2023
Paglilingkod sa mga Tungkulin Kung Kailan at Saan Tayo Kailangan ng Panginoon
Pebrero 2023


Digital Lamang

Paglilingkod sa mga Tungkulin Kung Kailan at Saan Tayo Kailangan ng Panginoon

Bagama’t maaari tayong ma-release mula sa mga tungkulin, hindi tayo kailanman mare-release sa paggawa ng mabuti.

dalawang lalaking nakangiti na nagkakamayan

Larawang ginamitan ng mga modelo

Noong bata ako, ang aking pamilya ay lumipat at napabilang sa isang bagong ward. Di nagtagal, ang aking ama ay tinawag bilang bishop. Hindi ito gaanong maarok ng aming limitadong pananaw—may iba pang mga kwalipikadong kalalakihan sa ward, at pakiramdam ng aking ama ay hindi niya pa kilala ang mga miyembro o alam ang kanilang mga indibiduwal na pangangailangan sa antas na ninanais niya.

Pero ginawa niya ang lahat ng kanyang makakaya at naglingkod siya nang tapat, nagsisikap na makilala ang mga pinaglilingkuran niya. Nang magwakas ang kanyang paglilingkod, nakadama siya ng malaking pagmamahal sa mga miyembro ng aming ward.

At pagkatapos ng pag-release sa kanya, tinawag siya sa nursery.

Kamangha-manghang panoorin ang pagbabago. Minahal niya ang mga bata sa nursery at maingat niyang pinagplanuhan ang mga lesson at aktibidad na nakatulong sa kanila na magkaroon ng matibay na pundasyon sa ebanghelyo. Bagama’t nagbago na ang kanyang tungkulin sa ward, nanatili siyang malapit sa mga miyembro ng ward na kanyang nakilala at natutuhang mahalin at patuloy siyang nag-aaral ng mga bagong paraan kung paano mapaglilingkuran ang kanyang mga kapatid.

Nagkaroon din siya ng mas maraming oras na mailalaan sa aming pamilya; hindi nagtagal matapos ang pag-release sa kanya, sinunod ng aking ina ang pahiwatig na bumalik sa pag-aaral at magtamo ng mas mataas na digri, kaya nadagdagan ang kanyang mga responsibilidad sa aming tahanan habang nag-uukol ang aking ina ng mas maraming oras sa pag-aaral. Talagang isang pagpapala para sa aming pamilya na matanggap ang kanyang tulong noong panahong iyon.

Nagbago na ang mga responsibilidad ng aking ama, ngunit ang kahalagahan at epekto ng kanyang mga responsibilidad ay hindi nagbago. Alam ng Panginoon kung ano ang pinakamainam para sa ward at sa aking pamilya. Tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Hindi tayo ‘bumababa sa puwesto’ kapag ini-release tayo, at hindi tayo ‘umaakyat sa puwesto’ kapag tinawag tayo. Walang ‘pagtaas o pagbaba’ sa paglilingkod sa Panginoon. Mayroon lamang ‘pasulong o paurong,’ at iyan ay depende sa kung paano natin tanggapin at tugunan ang pag-release at pagtawag sa atin.”1

Tinawag na Maglingkod, Itinalagang Maglingkod

Nang magsalita tungkol sa gawaing misyonero, ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagkakaiba ng itinalaga sa isang lugar at tinawag na maglingkod:

“Alalahanin na ang unang pangungusap [sa tawag na magmisyon] ay isang tawag na maglingkod bilang full-time missionary sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon. Ang pangalawang pangungusap ay nagsasaad ng pagkakatalaga na maglingkod sa isang partikular na lugar at mission. Importanteng maunawaan nating lahat ang mahalagang pagkakaiba sa mga inihayag sa dalawang pangungusap na ito.

“Sa kultura ng Simbahan, madalas nating pag-usapan ang tawag na maglingkod sa isang bansang tulad ng Argentina, Poland, Korea, o Estados Unidos. Subalit ang isang missionary ay hindi tinawag sa isang lugar; bagkus, siya ay tinawag na maglingkod.”2

Maaaring makatulong na ituring ang mga tungkulin sa parehong paraan. Sinabi sa atin sa Doktrina at mga Tipan 4:3 na “kung [tayo] ay may mga naising maglingkod sa Diyos [tayo] ay tinatawag sa gawain.” Saanman tayo “itinalaga” at anuman ang ating mga partikular na responsibilidad, palagi tayong tinatawag na maglingkod sa Panginoon at pagpalain ang Kanyang mga anak bilang bahagi ng ating mga responsibilidad sa tipan. Maaari tayong magkaisa sa ating layunin na “madama ang kagalakang nagmumula sa paglilingkod sa Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa Kanyang mga anak [tingnan sa Mosias 2:17],” batid na “ang mga calling ay maaari [r]ing makatulong sa [atin] na mapalakas ang [ating] pananampalataya at mas mapalapit sa Panginoon.”3 Anuman ang ating organisasyong pinaglilingkuran o tungkuling ginagampanan, lahat tayo ay bahagi ng iisang gawain—ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan.

