2023
Ang mga Talinghaga ng Kaligtasan Ayon kay Pablo sa mga Sinaunang Konteksto ng mga Ito
Agosto 2023


Konteksto ng Bagong Tipan

Ang mga Talinghaga ng Kaligtasan Ayon kay Pablo sa mga Sinaunang Konteksto ng mga Ito

Sa kanyang Sulat sa mga taga-Roma, ginamit ni Pablo ang mga konseptong pamilyar sa mga tao sa kanyang panahon para tulungan silang maunawaan ang gawain ng ni Jesucristo ukol sa kaligtasan.

placeholder altText

si Pablo na sumusulat ng liham sa isang mesa

Paano isusulat ng isang tao ang lahat ng nagawa ni Jesucristo para sa atin? Para kay Pablo, ang sagot ay ang gumamit ng mga konseptong pamilyar sa kanyang panahon at maihahalintulad kay Jesucristo—mga konseptong tulad ng pagbibigay-katwiran, biyaya, at handog na pantubos/pagbabayad-sala.

Bagama’t maaaring mali kung minsan ang pagkaunawa sa bawat isa sa mga konseptong ito sa panahong ito, sa Roma 3:24–25, ginamit ni Pablo ang mga ito bilang mga talinghaga para ipaliwanag ang kaligtasan ayon sa mga katagang maaaring mas maunawaan ng mga alagad ni Cristo sa panahong iyon. Samakatwid, kapag alam natin ang iba pa tungkol sa mga orihinal na konteksto ng mga salitang ito, mas maipauunawa sa atin ang mga turo ni Pablo tungkol sa ating kaligtasan kay Jesucristo.

Pagbibigay-Katwiran

Ang salitang pagbibigay-katwiran ay ginamit sa Lumang Tipan para turuan ang Israel tungkol sa kanilang kaugnayan sa Diyos.1 Ang ideya ay nagmumula sa isang legal na konteksto. Halimbawa, sa Deuteronomio 16:18–20, inutusan ang Israel na humirang ng mga hukom para magbigay ng “matuwid” na mga desisyon at hangarin kung ano ang “[ma]katarungan lamang” (sa orihinal na Mga Hebreo ay ganito ang mababasa, hangarin ang “katarungan katarungan,” na inuulit nang dalawang beses ang salitang katarungan para mabigyang-diin ito). Ang matuwid at katarungan ay nagmumula sa iisang salitang-ugat na Hebreo at Griyego na pagbibigay-katwiran.

Ginamit ng mga propeta ang imahe ng isang hukuman ng batas, na ang Diyos ang hukom, para balaan nang patula ang Israel at ang mga kalapit-bayan nito (tingnan sa Isaias 3:13–14; 41:1–9, 21–24; Micas 6:1–5). Sa Isaias 43:9, ipinatawag ng Diyos ang mga bansa na humarap sa Kanya na parang nasa hukuman: “Hayaang sama-samang magtipon ang lahat na bansa: … Dalhin nila ang kanilang mga saksi, upang sila’y mapawalang-sala.”2 Ang mabigyang-katwiran (ipinahayag na makatarungan o napatawad) ang magiging pag-asa ng sinumang ihaharap sa hukuman.

Subalit nag-alala ang ilang awtor ng Lumang Tipan na baka hatulan ng “katarungan” ng Diyos, o ng Kanyang “katuwiran” (pagsasalin pareho ng iisang salita sa Hebreo at Griyego), ang mga tao. Kinilala ng mang-aawit, “Sapagkat walang taong nabubuhay na matuwid sa iyong harapan” (Mga Awit 143:2). Tinukoy ni Pablo sa awit na ito sa Roma 3:20: “Sapagkat sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan [ni Moises] ay walang tao na ituturing na ganap sa paningin [ng Diyos].” Pagkatapos ay inilahad ni Pablo ang solusyon. Ang Diyos, ang ating dakila at banal na Hukom, ay pinipiling ipahayag na tayo ay makatarungan (o matwid) dahil kay Cristo: tayo ay “itinuturing na ganap ng kanyang biyaya bilang kaloob sa pamamagitan ng pagtubos na na kay Cristo Jesus” (Roma 3:24).

Biyaya

Ang biyaya ay isa pang katagang ginamit ni Pablo para ipaliwanag ang nakapagliligtas na gawain ni Jesucristo. Ang salitang biyaya ay hindi orihinal na katagang pangrelihiyon. Noong panahon ni Pablo, ang biyaya (sa Griyego, charis) ay karaniwang ginagamit upang ilarawan ang kaugnayan sa pagitan ng isang patron at ng isang kliyente. Ang isang patron ang nagtataglay ng kapangyarihan, awtoridad, o pera para magbigay ng regalo sa mga kliyente na hindi nila makukuha para sa kanilang sarili o magagantihan sa anumang paraan. Naobliga ang mga kliyente na igalang ang kanilang patron sa pamamagitan ng hayagang pagpapakita ng kanilang pasasalamat at katapatan.

