2023
Namuno Siya at Landas ay Itinuro
Pebrero 2023


“Namuno Siya at Landas ay Itinuro,” Liahona, Peb. 2023.

Namuno Siya at Landas ay Itinuro

Kapag sinusunod natin si Jesucristo, na ginagawa ang Kanyang ginawa, tiwala tayong makakabalik sa ating tahanan sa langit.

si Cristo na tinatawag sina Pedro at Andres

Christ Calling Peter and Andrew [Si Cristo na Tinatawag sina Pedro at Andres], ni Harry Anderson

Ilang taon na ang nakararaan, nagpasiya kami ng pamilya ko na mag-hiking sa isang daanan sa bundok sa Iceland para makita ang isang bantog na waterfall. Hindi pa kami nakapunta sa bundok na ito. Hindi namin tiyak ang daanan, at hindi kami bihasang mga hiker.

Minasdan naming magsimulang umakyat ang iba sa daanan at sumunod kami. Hindi nagtagal, hindi na namin sila makita, at gayundin ang daanan. Tiningnan naming mabuti at napansin ang sadyang inilagay na mga tumpok ng mga bato, na tinatawag na mga cairn, sa regular na mga pagitan na tanda ng landas papunta sa waterfall. Nagtiwala kami na kung makikita namin ang mga cairn, mararating namin ang waterfall.

Ang mga tumpok ng lupa malapit sa daanan na may puti at malambot na cotton grass,1 na tumutubo sa latian. Palaging napuputikan at basang-basa ang sapatos namin kapag tumatapak kami sa cotton grass. Nalaman namin na ang cotton grass ang tanda ng isang landas na ayaw naming sundan.

Hindi madali ang daan. Kung minsa’y matarik ito, at napagod kami. Pero nagpatuloy kami, na minamasdang mabuti ang mga cairn at iniiwasan ang cotton grass. Sa wakas ay nagantimpalaan din ang aming mga pagsisikap. Nakarating kami sa napakagandang waterfall at nasiyahan sa tanawin mula sa tuktok ng bundok at sa preskong tubig.

Habang pababa kami ng bundok, nakita namin ang mga panganib na hindi namin nakita sa pag-akyat. Natulungan kami ng mga cairn na maiwasan ang malalalim na lawa-lawaan ng tubig at matatarik na bangin. Nagpasalamat kami na ligtas kaming itinuro ng mga cairn na iyon papunta sa aming mithiin.

Ang paglalakbay natin sa buhay ay katulad ng summer hike na ito. Nais nating bumalik sa ating tahanan sa langit, pero maaaring mahirap tahakin ang landas. Habang pinag-aaralan natin ang buhay at mga turo ni Jesucristo, malalaman natin kung paano Siya nabuhay sa mortalidad, na naglalagay ng mga metaporang cairn para sundan natin. Kapag sinundan natin ang mga cairn na iyon, na ginagawa ang ginawa ni Jesus, tiwala tayong makakabalik at makakarating sa ating destinasyon.

cairn na may isang bato

Cairn 1: Alamin Kung Sino Tayo

Nalaman ni Jesucristo kung sino Siya (tingnan sa Lucas 2:49). Bagama’t hindi natin alam kung ano ang nadama Niya nang binyagan Siya ni Juan, ang banal na katiyakan ay maaaring nagbigay ng kapanatagan nang kausapin Siya ng Kanyang Ama “mula sa kalangitan, [na sinasabi], “Ikaw ang minamahal kong Anak, sa iyo ako lubos na nalulugod” (Marcos 1:11).

May tiwala sa Kanyang pagkatao, naipahayag ni Jesucristo kina Pedro at Andres, “Ako ang siyang isinulat ng mga propeta” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:18 [sa appendix ng Pagsasalin ni Joseph Smith: Mateo 4:18]). At sa Samaritana, ipinahayag Niya, “Ako nga iyon na kumakausap sa iyo [ang Mesiyas na iyon, na tinatawag na Cristo]” (tingnan sa Juan 4:25–26).