Pagiging Bahagi ng “Katawan ni Cristo”

Ipinaliwanag ni Pangulong Henry B. Eyring, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, na ang lahat ng tungkulin ay ibinibigay upang matulungan tayong maging higit na katulad ni Cristo at pagpalain ang buhay ng iba: “Kahit ang pinakabagong miyembro ng Simbahan ay madarama na ang tawag na maglingkod ay bunsod ng ating pagmamahal. Makikilala natin ang Guro sa pamamagitan ng pagbibigay ng ating buong puso sa Kanya at pagsunod sa Kanyang mga utos. …

“Tinawag kayo para kumatawan sa Tagapagligtas. Ang inyong tinig na nagpapatotoo ay nagiging tulad ng Kanyang tinig, ang inyong mga kamay ay nagpapasigla tulad ng Kanyang mga kamay.”4

Kapag tayo ay bininyagan at gumawa ng mga tipan na kikilos sa pangalan ni Cristo, tayo ay nagiging bahagi ng “katawan ni Cristo” (1 Corinto 12:27). Ang iba’t ibang bahagi ng katawan ay gumagawa ng iba’t ibang gawain, ngunit ang lahat ng ito ay pare-parehong mahalaga; ang pinakakailangan ay magtulungan ang katawan upang maisakatuparan ang nagkakaisang layunin. Ayon sa manwal na Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin, “Sa ganitong uri ng pagkakaisa, ang mga pagkakaiba ay hindi lamang kinikilala kundi itinatangi, dahil kung wala ang mga miyembrong may iba’t ibang mga kaloob at kakayahan, magiging limitado ang katawan.”5

Alam ng Panginoon ang ating iba’t ibang kasanayan at kakayahan, at alam din Niya kung paano gagamitin ang mga ito upang pagpalain tayo at ang mga taong nasa paligid natin, na kinabibilangan ng pag-anyaya sa atin na maglingkod sa iba’t ibang tungkulin at gawain sa iba’t ibang panahon. Ang tungkulin ay hindi tungkol sa katayuan, ranggo, o kwalipikasyon; tungkol ito sa kahandaang sumunod sa kalooban ng Diyos at tanggapin na tatawagin Niya tayo kung saan Niya tayo higit na kailangan sa isang partikular na panahon at lugar.

Ang Gawain ng Panginoon

Binigyang-diin ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008), sa kanyang unang mensahe matapos matawag bilang Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, ang kahalagahan ng bawat tungkulin sa Simbahan:

“Walang tungkulin sa simbahang ito na maliit o di-gaanong mahalaga. Lahat tayo na tumutupad ng ating mga tungkulin ay makaaantig ng buhay ng iba. Sinabi ng Panginoon sa bawat isa sa atin na may kani-kaniyang responsibilidad: ‘Dahil dito, maging matapat; tumayo sa katungkulang aking itinalaga sa iyo; tulungan ang mahihina, itaas ang mga kamay na nakababa, at palakasin ang tuhod na mahihina’ [Doktrina at mga Tipan 81:5]. …

“Makadarama kayo ng malaking kasiyahan sa pagtupad ng inyong tungkulin tulad ko. Ang pagsulong ng gawaing ito ay nakasalalay sa ating pinagsama-samang pagsisikap. Anuman ang inyong tungkulin, ito ay puno ng mga pagkakataong makagawa ng kabutihan gaya sa tungkulin ko. Ang tunay na mahalaga ay ito ang gawain ng Panginoon. Ang ating gawain ay humayo na naglilibot na gumagawa ng kabutihan tulad ng ginawa Niya.”6

Lubos na inilalarawan ng mga sinabi ni Pangulong Hinckley ang natutuhan ng aking ama bilang bishop, lider sa nursery, asawa, at magulang: inaatasan tayo ng Panginoon na maglingkod sa iba’t ibang tungkulin sa buong buhay natin, ngunit hindi Siya tumitigil sa pag-anyaya sa atin na maging higit na katulad Niya habang sinisikap nating pagpalain ang buhay ng mga nasa paligid natin.