2023
Ang Aking Pag-asa para sa Isang Buhay na Malaya sa Pornograpiya
Agosto 2023


“Ang Aking Pag-asa para sa Isang Buhay na Malaya sa Pornograpiya,” Liahona, Ago. 2023.

Mga Young Adult

Ang Aking Pag-asa para sa Isang Buhay na Malaya sa Pornograpiya

Noon ang pananaw ko ay tuluyan ko bang iwawaksi ang pornograpiya o huwag na lang, pero nagkaroon ako ng pag-asa sa sarili at kay Jesucristo nang magbago ako ng pananaw.

ang kamay ng Tagapagligtas na inaabot ang kamay ng isa pang tao

Detalye mula sa Christ Walking on the Water [Naglalakad si Cristo sa Tubig], ni Robert T. Barrett

Una akong nalantad sa pornograpiya noong walong taong gulang ako. Wala akong ideya na masama iyon dahil walang kumausap noon sa akin tungkol doon. Pero noong labimpitong taong gulang ako at nagsimula kong matutuhan ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, natanto ko na ang nakagawian kong ito ay hindi nakaayon sa mga kautusan o pamantayan ng ebanghelyo. Nagpasiya akong itigil ang nakagawian ko nang lalo kong siyasatin ang Simbahan at kalaunan ay naging miyembro ako.

Noong una akala ko madaling tigilan ang paghahanap ng pornograpiya. Ilang araw akong walang ganoon nang walang problema. Pero may mga bagay na nag-uudyok sa akin na gawin iyon, at bumabalik ako sa nakagawian ko. Maraming beses itong nangyari. Hiyang-hiya ako, takot na baka isipin ng mga tao na masama at kasuklam-suklam akong tao. Kaya itinago ko iyon sa lahat.

Paghingi ng Tulong

Pero nagsimula akong makaramdam ng mga pahiwatig na humingi ng tulong. Ang kinaya ko lang gawing mag-isa ay iwasan sandali ang pornograpiya.

Nang sa wakas ay magtapat ako sa bishop ko at sa matalik kong kaibigan, naawa sila at tinulungan akong umiwas. Umalis ako para magmisyon, at sa tulong ng aking mission president, hindi ako nagkaroon ng anumang mga problema sa mission field.

Pero isang linggo pagkauwi ko, nagsimula ang pandemyang COVID. Nag-iisa, balisa, at lungkot na lungkot, bumalik ako sa dati kong gawi. Halos araw-araw akong nahirapan, pero natuto akong maging tapat tungkol doon at muli akong humingi ng tulong sa mga mahal ko sa buhay.

Nagsimula akong mag-aral sa Brigham Young University. Alam ko na kailangan kong kontrolin ang problema ko, pero kahit nang gawin ko ang lahat ng makakaya ko, natutukso ako kapag nag-iisa ako at namomroblema. Tuwing susubukan ko iyon at nabibigo ako, pakiramdam ko ay balik na naman ako sa simula. Binasa ko ang aking mga banal na kasulatan, nagdasal ako palagi, at ginawa ko ang lahat para makaugnay kay Cristo, pero nawawalan na ako ng pag-asa. Hinahadlangan ng pornograpiya ang aking pag-unlad sa buhay sa maraming paraan, lalo na sa espirituwal.

Pagkatapos ay natuklasan ko ang isang BYU club kung saan maaaring magkita-kita at magsuportahan ang mga estudyanteng nakikipaglaban sa pornograpiya. Ang mga taong nakaugnayan ko ay lubhang mapagmahal at masuporta. Sa simula pa lang, tinulungan na nila akong buhayin ang aking pag-asa para sa isang buhay na malaya sa pornograpiya.

Ang kamay ng Tagapagligtas na nakahawak sa kamay ng isa pang tao

Detalye mula sa Christ Raising the Daughter of Jairus [Si Cristo na Ibinabangon ang Anak ni Jairo], ni Greg K. Olsen

Pagsisikap ang Susi

Pananampalataya, pag-asa, at pang-araw-araw na accountability group ang nakatulong sa akin na magsimulang umiwas sa pornograpiya sa mas mahabang panahon. Lilipas ang isang linggo nang walang pornograpiya, pagkatapos ay dalawang linggo, pagkatapos ay isang buwan. Nagagawa ko na ang hindi ko magawa nang matagalan dati. Isang himala iyon. Nalaman ko na para makasulong, kailangan akong magkaroon ng maliliit na mithiin sa halip na ng pananaw na tuluyang iwaksi iyon o huwag na lang.

