“Pagiging Mamamayan ng Sion,” Liahona, Peb. 2023.
Pagiging Mamamayan ng Sion
Sa pakikipagkaibigan natin sa ibang mga tao na iba’t iba ang pinagmulan, napapansin natin na ang kanilang malalawak na karanasan at pamana ay nagpapayaman sa ating ward at komunidad.
Sa nakalipas na ilang taon, napagpala kaming tumulong na maglingkod at magbahagi ng ebanghelyo sa maraming African refugee na nakatira sa Spokane, Washington, USA. Bago nagpunta sa Estados Unidos, marami sa kanila ang nakasaksi sa kakila-kilabot na mga pangyayari sa digmaan, gutom, at mga pamilyang sapilitang pinaghiwa-hiwalay sa kanilang sariling mga bansang Rwanda, Burundi, Kenya, Uganda, Tanzania, at Democratic Republic of the Congo.
Alam namin na hindi lahat ng ward sa buong mundo ay may mga refugee sa kanilang lugar, pero lahat ng ward at branch ay may mga taong iba-iba ang pinagmulan, at lahat tayo ay nagsisikap na tipunin ang Israel at itayo ang Sion kung saan tayo nakatira. Gusto naming ilarawan kung ano ang hitsura ng “magmahal, magbahagi, mag-anyaya”1 para sa amin habang ibinabahagi namin ang ilan sa mga karanasan namin nitong nakaraang ilang taon. Naniniwala kami na maaaring umangkop ang mga alituntuning ito sa mga ward sa buong mundo.
Paglilingkod
Tulad ni Ammon at ng iba pang mga anak ni Mosias sa kanilang misyon sa mga Lamanita, nais naming magmula ang aming paglilingkod sa motibasyong tulungan ang iba na madama ang pagmamahal ni Cristo para sa kanila (tingnan sa Mosias 28:1–3; Alma 26:15). Tulad ng sinabi minsan ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga panalangin ay … kadalasang … sinasagot ng Diyos sa pamamagitan ng paggamit sa ibang tao. Dalangin ko na gamitin Niya tayo. Dalangin ko na maging sagot tayo sa mga panalangin ng mga tao.”2
Si Nyafuraha Mukushaka ay dumating sa Spokane noong Hunyo 2019 mula sa Burundi. Hindi nagtagal ay nagsimula siyang magtrabaho sa isang pabrika ng bote sa ganap na alas-6:00 n.u. bawat araw. Dahil sa iskedyul ng bus sa umaga, hindi siya makarating sa trabaho sa tamang oras. Sa loob ng apat na buwan habang naghahanda siyang kumuha ng lisensya sa pagmamaneho, gumigising nang alas-4:40 n.u. ang mga miyembro ng Simbahan tuwing umaga, sinusundo siya sa bahay, at pagkatapos ay inihahatid siya sa trabaho. Ibinahagi niya ang karanasang ito sa kanyang mga magulang at kapatid, na dumating sa Spokane noong Agosto 2021. Naging interesado ang kanyang amang si Vincent sa ipinanumbalik na ebanghelyo nang hangarin nitong malaman kung sino ang handang maglingkod nang gayon sa kanyang anak. Sumapi si Vincent sa Simbahan noong Nobyembre 2021.
Si Kayitesi Muhorakeye at ang kanyang anak na si Divin ay orihinal na nagmula sa Democratic Republic of the Congo sa pagdaan sa Rwanda, nakarating sa Spokane noong Enero 2021 para maghanap ng trabaho at bahay para makalipat ang kanilang pamilyang may pitong anak mula sa Texas. Tinulungan sila ng mga miyembro ng Simbahan na makahanap at makalipat ng bahay. Apat na miyembro ng pamilya ang sumapi na sa Simbahan mula noon.
Ang mga paraan para mahalin at matulungan ang ating mga kapatid na nagmula sa Africa ay talagang magkakaiba at maaaring umakma sa iskedyul ng sinumang handang tumulong. Kinailangan ng aming mga kaibigan ng tulong para matuto ng Ingles, makapunta sa grocery store, mairehistro ang mga bata sa paaralan, matutong magmaneho, makapagbukas ng bank account, matutong magluto ng pagkaing Amerikano, at marami pang iba. Aktibo kaming naghanap ng mga oportunidad sa halip na maghintay na may humingi ng tulong o maghintay hanggang sa maginhawa ang tumulong.
