“Pagkasumpong ng Pag-asa at Pagmamahal Habang Pinaglalabanan ang Pornograpiya,” Liahona, Ago. 2023.
Pagkasumpong ng Pag-asa at Pagmamahal Habang Pinaglalabanan ang Pornograpiya
Laging may pag-asa kapag alam mo ang malilinaw na hakbang na gagawin para gumaling.
Bilang isang propesyonal na nagsasaliksik sa mga epekto ng pornograpiya at bilang family life professor sa Brigham Young University, nilalapitan ako ng maraming taong pinaglalabanan ang paggamit ng pornograpiya o ng mga humihingi ng tulong para sa mga mahal sa buhay. Kung minsan nakakatanggap ako ng mga tanong na tulad ng “Madaraig ko kaya ang problema ko sa pornograpiya?” o kahit ng “May problema ba talaga kung nanonood ako ng pornograpiya?” Ipinapakita ng mga tanong na ito ang pagiging kumplikado ng pagsisikap na lunasan ang paggamit ng pornograpiya.
Itinuturo sa mga banal na kasulatan at ng mga propeta sa mga huling araw na si Jesucristo ay nag-aalok ng pag-asa at pagmamahal sa lahat ng tao, anuman ang kasalukuyan nilang mga paghihirap o kasalanan. Itinuro ng propetang si Eter na “sinuman ang maniniwala sa Diyos ay maaaring umasa nang may katiyakan para sa isang daigdig na higit na mainam, oo, maging isang lugar sa kanang kamay ng Diyos, kung aling pag-asa ay bunga ng pananampalataya” (Eter 12:4). Ang tiyak na pag-asang ito, na nagmumula sa pananampalataya, ay nangangako ng mas magandang kinabukasan para sa lahat ng sumasampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Totoo rin na paulit-ulit nang nagbabala ang mga pinuno ng Simbahan sa paglipas ng mga taon tungkol sa mga peligro ng paggamit ng pornograpiya.1 Gayundin, iminumungkahi ng empirical research na ang panonood ng pornograpiya ay makapipinsala sa mga indibiduwal at magpapahina sa mga relasyon.2 Bagama’t ito ay mga pangunahing katotohanan, ang katotohanan ng paglutas o pagdaig sa pornograpiya ay maaaring mahirap kung minsan.
Bilang isang taong nakagugol ng maraming taon sa pagsisikap na unawain ang mga epekto ng pornograpiya, malinaw sa akin na ang sadyang pagtingin sa pornograpikong materyal ay may malubhang nakapipinsalang epekto sa mga indibiduwal at pamilya. Malinaw rin sa akin na marami ang nahihirapang makahanap ng mga paraan para makaiwas sa paggamit ng pornograpiya at matakasan ang kadiliman na laging hahadlang sa kanilang kaligayahan. Ang pagkasumpong ng pag-asa ay maaaring mahirap kapag hindi alam ang malilinaw na hakbang na gagawin para gumaling. Dahil diyan, ibinabahagi ko sa ibaba ang ilang partikular na hakbang na maaaring gawin ng isang tao para makalayo sa pornograpiya.
Bagama’t may ilang karaniwang pattern sa paggaling—kabilang na ang pananampalataya sa Diyos, katapatan, at paghingi ng tulong—ang partikular na mga hakbang sa paggaling ay maaaring magmukhang iba sa antas ng pagkasangkot ng isang tao sa pornograpiya. Inilarawan ni Pangulong Dallin H. Oaks, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ang apat na antas ng pagkasangkot sa pornograpiya: (1) hindi mapigilan o nakakaadik na paggamit, (2) matindi o nakagawiang paggamit, (3) paminsan-minsang paggamit, at (4) di-sadyang pagkalantad.3 Sa unang tatlong antas ng pagkasangkot, magmumungkahi ako ng mga positibong hakbang na magagawa mo at ng iyong mga mahal sa buhay sa pagsisikap mong lunasan ang paggamit ng pornograpiya.