Ang malaman kung sino tayo ay isang cairn na napakahalaga. Ang pinakamahalaga nating identidad ay bilang mga anak ng Diyos, paano man natin pinipiling tukuyin ang ating sarili. Kung bigo tayong matagpuan ang cairn na ito, maaari tayong magpagala-gala sa landas at mapunta sa cotton grass.

cairn na may dalawang bato

Cairn 2: Alamin ang Kalooban ng Ama sa Langit

Hinangad na malaman ni Jesucristo ang kalooban ng Kanyang Ama. Pagkatapos ng Kanyang binyag, “inakay ng Espiritu si Jesus sa ilang, upang makasama ang Diyos.

“Siya ay apatnapung araw at apatnapung gabing nag-ayuno [at nakipag-usap sa Diyos, pagkatapos ay nagutom siya [at naiwan upang tuksuhin ng diyablo]” (Joseph Smith Translation, Matthew 4:1–2; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Bakit nagpunta si Jesus sa ilang para makipag-usap sa Diyos? Makatwiran ang maniwala na ginawa Niya iyon para malaman ang kalooban ng Kanyang Ama, upang walang maging pagdududa kung ano ang mga hangarin ng Diyos para sa Kanya. Isang cairn din ang malaman natin ang kalooban ng Diyos para sa atin. Kung hindi natin alam ng kalooban ng Diyos para sa atin, mapapagala tayo sa cotton grass.

Nalalaman natin ang kalooban ng Diyos para sa atin sa mga banal na kasulatan, mula sa mga salita ng mga buhay na propeta, at sa mga bulong ng Espiritu Santo. Pero kailangan nating hangaring makasama at makaugnayan ang Diyos sa panalangin, tulad ng ginawa ni Jesus. Sa pagkaalam sa ating tunay na kaugnayan sa Diyos, na Siya ang ating Ama at tayo ay Kanyang mga anak, magiging natural ang ating panalangin (tingnan sa Mateo 7:7–11). Nagiging mahirap ang pagdarasal kapag nalilimutan ang kaugnayang ito.2

cairn na may tatlong bato

Cairn 3: Iayon ang Ating Kalooban sa Kalooban ng Ama sa Langit

Iniayon ni Jesucristo ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Kanyang Ama. Minsan, habang naglalakbay, naupo si Jesus sa may balon ni Jacob sa labas ng lungsod ng Sicar sa Samaria habang nagpunta naman ang Kanyang mga disipulo sa lungsod para bumili ng pagkain. Isang Samaritana ang dumating para umigib ng tubig, at hinilingan ito ni Jesus na kumuha ng kaunting tubig para sa Kanya. Nagulat siya sa kahilingan, dahil nagmula iyon sa isang Judio. Sa sumunod na pag-uusap, nalaman niya na si Jesus ang ipinangakong Mesiyas. Bumalik siya sa lungsod, na ipinapahayag na nakita niya ang Cristo (tingnan sa Juan 4:3–29).

Nang bumalik ang mga disipulo, hinikayat nila si Jesus na kainin ang pagkaing nabili nila (tingnan sa Juan 4:31) at “nagtaka” na nakipag-usap Siya sa Samaritana (tingnan sa Juan 4:27). Sumagot ang Tagapagligtas, “Ang pagkain ko ay ang gawin ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 4:34). Ang pagkain ni Jesus—ang Kanyang layunin—ay gawin ang kalooban ng Ama at isakatuparan ang gawain ng Ama. Sinabi Niya, “Sapagkat ako’y bumaba mula sa langit hindi upang gawin ko ang aking sariling kalooban, kundi ang kalooban ng nagsugo sa akin” (Juan 6:38). Tinulutan ni Jesus ang Kanyang kalooban na “mapasakop sa kalooban ng Ama” (Mosias 15:7), na iniaayon ang Kanyang kalooban sa kalooban ng Diyos. Ito ay isa pang cairn na iniwan ni Jesus para sa atin.