Gawaing Misyonero nang Personal at Online
Nang magsimulang magsimba ang mga refugee na ito na nagsasalita ng Swahili, kinailangan namin ng mga missionary na marunong magsalita kapwa ng Swahili at ng Ingles. Nagsimulang mag-aral ng Swahili ang mga missionary sa ward, pero dahil walang katutubong nagsasalita nito, naging mabagal ang pag-aaral. Noong Marso 2019, sinundo ng mga mission leader ng Washington Spokane Mission ang mga bagong missionary mula sa airport. Nang batiin ng mission president at ng kanyang asawa si Elder Noel Cohen, sinabi nila na nakasaad sa kanyang mission recommendation na marunong siyang magsalita ng Swahili. “Gaano kahusay kang magsalita ng Swahili, Elder?” tanong nila.
Sinabi ni Elder Cohen na Swahili ang kanyang katutubong wika. Nandayuhan siya sa Estados Unidos mula sa Kenya noong nakaraang taon. Pagkatapos ay ginugol ni Elder Cohen ang kanyang buong misyon sa aming ward, at walang-pagod na sinikap niya at ng kanyang maraming matatapat na kompanyon na mahalin at anyayahan ang marami sa kahanga-hangang mga refugee at dayuhang ito na matuto tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nagpapasalamat sa tulong ng mga miyembro ng ward, sinabi ni Elder Cohen, “Marami kaming tinuruan, pero malaki ang bahagi ng mga miyembro sa fellowshipping.” (Alamin ang iba pa tungkol sa karanasan ni Elder Cohen sa pahina 25.)
Nalaman namin na mas alam ang Panginoon kaysa sa atin kung paano tipunin ang Kanyang mga anak. Kapag sumusulong at kumikilos tayo nang may nagkakaisang pananampalataya, bibigyang-inspirasyon at gagabayan tayo ng Espiritu Santo, kadalasan sa mga paraang naiiba sa inasahan natin.
Nang tumama ang COVID-19 noong tagsibol ng 2020, nag-alala kaming lahat kung paano ipagpapatuloy ang gawain. Ang mga African refugee ay mga taong mahilig makisalamuha at magiliw, kaya naging mahirap para sa kanila ang mahiwalay sa iba. Wala na ang pagtitipon ng malalaking grupo sa mga tahanan ng mga miyembro at gayundin ng mga kaibigang African. Noong Mayo 2020, ipinag-ayuno at ipinagdasal namin sa ward na pagpalain ng Ama sa Langit ang buhay ng aming mga kaibigang African kapwa sa temporal at sa espirituwal at tulungan silang lumapit kay Cristo.
Tulad ng karaniwan sa buong Simbahan, nagsimulang magturo ang aming mga missionary online. Nagpasimula sila ng isang Facebook page tungkol sa Simbahan sa wikang Swahili.
Sabi ng aming ward mission leader noon na si Brian McCann, “Nang ipag-ayuno naming tulungan ng Panginoon ang gawaing misyonero sa Swahili, inakala namin na ang ibig sabihin niyon ay gawaing misyonero sa Spokane sa wikang Swahili. Pero talagang ipinakita sa amin ng Panginoon ang paggamit ng teknolohiya sa panahon ng COVID-19, at biglang lumitaw ang mga elder na nagsasabing, ‘Tinuturuan namin ang taong ito sa Norway at ang taong ito sa Uganda at ang taong ito sa Kenya.’”
Natagpuan ni Sifa, isang African refugee na nakatira sa Norway, ang Facebook page at sinimulang pakinggan ang mga lesson nang napakaaga, sa oras ng Spokane. Kinontak ni Sifa ang kanyang mga lokal na missionary, at sa tulong ng mga missionary sa Spokane, nalaman niya ang tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo. Nabinyagan siya at ang kanyang anak na lalaki sa Norway noong Disyembre 2020. May nakilalang mga tao sa Uganda si Sifa noong refugee siya roon, at hindi nagtagal ay 20 tao na ang tinuturuan namin sa isang Ugandan refugee settlement.
Pakikipagkaibigan at Pagtanggap sa Iba
Nakaisip ng isang slogan ang isa sa dati naming mga ward mission leader na nauugnay sa mga miyembro ng ward: “Kami ang mga pinaka-palakaibigang mga tao sa Simbahan.”
