“Nariyan Siya para sa Akin,” Liahona, Ago. 2023.
Mga Larawan ng Pananampalataya
Nariyan Siya para sa Akin
Lumuhod kami ng namayapa kong asawa sa altar sa isang banal na templo, at isang taong may kapangyarihang magbuklod ang nagpahayag ng mga pagpapala sa amin. Nagtitiwala ako sa mga ipinangakong pagpapalang iyon.
Noong nasa simbahan ako isang Linggo ng umaga noong 2013, pinatay ko ang cell phone ko dahil ayaw kong makaabala ito sa sacrament meeting. Nang matapos ang miting, muli kong binuksan ang cell phone ko at nakita ko na tinawagan ako ng asawa kong si Tanya. Sinubukan ko siyang tawagan, pero hindi siya sumagot.
Sa oras ng miting na iyon, ang van na sinasakyan niya papunta sa isang taunang pagtitipon ng pamilya ay gumulong sa isang lugar sa New York Thruway. Nasugatan nang malubha ang anak kong babae at dalawa sa aking mga apo, at agad namatay si Tanya. Pagkaraan ng 44 na taon ng pagsasama, biglang nawala ang asawa ko.
Pagkaraan ng apat na taon, sumailalim si Katie, isa sa mga manugang ko, sa emergency C-section para magluwal ng kambal na anak na babae, na 25 linggo lang niyang ipinagbuntis, kaya napakaaga pa para iluwal. Noong walong linggo pa lang ang kambal, papauwi si Katie nang hatinggabi mula sa araw-araw na pagbisita niya sa kanila sa neonatal intensive care unit ng ospital at nabangga siya at napatay ng isang lasing na drayber, na naging dahilan para mabiyudo ang anak ko na may anim na anak.
Ang asawa ko ang lahat-lahat sa akin, at ang asawa ng anak ko ang lahat-lahat sa kanya. Mahirap ang mga panahong iyon para sa aming pamilya.
Pag-asa sa mga Pangako
Hindi ko lubos na nakita ang kahalagahan ni Tanya at kung gaano ako dumepende sa kanya hanggang sa mawala siya. Pero lumuhod kami noon sa altar sa isang banal na templo, at isang taong may kapangyarihang magbuklod ang nagpahayag ng mga pagpapala sa amin. Umasa ako sa pangako ng mga pagpapalang iyon. Nagtitiwala ako sa mga ipinangakong pagpapalang iyon.
Nagduda ako sa aking pananampalataya nang mamatay si Tanya. Kinailangan kong magpasiya, “Talaga bang nananalig ako?” Ang pananampalataya ay tinatawag na kaloob ng Diyos, pero isa rin itong pagpili na ginagawa natin—pagpiling manalig. Pinili kong manalig, at nalaman ko na tama si Moroni nang isulat niya na wala tayong matatanggap na patotoo hangga’t hindi nasusubok ang ating pananampalataya (tingnan sa Eter 12:6). Pagkatapos ng pagsubok, dumating nga ang patotoo. Ang aking pananampalataya ay ginantimpalaan ng nagpapatibay na kapayapaan ng isipan. Iyon ang nagbigay-kakayahan sa akin na sumulong.
Tulad ng sabi ng pangalawa kong asawang si Becky: “Higit tayong kailangang manampalataya kapag nahaharap tayo sa isang krisis. Paglapit sa Panginoon talaga ang tanging sagot. Ito ang paraan para makatiis at umasa.”
Sa loob ng ilang panahon, nahirapan akong alamin kung ano ang pananampalataya at ano ang pag-asa. Inilalarawan ni Alma ang pananampalataya bilang “[pag-asa] sa mga bagay na hindi nakikita, ngunit totoo” (Alma 32:21). Dahil sa aking pananampalataya kay Jesucristo, umaasa ako na kung mananatili akong tapat at totoo sa aking mga tipan, maaari kong makasama si Tanya sa buhay na walang hanggan. Nagpapasalamat din ako sa katiyakan na nariyan ang Tagapagligtas para sa bawat isa sa atin. May pagkakaiba sa pagitan ng pag-iisip na, “Nariyan Siya” at pagkatanto na, “Nariyan Siya para sa akin.”
Hanggang ngayon ay may masamang epekto pa rin sa mga apo ko ang aksidente nila sa kotse, at nagdadalamhati pa rin ako sa pagkawala ni Tanya sa buhay ko. Hindi ako titigil sa pangungulila sa kanya, at ang pagmamahal ko sa kanya ay hindi nababawasan ng pagmamahal ko sa pangalawa kong asawa. Lalo pang naragdagan ang pagmamahal na iyon.
Muli ring nag-asawa ang anak kong lalaki. Ang bago niyang asawa ay anak ng pinsang-buo ni Becky. Kapwa kami ikinasal sa iisang pamilya. Ano ang hindi maganda roon? Kamangha-mangha na nagkataon iyon, o siguro ay hindi.
Mga Hamon at Pagpapala
Nagkaroon ng mga hamon ang aming pamilya, pero nakaranas din kami ng mga pagpapala. Ang anak kong lalaki ay naging isa sa mga idolo ko. Pinatawad niya ang lasing na drayber na nakapatay sa kanyang asawa, at sinabi niya rito na ituwid sana nito ang kanyang buhay. Kamakailan ay ipinagdiwang ng kanyang dalawang anak na babae ang kanilang ikalimang kaarawan. Totoong himala ang kanilang pagsilang.
Sa nakalipas na 17 taon, nagkaroon na ako ng pribilehiyong maglingkod bilang patriarch. Noong una, natakot ako na baka hindi ko magampanan ang tungkulin, pero natutuhan ko na ang mga pagpapala ay nagmumula sa Panginoon, hindi sa patriarch. May mga karaniwang tema sa mga patriarchal blessing dahil nais ng ating Ama sa Langit ang marami sa pare-parehong mga bagay para sa lahat ng Kanyang mga anak, pero bawat pagpapala ay naiiba, indibiduwal, at personal.
Isa sa mga layunin ng patriarchal blessing ay tulungan ang mga indibiduwal na makita kung sino sila bilang mga anak ng Diyos at mahiwatigan kung gaano sila kamahal ng kanilang Ama sa Langit. Bilang patriarch, tuwing ipapatong ko ang aking mga kamay sa ulo ng isang tao para bigyan siya ng patriarchal blessing, sa iilang mahalagang sandali, tinutulutan ako ng Ama sa Langit na madama ang pagmamahal Niya para sa taong iyon. Napakasarap ng pakiramdam na iyon. Kapag nadarama ko kung gaano Niya kamahal ang bawat tumatanggap ng basbas, nadarama ko na mahal din Niya ako.
Ngayon, nakatuon kami ni Becky sa templo. Ang isa sa mga dahilan kaya ibinigay sa atin ng Panginoon ang templo ay para masulyapan natin ang Sion. Bukod pa sa pagiging patriarch, inanyayahan ako ilang taon na ang nakalilipas na maglingkod bilang sealer sa templo. Naging isa pang malaking kagalakan iyon sa buhay ko. Isang calling iyon ng lahat ng masasayang okasyon. Walang nagdudulot sa akin ng higit na kagalakan kaysa sa mga pangako sa templo, na nagbibigay sa akin ng pag-asa na sa pamamagitan ni Cristo, malalampasan ko ang lahat ng pagsubok.