1. Paglunas sa Di-Mapigilang Paggamit (Adiksyon)
Ang paggamit ng pornograpiya sa paglipas ng panahon ay madalas na lumilikha ng matindi at di-mapigilang mga pagnanasa sa iyong kalooban na manood o makinig sa iba pang pornograpikong materyal at gamitin ito nang mas madalas. Ang adiksyon sa pornograpiya ay naglilimita sa iyong kalayaang pumili. Kung adik ka na rito, malamang na mahihirapan kang mag-isip o makibahagi sa iba pang mahahalagang aktibidad o relasyon, pati na sa pamilya at mga kaibigan. Bagama’t laging posibleng magsisi at magbalik sa landas ng tipan, ang adiksyon sa pornograpiya ay maaaring magpadama sa iyo ng kawalan ng pag-asa, depresyon, at pagkabalisa.
Makakatulong na mga Hakbang
Magtuon sa iyong banal na identidad. Ang pagtutuon sa iyong identidad bilang anak ng Diyos ay maaaring makatulong para muling patatagin ang iyong paniniwala na kaya mong gawin ang mga dakilang bagay, pati na ang pagdaig sa paggamit ng pornograpiya. Bagama’t maraming nakikipaglaban sa adiksyon sa pornograpiya ang nakadarama ng kawalan ng pag-asa, kung aalalahanin ninyo ang inyong banal na identidad at layunin, mas makasusumpong kayo ng lakas na manampalataya sa Panginoon at kumilos (tingnan sa Filipos 4:13).
Makipag-usap sa iba tungkol sa problemang ito. Ang pagdanas ng mga tukso at di-mapigilang damdamin na manood ng pornograpiya ay maaaring makaragdag sa matinding kalungkutan. Ang isa sa mga pinakamainam na paraan para maiwasan na manatiling tago ang di-mapigilang adiksyon at lumala pa ito ay hayagang pag-usapan ang paggamit mo ng pornograpiya. Humingi ng suporta mula sa mga kapamilya, kaibigan, at lider ng Simbahan, gayundin sa professional resources, para hindi ka mag-isang nakikipaglaban rito.
Maghanap ng lokal na therapist na espesyalista sa mga seksuwal na adiksyon. Maaaring makatulong sa iyo ang mga mental health professional na unawain ang mga dahilan kung bakit ka bumabaling sa pornograpiya. Maaari ka nilang tulungang lunasan ang mga di-mapigilang pattern na maaaring naglilimita sa kakayahan mong gamitin ang kalayaan mong makasumpong ng kagalakan at kaligayahan.
Sumali sa isang addiction recovery group. Ang mga sesyon ng addiction recovery group at iba pang resources sa komunidad ay maaaring makatulong na ikonekta ang mga naghahangad na gumaling at bigyan ka ng mga mentor, mensahe ng pag-asa, at positibong halimbawa.4 Magkakaiba ang karanasan ng lahat ng nagdaraan sa adiksyon, ngunit kapag narinig mo ang mga kuwento at pakikibaka ng iba, malalaman mo na hindi nilayon na mag-isa mong pagdaanan ang mga pagsubok at maaari kang mapasigla at mahikayat ng iba na nasa gayon ding mga sitwasyon.
2. Paglunas sa Matindi at Nakagawiang Paggamit
Hindi lahat ng taong nahuhulog sa bitag ng pornograpiya ay naaadik dito. Maaaring nabitag ka na sa isang pattern ng panonood ng pornograpiya pero hindi ka tumutugon sa klinikal na kahulugan ng adiksyon. Maaari mong isipin na ito ay isang paulit-ulit na “masamang gawi” ng paggamit ng pornograpiya. Bagama’t ang mga kinahihinatnan ng antas na ito ng pagkasangkot sa pornograpiya ay maaaring hindi kasingtindi ng adiksyon, mayroon pa rin itong mga negatibong epekto sa buhay mo.
Halimbawa, ang regular na paggamit ng pornograpiya ay umaatake sa kakayahan mong makadama ng pag-ibig sa kapwa at maaaring lumikha ng di-makatotohanang mga saloobin tungo sa seksuwal na intimasiya at pagmamahal. Maaari nitong gawing mas makasarili ang iyong mga iniisip at nadarama tungo sa intimasiya, kaya mas mahihirapan kang madama at maipahayag ang uri ng pagmamahal na nagpapalalim at nagpapatatag sa iyong mga relasyon. Ito ay dahil kahit ang paminsan-minsang paggamit ng pornograpiya ay nag-uudyok ng pagnanasa, na kapalit ng pagmamahal na batay sa makasariling mga hangarin at pag-uugali na salungat sa kalooban ng Diyos.5 Itinuro ng Panginoon na, “Siya na titingin sa isang babae upang magnasa sa kanya ay magtatatwa sa pananampalataya, at hindi makatatamo ng Espiritu” (Doktrina at mga Tipan 42:23).