Halimbawa, noong AD 90 ay nagpadala ng delegasyon ang lungsod ng Aphrodisias sa Efeso upang magtayo ng isang rebulto bilang parangal sa mga emperador ng Roma. Mababasa sa nakaukit sa rebultong iyon na: “Ang mga Tao ng Aphrodisias, na tapat kay Cesar, na malaya at nagsasarili sa simula pa lamang dahil sa biyaya ng Augusto, ay itinayo [ang rebultong ito] sa pamamagitan ng isang pribadong [gawa ng] biyaya.”4 Sa nakaukit na ito ay ginagamit ang biyaya sa dalawang paraan: una para ilarawan ang regalo ng Augusto—na ang lungsod ng Aphrodisias ay magiging malaya at nagsasarili—at pangalawa para ilarawan ang mas maliit na regalong rebulto para ipahayag ang katapatan ng mga tao at ipakita ang pasasalamat nila.

Sa Roma, nilinaw ni Pablo kung alin sa dalawang uri ng biyayang ito ang inilalarawan niya ang: “Itinuturing na ganap [sa pamamagitan] ng kanyang biyaya” (Roma 3:24; idinagdag ang diin). Binigyang-diin ni Pablo na ito ang kaloob ng Diyos bilang ating patron na hindi natin magagantihan at dapat nating tanggapin nang may mga hayagang pasasalamat at katapatan.

Handog na Pantubos/Pagbabayad-sala

Patuloy na ipinaliwanag ni Pablo ang nakapagliligtas na gawain ni Cristo sa isang huling talinghaga:

“Inialay ng Diyos [si Cristo Jesus] bilang handog na pantubos sa pamamagitan ng [pagsampalataya sa] kanyang dugo” (Roma 3:25).

Ang salitang isinalin bilang “handog na pantubos” ay maaari ding isalin bilang “pagbabayad-sala” o “luklukan ng awa.” Noong panahon ni Pablo, kapag narinig ng karamihan sa mga Judio ang salitang pagbabayad-sala, iisipin muna nila ang gawain ng mga saserdote sa templo.

Halimbawa, inilalarawan sa Levitico 16 kung paano nagwiwisik ng dugong alay na hayop ang mataas na saserdote, sa Araw ng Pagbabayad-sala, “sa luklukan ng awa” para “[tubusin] ang santuwaryo” (Levitico 16:15–16). Ginamit ni Pablo ang salitang handog na pantubos para ikumpara ang nakapagliligtas na gawain ni Jesucristo sa isang bagay na pamilyar sa kanyang mga mambabasa: ang gawain ng mga saserdote sa templo para alisin ang mga kasalanan ng mga tao at ipagkasundo sila sa Diyos. Gayunman, nilinaw ni Pablo na hindi ang dugo ng mga hayop ang nagliligtas kundi ang “handog na pantubos sa pamamagitan ng [pagsampalataya] sa dugo [ni Cristo]” (Roma 3:25).

Sa loob ng dalawang maiikling talata (Roma 3:24–25), inanyayahan tayo ni Pablo na isipin (1) ang Diyos na binibigyang-katwiran tayo sa isang hukumang batas dahil sa pagtubos sa atin ni Jesucristo, (2) ang Diyos na nagiging ating patron dahil sa Kanyang kaloob na biyaya, na dahilan kaya dapat natin Siyang sundin at hayagang pasalamatan, at (3) ang Diyos na gumaganap bilang saserdote, na ginagawa tayong banal sa pamamagitan ng ating pagsampalataya sa nagbabayad-salang dugo ni Cristo.

Kapag ginamit sa ating buhay at pagsamba ngayon bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, bawat isa sa mga imaheng ito ay maaaring makatulong sa atin na makita ang kapangyarihan ng nagbabayad-salang sakripisyo ng ating Tagapagligtas at ang pagmamahal na naipakita Niya at ng ating Ama sa Langit sa pagbibigay sa atin ng gayon kagandang kaloob.

Mga Tala

  1. Para maunawaan kung paano natin ginagamit ngayon ang katagang pagbibigay-katwiran sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibigay-Katwiran, Pangatwiranan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

  2. Inaanyayahan silang magpatawag ng mga saksi o magsalita para sa kanilang sarili, na ipinagtatanggol kung nahulaan ba nila (ng mga bansang Gentil) ang hinaharap sa paraang nagawa ng Diyos ng Israel.

  3. Dallin H. Oaks, “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi,” Liahona, Mayo 2019, 91.

  4. I. Ephesos II. 233 (idinagdag ang diin); hinango mula sa James R. Harrison, Paul’s Language of Grace in Its Graeco-Roman Context (2003), 52.

  5. Dieter F. Uchtdorf, “Napakaganda ng Nagagawa Nito!,” Liahona, Nob. 2015, 23. Tungkol sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas, tingnan din sa David A. Bednar, “Sa Lakas ng Panginoon,” Liahona, Nob. 2004, 76–78; Gene R. Cook, “Receiving Divine Assistance through the Grace of the Lord,” Ensign, Mayo 1993, 79–81.

  6. Dale G. Renlund, “Ang Priesthood at ang Nagbabayad-salang Kapangyarihan ng Tagapagligtas,” Liahona, Nob. 2017, 64.