Lubos kong kinikilala na hindi pa tapos ang pakikipaglaban ko sa pornograpiya. Kumplikado ang pornograpiya at kadalasa’y nagmumula sa mga pangangailangang hindi natugunan o iba pang mga tagong isyu na kailangang malutas. Ayon sa estadistika, puwede akong matuksong muli, pero nagbago na ang takbo ng isipan ko.

Nagsisikap ako. Nagsisikap ako araw-araw na bumaling sa temporal at espirituwal na resources at kay Jesucristo para tulungan akong mas magpakabuti. Ang katiting na pag-asa ko ay lumalago tuwing pinipili kong talikuran ang pornograpiya; napakaganda ng pakiramdam.

Dati-rati ay iniisip ko na kasuklam-suklam akong tao dahil sa problemang ito, pero ibinahagi ni Brother Bradley R. Wilcox, Pangalawang Tagapayo sa Young Men General Presidency, ang ilang salitang nagbibigay sa akin ng pag-asa: “May ilan na ang pagkaintindi sa mensahe ay [na] hindi sila ganap na karapat-dapat sa mga pagpapala ng ebanghelyo dahil hindi pa nila tuluyang naiwawaksi ang kanilang masasamang gawi. Ang mensahe ng Diyos ay ang pagiging karapat-dapat ay hindi pagiging walang kamalian. Ang pagiging karapat-dapat ay pagiging matapat at masikap. Dapat tayong maging matapat sa Diyos, sa mga priesthood leader, at iba pang nagmamahal sa atin, at dapat tayong magsikap na sundin ang mga kautusan ng Diyos at huwag sumuko dahil lamang sa tayo ay nagkamali.”1

Tulad ng batang lalaki sa kanyang mensahe na nahirapang paglabanan ang pornograpiya, sinisikap kong makamit ang “maliliit at maaabot na [mga] mithiin” at “dahan-dahang pag-unlad,” sa halip na “tuluyang [iwaksi ito o huwag na lang].”2

Malayo na ang narating ko pagdating sa pagdaig sa pornograpiya dahil sa tulong na natanggap ko mula sa mapagmahal na mga lider ng Simbahan at kaibigan. Pero nakatulong din sa akin ang mga banal na gawi. Noong nahihirapan ako nang husto, madalas kong madama na hindi ako marapat na makilahok sa mga espirituwal na gawain—nagkamali ako ng paniniwala na ikinahihiya ako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo. Pero nalaman ko na mapagmahal Nila ako palaging inaanyayahan na bumaling sa Kanila sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pagsamba sa templo para matanggap ang Kanilang nagpapagaling na kapangyarihan, lalo na sa pinakamahihirap na sandali sa buhay ko.

Wala akong alinlangan na habang patuloy akong nagsisikap, balang-araw ay makakabalik ako sa aking Ama sa Langit batid na ginawa ko ang lahat ng makakaya ko. At mananangis ako sa paanan ng aking Tagapagligtas na si Jesucristo dahil ginawa Niyang posible iyon. Labis ang pasasalamat ko sa kaloob na Kanyang Pagbabayad-sala at sa lahat ng pagkakataong ibinibigay Niya sa akin habang patuloy akong nagsisikap.

Pananampalataya at Pag-asa kay Cristo

Kung nakagawian ninyong gumamit ng pornograpiya, dapat ninyong malaman na hindi kayo nag-iisa. Huwag sumuko. Ang paglalakbay patungo sa pagdaig dito ay nangangailangan ng panahon, pananampalataya, at pagsisikap. Pero ang katotohanan na sinisikap mong humingi ng tulong ay nangangahulugan na nasa tamang landas ka. Bumaling sa Diyos. Bumaling sa mga nagmamahal sa iyo. Humingi ng tulong. Maging tapat at mapagpakumbaba. Ipaalam sa inyong mga lider sa Simbahan na matagal ka nang nahihirapan.

Kasama mo si Jesucristo habang nagsisikap kang daigin ito, gaano man karaming pagkakataon ang kailangan. Alam Niyang mabait ka at may banal na kahalagahan. Ang iyong mga pagsisikap ang lahat-lahat sa Kanya, at habang nananampalataya ka, maawain ka Niyang tutulungang madaig ang iyong kahinaan (tingnan sa Eter 12:27). Tulad ng ipinangako ni Pangulong Russell M. Nelson, “Ang pananampalataya kay Jesucristo ang pinakadakilang kapangyarihang matatamo natin sa buhay na ito. Ang lahat ng bagay ay posible sa kanila na nananampalataya.”3