“Kung Saan Kami Kailangang Magpunta,” Liahona, Ago. 2023.
Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw
Kung Saan Kami Kailangang Magpunta
Nagpapasalamat ako na hinayaan ng Diyos na maligaw kami para matagpuan namin ang isang taong nangangailangan ng patnubay.
Tila nais ng lahat na magkaroon ng isang summer home sa mainit na baybayin ng Ilo, Peru, kaya palagi kaming maraming pintong kakatukin ng kompanyon kong missionary. Karamihan sa aming pagbabahay-bahay ay nangyari sa mga hanay ng magkakatulad na tatlong-palapag na 12-apartment na mga gusali. Madaling maligaw.
Isang gabi nagplano kaming bisitahin ang isang babaeng nakilala namin. Tama ang nakuha naming palapag at numero ng kanyang apartment, pero nagkamali kami ng punta sa apartment complex na kasunod ng sa kanya. Kumatok kami, at nang buksan ng isang binatilyo ang pinto, natanto namin na mali ang apartment na napuntahan namin.
Pero bago namin naipaliwanag ang aming pagkakamali, sinabi ng binatilyo, “Ah, elders, natutuwa akong makita kayo. Nagpunta sa tindahan ang lola ko, pero maya-maya lang ay narito na iyon. Pasok kayo.”
Nalilito, pumasok kami at naupo sa sopa. Nang dumating ang lola ilang minuto kalaunan, tuwang-tuwa siyang makita kami.
Nalilito pa rin, itinanong namin kung paano niya nakilala ang mga missionary. Ipinaliwanag niya na naturuan na nila siya dalawang taon na ang nakararaan, pero nang masyadong naging abala ang iskedyul niya, tumigil na sila sa pagbisita.
Nang dumating kami noong gabing iyon, pakiramdam niya ay wala siyang halaga. Naging mahirap para sa kanya ang buong linggo. Nasobrahan at napagod siya sa trabaho at pakiramdam niya ay wala talagang halaga ang anumang ginawa niya. Pagkatapos ay nagpakita kami, na nagpasaya sa araw niya, at nagbigay sa kanya ng pangalawang pagkakataon na magkaroon ng layunin sa buhay sa tulong ng ebanghelyo ni Jesucristo. Ang di-inaasahang pagbisita namin ay tanda sa kanya ng Diyos na may halaga siya sa Kanya.
Napunta kami sa maling apartment, pero napunta kami mismo kung saan kami kailangang magpunta. Sa pagkaligaw namin, natagpuan naming muli ang anak na ito ng Diyos. Dahil nagkamali kami ng pinuntahan, inakay kami ng Diyos sa kanya.
Pagkaalis namin, natagpuan namin ang babaeng plano naming bisitahin. Ni hindi niya napansin na nahuli kami sa usapan. Iniisip ko kung ano kaya ang nangyari kung natagpuan namin ang tamang apartment sa simula pa lang.
Kung nakarating kami sa plano naming puntahan, hindi sana kami nagkaroon ng pagkakataon na ibahagi ang pagmamahal ng Tagapagligtas. Pero ginamit ng Diyos ang pagkakamali namin para ituro sa amin kung saan Niya kami kailangang papuntahin. Nagpapasalamat ako na hinayaan Niya kaming maligaw para matagpuan namin ang taong nangangailangan ng patnubay.