Noong 2019 nagdaos kami ng isang African culture night para marami pang malaman tungkol sa aming mga kaibigang African at kanilang mga interes. Sabi ni Kimberly McCann, “Mayroon kaming kaunting fried chicken, at nagdala sila ng pagkain na sumalamin sa kanilang kultura. Nagkantahan sila at nagsayawan, at napakasaya niyon.”
Sinabi ni Brian McCann: “Palagay ko natatanto ng sinumang nakagugol ng panahon sa piling ng mga kaibigan naming African kung gaano sila kagiliw at kabait. At gusto mo lang na makita at madama iyon. Makakalampas sa amin ang magagandang buwan at taon ng pagkakaibigan at pakikipagkapwa at pakikisama kung hihintayin pa naming mabinyagan sila. Gusto naming maging bahagi na kami ng kanilang buhay ngayon. Napakarami nilang maituturo sa amin tungkol sa mga katangiang tulad ng kay Cristo.”
Marahil higit sa lahat, kailangang madama ng mga tao na nakatagpo sila ng pamilya rito sa aming kongregasyon ng mga Banal. Nagsimulang mag-aral ng Swahili ang ilang miyembro ng ward para mas makakonekta at makaugnay ang mga kaibigan naming African. Sinimulang buksan ng mga miyembro ng ward at ng mga kaibigan naming African ang kanilang tahanan sa isa’t isa. Napakahalaga nito sa marami sa mga refugee na nawalay sa kanilang pamilya o nawalan ng mga kapamilya sa digmaan.
Halimbawa, namatay pareho ang mga magulang ni Nshimiyana Adolphe sa karahasan sa Democratic Republic of the Congo at naulila sa edad na anim. Nakarating siya bilang refugee sa Spokane 20 taon kalaunan noong Agosto 2021. Habang ipinagdiriwang ang Pasko bilang bagong convert sa tahanan ng isang miyembro, sinabi niya, “Ito ang unang pagkakataon sa buhay ko na nadama ko na bahagi ako ng isang pamilya.”
Si Moses Lwakihugo, na nagmula sa Democratic Republic of the Congo, ay namatayan ng ama sa digmaan noong 1997. Tumira si Moses sa mga refugee camp sa loob ng mahigit 10 taon. Ngayong isang priesthood leader na siya sa grupo ng mga Swahili sa aming ward, sinabi niya, “May napansin akong kakaiba tungkol sa mga miyembro ng Simbahan. Ipinamumuhay nila talaga ang itinuturo nila. Sa iba pang mga simbahan na kinabilangan ko, walang bumisita sa akin. Sa ward na ito, nangumusta ang mga tao at naghatid ng pagkain nang magkasakit ang pamilya ko. Hindi pa ako nakakita ng isang simbahang talagang puspos ng pagmamahal.”
Habang nag-aaral si Moses tungkol sa ipinanumbalik na ebanghelyo, tinawagan niya ang kanyang bayaw na si Maroyi para magkuwento rito tungkol sa Simbahan. Sabi ni Maroyi, na nakatira sa isang refugee settlement sa Burundi, “Kailangan namin ang simbahang ito sa Burundi.” Hindi nagtagal at sinimulang turuan ni Moses ang kanyang kapatid na babae at bayaw sa pamamagitan ng telepono kasama ang mga missionary. Nabinyagan ang kapatid at bayaw ni Moses, pati na ang walong iba pa sa Burundi, sa araw din na bininyagan si Moses sa Spokane. Lumaki na nang husto ang grupo sa Burundi kaya kailangan nila ng isa pang gusali para magkasya ang lahat ng taong dumarating tuwing Linggo.
Ginagabayan ng kamay ng Panginoon ang gawaing ito, at inilalarawan iyan ng karanasan ni Vumilia Tambwe. Nasa bahay siya noong Setyembre 2016 nang kumatok ang dalawang sister missionary sa kanyang pinto. Nandayuhan si Vumilia sa Estados Unidos limang taon bago iyon mula sa Democratic Republic of the Congo sa pagdaan sa Kenya. Mabait siyang nakipag-usap sa mga sister pero hindi siya naging interesado sa kanilang mensahe.
