas ng pananampalataya, tiwala, at pag-unawa sa Kanyang kapangyarihan at plano.

Ang mga gawa ng Diyos ay nahayag sa lalaking ito, at alam ko na maaari rin itong mahayag sa akin. Nakita ko na nahayag ang Kanyang mga gawa sa pagkahabag na nadama ko dahil sa aking mga pagsubok at sa pagkahabag na sinisikap kong ipakita sa mga nasa paligid ko. Nakita ko na nahayag ang Kanyang mga gawa sa paraan ng pagkilala ko sa aking Tagapagligtas at pagkaalam na kilala Niya ako dahil nagdusa Siya para sa akin sa Getsemani at sa krus.

Pagkadama ng Kagalakan na Higit na Mas Matamis

Ilang buwan na ang nakararaan, ang aking ina ay nakadama ng pahiwatig ng Espiritu na sabihin sa akin na iniisip niya ang mga pagsubok na nararanasan ko. Tinanong niya ako, “Paano kung ang mga bagay na ito ay hindi nangyayari sa iyo kundi para sa iyo?” Nagpatotoo siya na dahil sa sakit na naranasan ko, magkakaroon ako ng higit na kakayahang makadama ng kagalakan.

Ito ay isang alituntunin na naunawaan nina Adan at Eva. Sa Halamanan ng Eden, sila ay “[na]sa kalagayan ng kawalang-malay, walang kaligayahan, sapagkat hindi sila nakakikilala ng kalungkutan” (2 Nephi 2:23). Kapag nakadarama ako ng kagalakan, nagiging higit na mas matamis ito dahil alam ko kung ano ang pakiramdam ng kalungkutan.

Itinuro ni Lehi kay Jacob, na isinilang sa ilang at hindi pa kailanman nakita ang mas madaling buhay sa Jerusalem, na “ilalaan [ng Panginoon] ang iyong mga paghihirap para sa iyong kapakinabangan” (2 Nephi 2:2). Sa huli, nagpapasalamat ako para sa mga hamon dahil sa aking karamdaman sa pag-iisip. Alam ko na kapag hinayaan natin ang ating mga paghihirap na mas ilapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at padalisayin tayo, tayo ay magiging higit na katulad Nila.

Ang kaalamang ito ay hindi mas nagpapadali ng aking mga hamon, ngunit binibigyan ako nito ng walang-hanggang pananaw. Sa mahihirap na araw, nakakahanap ako ng pag-asa sa pag-iisip tungkol sa mga tipang ginawa ko sa Ama sa Langit. Alam ko na tinutupad Niya ang Kanyang mga pangako kapag tinutupad ko ang sa akin. Kailangan ko pa rin ng mga temporal na pagpapala tulad ng therapy, gamot, at mga gawi na nagpapanatiling malusog sa aking isipan, ngunit ang pagsasama ng mga iyon sa mga espirituwal na kasangkapan tulad ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan, panalangin, at pagsamba sa templo ang gumagawa ng pinakamalaking kaibahan sa kalusugan ng aking pag-iisip.

At sa mga araw na nakadarama ako ng kagalakan sa kabila ng aking mga hamon, naaalala ko ang mga himalang maidudulot ni Jesucristo at ng Kanyang Pagbabayad-sala sa aking buhay.