Makakatulong na mga Hakbang
Humingi ng tulong. Ang pakiramdam na nabitag ka sa regular na paggamit ng pornograpiya ay maaaring nakakainis. Maaari mong madama na ang paggamit mo ng pornograpiya ay hindi nangangailangan ng suporta sa kalusugang pangkaisipan, o maaaring takot kang humingi ng suporta o tulong sa mga kaibigan at kapamilya. Mahalagang tandaan na ang paghahangad sa resources na ito ay isang mahalagang unang hakbang. Maaaring makatulong ang mga mahal sa buhay na subaybayan ang paggamit mo ng cell phone o internet at maobliga kang magkaroon ng pananagutan sa buhay mo. Ang pagkakaroon ng regular na mga pakikipag-usap at pagkumusta sa isang mapagmahal na kapamilya o kaibigan ay isa pang paraan na maaaring makatulong ang suportang ito ng lipunan na maputol ang matinding paggamit ng pornograpiya.
Alamin kung anong mga kaganapan o emosyon ang nag-uudyok sa pagnanasa mong manood ng pornograpiya. Para sa maraming tao, ang pagnanasang ito ay maaaring udyok ng problema, pagtanggi, o iba pang mga negatibong emosyon. Maaaring makatulong sa iyo ang pagtukoy sa mga sitwasyon na malamang na magpadama sa iyo ng pagnanasang manood ng pornograpiya. Kapag natukoy na, ang kaalamang ito ay maaaring makatulong sa lahat ng sangkot na malaman ang mga sitwasyong iiwasan at kung kailan ka mangangailangan ng higit na suporta at panghihikayat.
Masiyahan sa makabuluhang libangan. Dahil ang matinding paggamit ng pornograpiya ay kadalasang udyok ng negatibong damdamin, ang isa pang makakatulong na hakbang ay magtuon sa mga positibong aktibidad sa paglilibang o sa mga libangang nakakatanggal ng stress at nagpapasigla sa iyo. Bagama’t hindi maaalis ng mga aktibidad na ito lamang ang tuksong manood ng pornograpiya, ang pagsisikap na gumawa ng mga positibong aktibidad ay maaaring makatulong na lumikha ng mas kakaunting sitwasyon kapag nagaganyak kang manood ng pornograpiya. Ang mga aktibidad na ito ay maaaring maghatid ng kaligayahan at kapanatagan sa buhay mo.
Anyayahan ang liwanag ng Diyos sa buhay mo. Isiping ipares ang mga positibong libangan sa pinag-ibayong pansin sa espirituwal na liwanag na maaaring magmula sa pagiging abala sa ebanghelyo. Ang liwanag na ito ng ebanghelyo ay maaaring magmula sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal araw-araw, at, kung maaari, pagdalo sa templo. Ipinahayag ni Elder Dieter F. Uchtdorf ng Korum ng Labindalawang Apostol na “nangangako ang Diyos ng pag-asa sa Kanyang liwanag—nangangako Siyang tatanglawan ang daan sa ating harapan at ipapakita sa atin ang daan palabas ng kadiliman.”6
3. Paglutas sa Paminsan-minsang Paggamit
Para sa ilan, ang paggamit ng pornograpiya ay hindi isang regular na gawi o adiksyon. Maaaring nakakakita ka ng pornograpiya kung saan-saan ngunit hindi sa magkakatulad na paraan. Bagama’t maaari kang matuksong ituring ang madalang na paggamit na ito na di-gaanong dapat ikabahala, itinuro ni Pangulong Oaks na, “Gaya ng iba pang makasalanang pag-uugali, ang sadyang paggamit ng pornograpiya ay nagtataboy sa Espiritu Santo.”7 Ang pagguhong ito ng iyong espirituwal na pagkasensitibo ay isang malaking negatibong epekto kahit ng paminsan-minsang paggamit ng pornograpiya. Nais ni Satanas na gamitin ang pornograpiya para sirain ang iyong koneksyon sa pagmamahal at espirituwal na kapangyarihang laan ng Espiritu Santo.
