2023
Gusto Mo bang Tumanggap ng Sakramento?
Pebrero 2023


Gusto Mo bang Tumanggap ng Sakramento?,” Liahona, Peb. 2023.

Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Gusto Mo bang Tumanggap ng Sakramento?

Nang ipasa sa kanya ang sakramento, umabot ang bata, tumigil sandali, at pagkatapos ay binawi ang kanyang kamay.

kamay na may hawak na sacrament tray at isa pang kamay na umaabot sa tinapay

Larawang-guhit ni Dilleen Marsh

Inanyayahan ako ng isa sa pinakamatatalik kong kaibigan na dumalo sa kanyang ward sa isang Linggo ng ayuno para lumahok sa pagpapangalan at pagbabasbas sa kanyang anak. Kasunod ng basbas, oras na para sa sakramento.

Nang ipasa ang sakramento sa kongregasyon, napansin ko ang anim-na-taong-gulang na pamangkin ng kaibigan ko, na may attention deficit hyperactivity disorder (ADHD). Gumagala siya sa bandang likuran ng chapel pero nagsimulang makipag-usap nang mahina sa isa sa matatandang lalaking nagpapasa ng sakramento.

Hindi nakakatiyak kung tumanggap na ng sakramento ang bata, marahang iniabot ng lalaki ang sacrament tray sa kanya. Umabot ang bata, tumigil sandali, at pagkatapos ay binawi ang kanyang kamay. Sumunod ang medyo nakakaasiwang pag-urong-sulong sa sumunod na ilang segundo nang umabot ang bata at binawing muli ang kanyang kamay. Parang hindi niya tiyak kung ano ang gagawin. Matiyagang naghintay ang matandang ginoo.

Sa huli, nagtanong ang bata, “Gusto po ba ninyong tumanggap ako ng sakramento?”

Sa isang maawaing boses, sumagot ang matandang ginoo, “Gusto mo bang tumanggap ng sakramento?”

Tumango ang bata at pagkatapos, walang pag-aatubiling umabot ang kanyang kamay at kumuha ng tinapay. Nang dalhin ng lalaking nagpapasa ng sakramento ang tinapay sa iba, bumalik ang bata sa kanyang pamilya at naupo.

Ang alaala ng pag-uusap na iyon sa pagitan ng lalaki at ng bata ay nagturo nang husto sa akin kung paano nakikipag-usap ang Ama sa Langit sa atin, na Kanyang mga anak.

Hindi kailanman ipinipilit ng ating Ama sa Langit ang anumang bagay sa atin, kundi mapagmahal at matiyaga Niya tayong inaanyayahang makibahagi. Pagkatapos ay naghahanda Siyang pagpalain tayo, na laging nakaunat ang Kanyang mapagmahal na mga bisig sa atin. Kapag nagpasiya tayong abutin Siya, naroon na Siya, handang ipagkaloob ang Kanyang mahimalang pagmamahal at mga pagpapala sa atin.