Kalaunan nang gabing iyon, nagpunta ang mga sister para maghapunan sa bahay ng isang member family na naging host family kamakailan para sa mga refugee. Dahil magkaiba ang wika, hindi magkaintindihan ang refugee family at ang host family. May mga pantal ang refugee family sa buong katawan nila, at hindi alam ng host family kung paano sila tutulungan. Nang sabihin nila sa mga sister missionary ang problema, sinabi ng mga sister sa member family na may nakilala silang babaeng nagngangalang Vumilia na nagsasalita kapwa ng Swahili at ng Ingles. Bumalik ang mga missionary para humingi ng tulong sa kanya. Nalaman ni Vumilia na nagkaroon ng mga pantal ang pamilya dahil ginamit nilang lotion ang shaving cream.
Naging mabuting magkaibigan ang host family at si Vumilia, at nagdaos sila ng citizenship party para kay Vumilia noong Enero 2017. Sinimulan ni Vumilia ang kanyang paglalakbay tungo sa pagiging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw dahil sa tunay na pagkakaibigang naranasan niya mula sa mga miyembro ng Simbahan.
Isa pang halimbawa ng kamay ng Panginoon sa gawaing ito ang naganap bago sumapit ang Thanksgiving noong 2018. Nadama ni Diann Ross na dapat siyang pumunta sa grocery store. Habang naroon, napansin niya ang isang pamilyang African na nahihirapang gumamit ng ATM machine. Kadarating lamang ng mga pamilya Rusimuka at Lwakihugo mula sa isang refugee camp sa Burundi. Tinulungan ni Sister Ross ang mga pamilya sa pagbili kanilang mga grocery at inanyayahan sila sa hapunan noong Thanksgiving. Hindi nagtagal ay naging matalik na magkakaibigan ang mga Ross, Lwakihugo, at Rusimuka.
Sama-samang Pagsamba
Nang magsimulang muli ang mga pormal na pagtitipon sa Simbahan noong panahon ng pandemyang COVID-19, 25 porsiyento lamang ng kapasidad ng gusali ang pinayagan ng batas ng Washington State na magtipon. Nangahulugan ito na magdaraos ng apat na sacrament meeting ang aming ward para makasimba ang lahat ng miyembro. Nagpasiya kaming idaos ang isa sa apat na sacrament meeting na ito sa wikang Swahili.
Noong Setyembre 2020, tinawag kami at ang ilang iba pang mag-asawa para maglingkod bilang mga service missionary na nakikipagtulungan sa mga African refugee sa Spokane na nagsasalita ng Swahili. Ang aming misyon ay para maghikayat ng pagmamahal, pagtanggap, at pakikipagkaibigan sa mga African refugee at tulungan ang mga kaibigang ito na makihalubilo sa aming komunidad.
Noong Enero 2021, opisyal na bumuo ang mga stake leader ng isang Swahili group na may tatlong nabinyagang miyembro at maraming iba pang dumadalo. Ang sacrament meeting ay isinasalin kapwa sa Ingles at sa Swahili, at nakikibahagi kami sa mga klase ng kabataan at Primary sa ward na kinabibilangan namin. Lahat ng kapatid na ito, nagmumula man sa isang refugee camp o sa ibang bahagi ng Africa, ay may makabuluhan at mahalagang mga kuwentong maibabahagi. Ang mga sacrament meeting ay nagbigay ng mahalagang pagkakataon para marinig kung paano nakatulong ang pananampalataya ng aming mga kaibigang African na madaig ang matitinding hirap. Ang aming mga kaibigan mula sa Africa ay may mayamang pamana, at ang pagmamahal nila sa musika at pagkanta ay naging napakagandang bahagi ng sacrament meeting.
Nakakita na kami ng kamangha-manghang mga halimbawa ng katapangan at katatagan sa harap ng paghihirap. Nakakita na kami ng pagpapatawad, pagmamahal, at biyaya at palagi kaming namamangha sa mga halimbawa ng kanilang pananampalataya kay Jesucristo. Marami sa mga refugee na nagmula sa Africa ang umasa sa pananampalataya para madaig ang mga pagsubok. Habang sinisikap naming matutuhan ang kanilang wika at tulungan silang tuklasin ang buhay sa bagong bansa, nabubuo ang mga tunay na pagkakaibigan.
Ang pinakamagandang aral siguro na matututuhan nating lahat ay ang lawak ng pamilya. Tunay na ang pagiging magkakapatid ay nangangahulugan na ang mga taong nagpupunta sa aming ward ay hindi matatagpuan ang kanilang sarili na “mga dayuhan at banyaga, kundi … mga kapwa mamamayan ng mga banal at mga kaanib ng sambahayan ng Diyos” (Efeso 2:19).