Kailangan nating matapat na iayon ang ating kalooban sa kalooban ng ating Ama sa Langit. Ang panalangin ay isa sa mga paraan na ginagawa natin iyon. “Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos” kundi para tulungan tayong alamin at tanggapin ang Kanyang kalooban.3

cairn na may apat na bato

Cairn 4: Gumawa at Tumupad ng mga Tipan sa Diyos

Si Jesucristo ay bininyagan “upang ganapin ang lahat ng katwiran” (2 Nephi 31:5). Sinabi Niya kay Nicodemo, “Malibang ang isang tao’y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos” (Juan 3:5). Sinabi ni Jesus sa Kanyang magiging mga disipulo, “Sumunod kayo sa akin” (Mateo 4:19).

Ginagawa natin ito sa pamamagitan ng pagsampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, pagpapabinyag sa Kanyang pangalan, pagtanggap ng Espiritu Santo, at patuloy na paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos. Nakikipagtipan tayong susundin ang mga utos ni Cristo, na ibinigay para sa ating kapakinabangan. Bawat tipan ay isang cairn sa landas ng tipan na patungo kay Cristo.

Sa aming summer hike, malaya kaming pumili ng ibang landas papunta sa tuktok ng bundok, pero baka hindi, at malamang na hindi, humantong sa waterfall ang ibang landas. Maaaring naantala kami dahil nabaon kami sa putik, napigilan ng mapanganib na mga bangin, o sumuko dahil sa pagod. Ang pananatili sa landas na inilaan ang pinakatuwiran at tiyak na daan patungo sa aming destinasyon.

Sa buhay, hindi tayo maaaring lumikha ng sarili nating landas at umasa sa mga ipinangako ng Diyos na kalalabasan natin (tingnan sa Mateo 7:24–27). Malaya tayong pumili, pero hindi natin mapipili ang mga kahihinatnan ng hindi pagsunod sa inihayag na landas. Hindi tayo maaaring madulas sa bangin at “magpasiya” na huwag mahulog.

cairn na may limang bato

Cairn 5: Magtiis Hanggang Wakas

Nais ni Jesucristo na “tapusin ang [gawain ng kanyang Ama]” (Juan 4:34). Sa krus sa huli, nang matapos ni Jesus “[a]ng gawaing” ipinagawa sa Kanya ng Diyos (Juan 17:4), sinabi Niya na, “Natupad na” (Juan 19:30). Ang pagtatapos sa ating gawain ay isang cairn na kailangan para makarating sa gusto nating destinasyon. Itinuro ni Jesus, “Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ‘Panginoon, Panginoon,’ ay papasok sa kaharian ng langit, kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit” (Mateo 7:21).

Sa mga hindi nakakagawa nito, sasabihin ng Tagapagligtas, “Hindi ko kayo kilala kailanman” (Joseph Smith Translation, Matthew 7:33 [sa Mateo 7:23]; idinagdag ang pagbibigay-diin). Kung hindi natin nauunawaan ang isinasakatuparan noon ng Tagapagligtas, mababasa at mapuputikan ang sapatos natin dahil hindi natin Siya nakilala kailanman at hindi natin Siya sinamahan kailanman sa Kanyang gawain.

Sa pagkilala kung sino Siya, pag-alam at pag-ayon ng Kanyang kalooban sa kalooban ng Kanyang Ama, paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Diyos, at pagtitiis hanggang wakas, “namuno Siya at landas ay itinuro”4 kung paano tayo makakabalik sa ating tahanan sa langit. Ang ating tungkulin ay sundan ang mga cairn na iyon. Kaya, “Hindi lamang natin tutularan ang Kanyang landas habang” nasa lupa, kundi ginagawa natin ito kung tayo ay “magiging mga tagapagmana”5 upang matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama sa Langit (tingnan sa Joseph Smith Translation, John 3:36 [sa Juan 3:36]).