Makakatulong na mga Hakbang
Hangarin ang Espiritu. Ang isang mahalagang hakbang para makaiwas sa paminsan-minsang paggamit ng pornograpiya ay ang pagsikapan na manatiling malapit sa Espiritu ng Diyos araw-araw. Dahil kilalang-kilala ka ng iyong Ama sa Langit, alam na alam Niya kung paano ka ganap na matutulungan. Kung nadarama mo na napalayo ka na sa Espiritu, mangako ngayon na magtuon kay Cristo, alalahanin at tuparin ang iyong mga tipan, at simulan ang proseso ng pagsisisi upang muli kang mabigyan ng Espiritu Santo ng patnubay at suporta. Ang pakikinig sa araw-araw na mga pahiwatig mula sa Espiritu Santo at pagdama sa araw-araw na pagmamahal ni Jesucristo at ng Ama sa Langit ay maaaring makatulong sa iyo na mas tumugon sa mga tukso o pagnanasang manood ng pornograpiya na maaaring dumating.
Lumikha at magpanatili ng malilinaw na hangganan pagdating sa pag-access mo sa pornograpiya. Ang paglalayo ng mga cell phone sa kama mo sa gabi o paggamit ng mga filter o iba pang mga accountability software program sa iyong mga electronic device ay maaaring makaharang sa pagitan mo at ng napakaraming pornograpikong materyal online. Samantalang karaniwan ay hindi sapat ang gayong mga hangganan para baguhin ang nakagawiang paggamit ng pornograpiya, maaaring makatulong ang mga ito na limitahan ang mga pagbalik sa dating gawi at mabawasan ang mga tukso.
Pag-asa kay Cristo
Saan ka man naroon sa patuloy ng paggamit ng pornograpiya, lagi kang may mga hakbang at desisyong maaaring gawin para mapalakas ang sarili mo laban sa pornograpiya at kalaunan ay madaig ito. Maaari kang magkaroong muli ng pag-asa sa buhay mo sa pamamagitan ng paggamit sa iyong kalayaang gumawa ng malilinaw na desisyon hindi lamang para iwasan ang pornograpiya kundi kumilos din para maragdagan ang iyong personal na katatagan.
Nangangako ng magagandang pagpapala sa atin ang ebanghelyo kapag umaasa tayo kay Jesucristo. Nagpatotoo si Elder Uchtdorf na, “Gaano man kalabo sa ngayon ang kabanata ng ating buhay, dahil sa buhay at sakripisyo ni Jesucristo, maaari tayong umasam at mabigyang-katiyakan na ang matatamo natin sa pagwawakas ng aklat ng ating buhay ay talagang higit pa sa ating mga inaasahan.”8 At itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, Gumaganap na Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol na, “Kapag may pag-asa tayo kay Cristo, malalaman natin na kapag kailangan nating gumawa at tumupad ng mga sagradong tipan, ang mga pinakahihiling at pinapangarap natin ay maaaring matupad sa pamamagitan Niya.”9
May negatibong epekto ba sa ating buhay ang sadyang panonood ng pornograpiya? Pare-pareho ang mga sagot mula sa ating mga makabagong propeta at makabagong siyensya: oo. Ibig bang sabihin nito ay nakatadhana ang mga nakikipaglaban sa pornograpiya sa isang walang-kasiyahan at kasuklam-suklam na buhay? Hindi. Ang kagandahan ng ebanghelyo ay nasa pangako na palagi tayong maaaring magsisi, magpatuloy sa landas ng tipan, at muling magtamasa ng Espiritu Santo at pagmamahal ng Diyos sa ating buhay. Pinangakuan tayo na “lahat ng mga bagay ay [ating] magagawa sa pamamagitan [ni Cristo na] nagpapalakas sa [atin]” (Filipos 4:13). Maraming masisira ang pornograpiya tungkol sa kung ano ang sagrado at mabuti, ngunit maaari nating alisin iyon sa ating buhay sa pag-asa kay Jesucristo at sa Kanyang nagpapagaling na kapangyarihan at pagsunod sa mga mungkahing nakasaad sa artikulong ito.